Walang Awang Inipit ng Forcep ang Ulo ng Sanggol, Pinagbayaran ng Doktor ang Kanyang Kasamaan

Limang taon nang nagsasama ang mag-asawang Jim at Marianne. Mayroong silang maliit na sari-sari store na siyang binabantayan ng misis habang ang lalaki naman ay nagtatrabaho sa isang pabrika malapit sa kanila.

Hindi sila mayaman, hindi rin naman mahirap. Tama lang kumbaga, masaya na sana ang kanilang buhay kaya lang ay may kulang. Wala pa silang supling. Ang tagal ng hinintay ng mag-asawa, lahat na ay ginawa nila para lang mabuntis si Marianne.

Uminom ng kung anu-anong herbal, sumayaw sa Obando. Malapit na silang mawalan ng pag-asa hanggang isang umaga ay nagising ang misis na grabe ang pagkahilo at nasusuka.

Naawa naman si Jim, bale ba ay sinadya niyang gumising ng maaga noong araw na iyon para ipagluto sana ang babae.

“Ano ba iyang piniprito mo mahal? Sinangag? Ang baho!” sabi ni Marianne, todo takip pa sa kanyang ilong at bibig.

“Kailan ka pa nabahuan sa sinangag? Paborito mo pa nga ang maraming bawang diba?” nagtataka namang sabi ni Jim.

“Ngayon lang, eh kasi naman ang sangsang talaga-” natigilan ang babae nang maisip nitong sa kauna-unahang pagkakataon ay na-delay ang kanyang regla.

“Napapano ka?” nag alala naman bigla si Jim at nilapitan si Marianne.

Advertisement

“M-Mahal, ibili mo ako ng pregnancy test kit!”

Ganoon na lamang ang pagkatuwa ng mag-asawa nang makita ang dalawang linya sa resulta ng test. Sa wakas, magkakaanak na sila!

Lalong minahal ni Jim ang kanyang misis at talaga namang inalagaan ito ng todo. Kahit pa hirap sila ng kaunti ay sinabihan niya ang babae na huwag na munang magbukas ng tindahan dahil baka makasama sa baby. Dodoblehin niya nalang ang kayod upang makaipong ng perang gagamitin nila sa panganganak.

Mabilis lumipas ang siyam na buwan, kabuwanan na ni Marianne noon at huling check up niya na sana. Kaya lang ay nag-leave ang doktor na palaging tumitingin sa kanya dahil kinailangan nitong pumunta sa Amerika para sa anak.

“Don’t worry madam, may ibang OB naman po kami bukod kay Dra. Castillo. Kung gusto ninyo po, si Dr.Emancito nalang po,” sabi ng nurse.

“Magaling rin ba siya tulad ni Dra.Castillo Miss?” paniniguro ni Jim.

Nagkatinginan ang dalawang nurse, “Matagal po siyang nagbakasyon pero..okay naman po siya,” sabi nito.

Ilang sandali lang ay pumasok na sa opisina ng doktor ang mag-asawa. Tiningnan lang nito ang tiyan ni Marianne, hinipo ng kaunti at pinakinggan ang heartbeat ng bata.

Advertisement

“Naku, mukhang nakaharang ang inunan mo sa daraanan ng baby. Mahihirapan tayong i-normal iyan, dapat diyan ay caesarean,” sabi nito.

“Nasa magkano ho ang ganoon doc?” tanong ni Marian.

“Nasa 40-50k ang cesarean, included na ang doctor’s fee,” sabi nito.

Napasinghap ang misis, habang si Jim naman ay hinimas ang likod ng babae upang pakalmahin ito. Dalawampung libong piso lamang ang hawak nila, sabi kasi ni Dra. Castillo ay maayos naman ang lahat at kaya niyang manganak ng normal.

Isang linggo pa ang hinintay ng mag-asawa, humilab na ang tiyan ni Marianne. Ayon sa mga nurse ay kailangan niya pang matagtag nang kaunti para bumuka ang kanyang cervix, tamang tama dahil wala pa naman si Dr.Emancito.

Kaya naglakad-lakad ang babae sa hallway ng ospital. Bawat kirot ay napapahawak siya sa pader, hindi naman malaman ni Jim kung paano mapapaginhawa ang pakiramdam ng misis.

“M-Mahal, sandali lang ha? Tatawag ako ng nurse para ma-check ka ulit,” paalam ng lalaki. Tumango lang si Marianne, tagaktak ang pawis.

