Palaging Pinagbibintangan ng Mag-Asawa ang Kasambahay na Kumukuha ng Kanilang mga Gamit, Hindi Inakala ng Dalaga na May Grabe pa Palang Gagawin ang mga Amo
Isang linggo pa lang na nagtatrabaho si Tina sa mag-asawang Pacito at Lucita Villareal bilang kasambahay. Aminado ang dalaga na medyo masungit ang mag-asawa dahil sa edad ng mga ito. Ang dalawang matanda lang ang kasama niya sa bahay dahil ang dalawang anak ng mga ito ay may mga sarili nang pamilya.
May pagkabungangera ang amo niyang babae at may pagkabugnutin naman ang among lalaki.
Minsan habang naglilinis siya sa banyo ay binungangaan siya ng among is Lucita.
“Tina, Tina! Nasaan ka bang babae ka?” sigaw ng matanda.
“Ma’am, narito lang po ako sa loob ng banyo at naglilinis!” aniya.
“Kanina pa kita tinatawag, narito ka lang pala. Pagkatapos mo riyan ay maglaba ka ha?”
“Opo, ma’am tatapusin ko lang po ito.”
Mayamaya ay lumapit ulit ito sa kanya.
“Nakita mo ba iyong balabal ko na kulay dilaw?” tanong nito.
“Ay, hindi po ma’am! Wala po akong nakita,” sagot niya sa matanda.
Kakamot-kamot ito na para bang may pilit na inaalala.
“Sigurado ka? Kasi parang nakita kong gamit mo iyon kanina, e!” anito.
“Naku, ma’am hindi ko po talaga nakita ang balabal niyo. Iyon pong hawak ko kanina ay ang kulay dilaw kong tuwalya na panligo,” paliwanag ng dalaga.
Dali-dali namang umalis ang matanda at hindi na nagtanong pa.
Kinagabihan ay ang matandang lalaki naman ang nagtanong sa kanya.
“Tina, ikaw na naman siguro ang kumuha sa salamin ko sa mata?” naiinis nitong tanong.
“Hindi po, sir. Hindi ko po kinuha ang salamin niyo. Baka po naiwan niyo na naman sa banyo?” sabi niya sa amo.
Hinaplos-haplos ng matanda ang kaniyang noo at may pilit na inaalala.
“Naipatong ko nga yata sa lababo nang maghilamos ako,” anito habang nagkakamot ng ulo.
Ganoon palagi ang eksena nila sa bahay. Kapag may hinahanap ang mga amo ay siya ang pinaghihinalaan ng mga ito na kumuha. Minsan nga ang pakiramdam niya ay para siyang magnanakaw kung tanungin ng mga ito.
Isang araw ay galit na galit ang amo niyang si Lucita at mayroon na namang hinahanap.
“Tina, Tina, halika nga rito at may itatanong ako sa iyo!” galit nitong sigaw.
Agad siyang pumasok sa kuwarto nito at hinarap ang among babae,
“B-bakit po, ma’am?”
“Dito ko lang ipinatong sa ibabaw ng mesa ang limang daang piso na hawak ko kanina. Kinuha mo ba? Ikaw lang naman ang naglilinis dito, e!” bintang ng amo.
“N-naku, hindi po ma’am! Wala po akong kinukuhang pera sa inyo,” giit niya.
“Kung hindi ikaw ay sino? Alangan namang ako, e akin iyong pera!”
Nag-uumpisa nang mangilid ang luha ni Tina sa pambibintang ng amo. Ngunit pilit niyang ipinagtanggol ang sarili.
“Ma’am, wala po talaga akong alam. Ako nga po ang naglinis dito kaninang umaga pero wala po akong kinukuhang kahit ano. At saka wala po akong napansin na limang daang piso na nakapatong sa mesa.”
Bubulyawan sana ulit siya nito nang biglang pumasok sa kuwarto ang asawa nitong si Pacito.
“Huwag ka nang magdadada riyan, Lucita dahil ako ang kumuha ng pera mo!” bunyag ng among lalaki.
“E, bakit hindi mo sinabi sa akin at basta ka na lang nangunguha ng pera?” inis nitong sabi.
Agad na niyakap ng matandang lalaki ang asawa at naglambing.
“Huwag ka nang magalit, mahal! Ipinantaya ko kasi sa lotto ang pera mo, heto ang sukli, o!” sabay abot kay Lucita.
“Akala ko naman, ninakaw na ang pera ko. Sa susunod, Pacito ay matuto kang magpaalam, ha! At ikaw Tina, bumalik ka na sa ginagawa mo sa kusina!” utos nito.
