Inday TrendingInday Trending
Nagkahiwalay ang Mag-asawa sa Loob ng Tatlumpu’t Walong Taon; Isang Nakapintang Larawan ng Rosas Pala ang Magiging Daan Upang Muli Silang Magtagpo

Nagkahiwalay ang Mag-asawa sa Loob ng Tatlumpu’t Walong Taon; Isang Nakapintang Larawan ng Rosas Pala ang Magiging Daan Upang Muli Silang Magtagpo

Isang baguhang pastor noon si Pastor Ronnie ng maatasan na mamahala sa isang lumang simbahan. Nang minsang bisitahin niya ang simbahang paglilingkuran ay agad niyang napansin ang napakadaming dapat ayusin dito. Sa tulong ng kanyang asawa at ng ilang miyembro ay sinumulan nilang ayusin ang sira-sirang bahagi ng simbahan.

Lahat ay lubos na nananabik sa unang misa ng pastor sa nalalapit na kapaskuhan, subalit isang malakas na bagyo ang dumating noong disyembre na nagdulot ng malaking pinsala sa lumang gusali at sa mga gamit sa loob nito. Labis ang kalungkutan nila ng makita na wala nang bubong at butas na ang ilang bahagi ng pader ng simbahan.

Pagkatapos ng malakas na bagyo ay muling nagtulong-tulong ang mga lingkod at pinilit isaayos ang simbahang ipinagkatiwala sa kanila. Habang namimili ng mga materyales at palamuti na gagamitin ang mag-asawang pastor ay nakita nila sa tindahan ng mga second hand na gamit ang isang magandang larawang ipininta.

Isang larawan ng rosas na halatang pinaghirapan at pinagbuhusan ng madaming oras upang mabuo ang isang napakagandang obra. Naisip nila na ilagay ito sa mga dingding ng simbahan upang makadagdag sa ganda ng looban nito.

Dumating ang araw ng Disyembre at nalalapit na ang kapaskuhan. Habang papunta sa simbahan ay nakita ng pastor ang isang may edad na babae na naghihintay sa sakayan ng bus.

“Pwede po bang magtanong? Alam ninyo po ba kung may dadaan pang bus ng ganitong oras patungo sa bayan?” magalang na tanong ng babae sa pastor.

“Nako nakalagpas na po ang bus na bumabiyahe ng ganitong oras. Kailangan pa po ninyong mag-intay ng isa hanggang dalawang oras bago dumating ang susunod na bus na babiyahe patungo sa bayan,” sagot naman ng pastor.

“Ganoon po ba? Maghihintay pa po pala ako ng medyo matagal para makauwi. Medyo lumalamig na pa naman po ang hangin. Di bale, iintayin ko na lamang po ang susunod na biyahe. Maraming salamat po,” tugon ng may edad nang babae habang nakahawak sa mga braso.

Napansin ng pastor na manipis lamang ang suot ng babae at mukhang nakakaramdam nga ito ng matinding panlalamig. Baka magkasakit pa ito pag nanatiling nag-iintay doon ng matagal.

“Baka po gusto ninyong bumisita muna sa aming simbahan na malapit lamang dito. Saluhan po ninyo kami ng asawa ko na uminom ng mainit na tsokolate habang nag-iintay sa susunod na biyahe ng bus,” pag-anyaya ng pastor.

Ngumiti naman ang babae at tumugon sa paanyaya ng pastor. Sa simbahan ay pansamantalang namahinga muna ang babae. Inabutan siya ng pastor ng isang mainit na inumin panlaban sa malamig na araw ng Disyembre.

Habang nagmamasid sa loob ng simbahan at nakaagaw ng pansin sa babae ang isang napakagandang pinta na nakasabit sa pader ng simbahan. Ang magandang pinta ng rosas na nabili ng pastor noong nakaraang araw.

“Pastor, maari po bang magtanong? Saan ninyo po nabili ang magandang pinta na ito?” tanong ng babae habang nakatingin sa larawan.