“Ilang buwan na rin ano? Nakakakilabot pa rin iyong nagpakamatay,” napalingon si Marianne at nakita ang dalawang janitor ng ospital na nag uusap.

Advertisement

“Syempre, ikaw ba naman ang ganoonin. Mababaliw ka rin,” sagot ng isa. Kahit ang sakit ng tiyan niya ay medyo kinilabutan siya sa pinag-uusapan ng mga ito. Naglakad na palayo ang dalawang empleyado pero tinatanaw pa rin ito ni Marianne habang himas-himas ang kanyang tiyan.

“Si Dr.Emancito ang nagpaanak sa akin eh,labor kana rin?” napapitlag siyang muli nang may nagsalita, paglingon niya ay naroon ang isang babae. Maputla ito at nakadamit pang-ospital.

“O-Oo eh, kumusta ka naman?” hirap na sabi niya sa pagitan ng paghilab ng kanyang tiyan.

“Ayos lang. Wala kaming pera ng mister ko eh, sabi niya cesarean. Pero naramdaman ko na ang ulo ng bata na lalabas sa akin kaya hindi na ako nagpabiyak, sabi ko normal nalang, kaya naman pala eh.” kwento nito.

“B-Buti kapa. Nakaharang raw ang inunan ko eh. Aw,” napangibit pa siya dahil humilab nanaman.

“Pareho pala ng sinabi sa atin. Ako si Carmen Garcia,” nakangiting sabi nito.

Nginitian niya rin ito, nakarinig siya ng ilang yabag papalapit sa kanya at nakita niya ang mister na kasama na si Dr.Emancito na noon ay tila namumutla nang masulyapan siya.

Nagsalita si Carmen,”Kumusta Doc? Gagawin ninyo rin ba sa kanya ang ginawa mo sa amin ng anak ko?”

Advertisement

Sukat pagkasabi noon ng babae ay bigla na lamang nagtatakbo palayo ang doktor at sumigaw na parang nababaliw. Hindi na nagawang tanungin pa ni Marianne kung ano ang nangyayari dahil tumodo na ang hilab ng kanyang tiyan.

Napagdesisyunan ni Jim na buhatin na sa ibang ospital ang kanyang misis dahil hindi na nito kaya.

Makalipas ang ilang minuto ay ligtas na isinilang ni Marianne ang kanilang panganay. Ilang oras na nakatulog ang babae at pagmulat niya ay nabungaran niya ang mister na buhat ang kanilang cute na baby.

“Kumusta ka?” masuyong sabi ni Jim, hinalikan siya sa noo. Dahan-dahang inilipat nito sa bisig niya ang tulog na sanggol, napaluha naman si Marianne. Saglit na tinitigan ang anak na kay tagal nilang hinintay.

“Medyo okay na. Buti nai-normal ko ano? Buti pumayag sila rito sa ospital na ito, akala ko gagastos tayo ng malaki,” sabi niya.

Bumuntong hininga naman si Jim at sumeryoso ang mukha nito.

“Mahal, bakit? Ano nga pala ang nangyari kay Dr. Emancito? Bakit nga ba siya bigla nalang nagkaganoon?”

“Ilang buwan na ang nakalipas, may pinaanak siyang babae. Walang pera ang mag-asawa pero pinipilit ni Dr. Emancito na mag-cesarean para malaki ang kitain niya kahit pa kaya namang normal. Kaya lang, naramdaman na ng babae ang ulo ng baby niya na lalabas na kaya hindi na natupad ang gusto ng doktor.

Advertisement

Sa inis ng doktor, pinilit niyang ilabas ang bata. Imbes na kamay ang gamitin ay forcep ang ipinanghila niya sa ulo ng sanggol, dahilan upang mabutas ang dalawang gilid ng sentido nito. Ilang minuto lang ang itinagal ng buhay ng baby dahil sa komplikasyon. Sa sobrang lungkot ay nabaliw ang ina at nagpakamatay.” paliwanag ni Jim.

“S-Saan mo narinig iyan?” gulat na sabi ni Marianne.

“Kanina, nagsisigaw si Dr.Emancito at inamin ang kasalanan niya. Dahil.. dahil minulto siya ng babae, si Carmen Garcia..”

Napahawak sa kanyang dibdib si Marianne. Ibig sabihin ay multo ang nakausap niya kanina!

Pagkalabas niya ng ospital ay dumiretso sila sa simbahan, nanalangin para sa katahimikan ng kaluluwa ni Carmen.

“Carmen, kung nasaan ka man, nakuha nyo na ng baby ang katarungan. Salamat sa pagligtas sa amin ng anak ko..”