Ikinalungkot ng dalaga na hindi man lang humingi ng paumanhin ang amo sa ginawa nitong pambibintang sa kanya. Pinahid ni Tina ang bakas ng luha sa pisngi at inayos ang sarili bago ipinagpatuloy ang paglilinis sa kusina.
Nang sumunod na araw ay day off ni Tina at namasyal sila ng kanyang kasintahan. Maghapon silang namasyal nito at kumain sa labas. Alas sais na ng gabi siya nakabalik sa bahay ng mga amo ngunit hindi niya inasahan ang daratnan niya.
“Mabuti at bumalik ka na puny*tang babae ka! Bakit mo kinuha ang singsing ko?” galit na sigaw ni Lucita.
Napaatras si Tina sa galit na naman ng amo. Sumisigaw ito at nambibintang na naman.
“Ma’am kadarating ko lang po. W-wala po akong alam sa sinasabi niyo,” aniya.
“Sinungaling! Alam kong ikaw ang kumuha, dahil suot-suot mo ang mamahalin kong singsing!” sabay turo sa singsing na nakasuot sa kanan niyang daliri.
Napapailing si Tina. “N-nagkakamali po kayo, ma’am. Wala po akong ninanakaw,” mangiyak-ngiyak niyang sabi.
Nang bigla siyang sinugod ng matandang babae at pinagsasampal siya nito. Hindi pa ito nakuntento at iniuntog pa nito ang ulo niya sa pader. Naramdaman ni Tina na tila umalog ang utak niya sa pagtama ng ulo niya sa pader. Nang makapa niya ang ulo ay may sugat iyon at dumudugo.
“Parang awa niyo na po ma’am, hindi po ako magnanakaw at wala po akong kinukuhang singsing!” pagmamakaawa niya rito.
“Tumigil ka! Ibalik mo ang singsing ko!” sigaw ng among babae habang pilit na inaalis sa daliri niya ang singsing niyang suot.
“Tanggalin mo ang singsing na iyan sa daliri mo dahil akin iyan, akin!”
Kahit nanghihina ay nakita pa ni Tina na dumating ang among lalaki. Sinubukan niyang humingi ng tulong rito ngunit kimampihan pa nito ang asawa at tinulungan itong alisin ang suot niyang singsing.
“Huwag po, huwag po!” paulit-ulit niyang sigaw.
Nang hindi matanggal ang singsing sa daliri ng dalaga ay kumuha ng kutsilyo ang among lalaki at walang habas na pinutol ang kanyang daliri para makuha ang pakay. Halos mawalan ng ulirat si Tina sa sobrang hapdi at sakit na nararamdaman sa oras na iyon.
Nang may mapagtanto ang among babae.
“T-teka, hindi ito iyong singsing ko, a! Magkapareho lang sila sa unang tingin pero hindi ito ang singsing ko dahil may initial iyon ng pangalan ko na nakaukit sa gilid,” taka nitong sabi.
“A-akin po ang singsing na iyan. Regalo po iyan ng kasintahan ko sa akin kanina dahil anniversary po namin ngayon,” bunyag ng dalaga.
Natigalgal ang mag-asawa sa nagawa nila. Hindi totoong kinuha ng kasambahay ang singsing. Ang suot na singsing ni Tina sa daliri ay pagmamay-ari pala nito. Napag-alaman rin nila na ang hinahanap nilang singsing ay nahulog lang pala sa ilalim ng kanilang kama.
Sa una ay binalewala lang ni Tina ang palaging pambibintang sa kanya ng mga amo ngunit nang dumating sa punto na nanganib na ang kanyang buhay ay hindi na niya hinayaan pang umabuso ang mga ito. Naisip niya na kawawa ang susunod na mabibiktima ng mag-asawa kaya hindi niya pinalagpas ang ginawa sa kanya ng mga ito at isinuplong ang dalawang matanda sa mga pulis. Inakusahan niya ang mga ito ng pananakit at pagtatangka sa buhay niya. Ipinakita rin ng dalaga ang malaking sugat sa ulo at putol niyang daliri na resulta ng pang-aabuso ng mga ito. Nakulong ang mag-asawang Pacito at Lucita sa labis na pagmamaltrato sa kanya.
Matapos ang masalimuot na pinagdaanan ay nakahanap naman agad ng bagong trabaho ang dalaga at masuwerte na siyang nakatagpo ng mababait na amo.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!