“Ah ito ba?” tanong ng pastor habang nakatingin sa larawan, “nabili namin ito ng asawa ko sa isang second hand shop sa bayan noong nakaraang araw lamang. May kalumaan na ito, ngunit napakaganda pa ring pagmasdan dahil sa magaling na pagkakapinta,” tugon pa ng pastor.

“Maaari ko bang hawakan at tignan ng mas malapitan ang larawan na ito?” tanong ng babae.

Kinuha ng pastor ang larawang nakasabit sa pader at saka inabot sa babae. Nanlaki naman ang mata ng babae at hindi makapaniwala sa nakita. Ito ay ang pinta na regalo sa kanya ng kanyang asawa ilang taon na ang nakalilipas.

Sa may bahaging baba nito ay nakasulat ang kanyang mga inisyal na ERV, pinaiksing Evelyn R. Villareal. Napangiti na lamang ang babae at nagsimula nang magkwento sa pastor.

“Alam ninyo po? Noon ay nakaaangat kami sa buhay ng aming asawa. Kaarawan ko ng iregalo sa akin ng aking asawa ang napakagandang pinta na ito. Alam kasi niya ang pagkahilig ko sa mga rosas. Nagbayad siya ng malaki sa isang pintor upang magawa ang obra na ito.

“Pero noong nagkagiyera at isa ang asawa ko sa mga lumaban upang ipagtanggol ang ating bayan. Naging bihag noon ang asawa ko at ikinulong. Iyon na ang huling balita ko tungkol sa kanya. Hindi ko na alam kung anu ang nangyari o kung ano nang kinahinatnan niya,” kwento ng babae.

Nang marinig ito ay minabuting ng pastor na ibalik na lamang ang napakagandang larawan, subalit tumanggi itong kunin. Bilang pasasalamat ay nagprisinta na lamang sila na ihatid ang babae sa kanyang tahanan gamit ang sasakyan ng simbahan.

Hapon ng bisperas ng pasko noon. Napuno ng tao ang bagong kumpuni na simbahan. Lahat ay may mga ngiti sa labi at lubos na nagkakasiyahan. Pagkatapos ng misa ay isang matandang lalaki ang lumapit sa pastor.

“Pastor, mawalang galang na po. Maaari ko po bang makita ang pintang nakasabit sa pader ninyo?” magalang na tanong ng lalaki.

Ngumiti ang pastor at saka iniabot sa matanda ang larawan. Biglang naman namangha ang matanda sa nakita at maya-maya ay tumulo na ang mga luha nito.

“Hindi ako maaaring magkamali. Itong larawan na ito ang niregalo ko sa aking asawa noong kaarawan niya bago ako sumabak sa giyera. Tatlumpu’t walong taon kaming naghiwalay simula ng maging bihag ako ng mga mananakop noon.

“Nang makita ko ang larawang ito ay lalo akong nabuhayan ng loob na muli pa rin kaming magkikita. Lalong nabuo ang aking pag-asa na darating ang araw na muli ko siyang makakapiling,” kwento pa ng matanda habang lumuluha.

Nang marinig ang kuwento ay agad na isinama ng pastor ang matandang lalaki sa tahanan ng babaeng kanila inihatid noong nakaraan lamang. Araw ng pasko noon nang tuldukan ang pangungulila ng mag-asawa sa isa’t isa. Makalipas ang tatlumpu’t walong taon ay muling nagkita ang dalawang pusong nagmamahalan.

Isang napakagandang regalo ang naging hatid sa kanila ng kapaskuhan. Madaming nagsasabi na nagkataon lamang ang mga nangyari, ngunit para sa pastor at sa mag-asawa ay isa itong regalo mula sa kalangitan.

Nang dahil sa nasirang simbahan at isang larawang nakasabit ay ang dalawang pusong pinaghiwalay ng panahon ay muling pinagtagpo ng tadhana. Ito ay isang napakagandang alaalang paulit-ulit nilang binabalikan.

Advertisement