Naimpluwensyahan ng Kaibigang Magloko sa Pag-aaral ang Nursing Student, Pag-uwi Niya’y Mahirap Pa sa Daga ang Kanyang mga Magulang
Nasa unang taon pa lang sa kolehiyo si Monica, kumukuha siya ng kursong Nursing, kaya naman tuwang tuwa at sobrang proud ang mga magulang niya sa probinsya. Parehong kasing walang pinag aralan ang dalawang matanda, at ang magkaroon ng isang anak na nag-aaral ng nursing ay malaking karangalan na para sa mga ito.
Sa katunayan, halos lahat ng kapitbahay nila sa probinsya ay nakakaalam noon, lahat kasi ng makausap ng kanyang mga magulang ay kinukwentuhan ng mga ito ng tungkol sa kanya.
“Anak, basta magsasabi ka lang sa amin ng nanay mo kung may kailangan ka, ibibigay namin agad iyan. Pagbutihin mo ha?” sabi pa ng tatay ni Monica bago siya sumakay ng bus pa-Maynila, inihatid siya nito sa sakayan.
Samantala, noong unang buwan ay maayos naman ang dalaga at seryoso sa pag-aaral, kaya lang ay hindi naging magandang impluwensya sa kanya ang kanyang kasama sa boarding house, si Mae. Tinuruan siya nitong mag bulakbol, mag-cut ng klase at magsinungaling sa kanyang magulang. Palagi siyang absent sa eskwela, kasama niya si Mae na mag party at mag shopping.
“Tay, di na muna ako uuwi ha? Sa Pasko na lang,” sabi niya sa ama isang araw na kausap niya ito sa cellphone.
“Ha? Sige anak.. pero sigurado ka ba? Ayos lang naman kung gusto mong umuwi ng Sabado at Linggo, nami-miss ka na rin naman ng mga kapatid mo,” sabi ng kanyang ama.
“Hindi na ho, sayang ang magagastos ko sa pamasahe, ipadala ninyo na lang at idadagdag ko sa pambili ng proyekto, marami ako’ng assignment eh. Ang dami kong gastusin, kinakapos na nga ho ako sa baon, minsan di na lang ako kumakain. Nahihiya na rin kasi akong magsabi sa inyo,” pagpapaawa niya kahit puro kasinungalingan lang naman lahat iyon, kaya siya nauubusan ng pera ay dahil sa kasha-shopping nila ni Mae.
Alam niya namang hindi siya matitiis ng mga ito, isang sabi niya lang na may kailangan ay nagpapadala agad ang mga ito. Baka malaki ang kita ng kanyang ama sa koprahan at ang kanyang ina sa pabrika ng tela.
“Ano ka ba naman Monica, diba sinabi ko kapag may kailangan ka ay sasabihin mo lang sa amin ng nanay mo? Hindi dapat nahihiya ang anak naming nurse!” proud na sabi nito, napangiti naman si Monica, jackpot na naman siya.
Agad na nagpadala ng 2,500 ang kanyang ama, wag daw siyang mahihiyang magsabi sakaling may dagdag na kakailanganin pa sa eskwela. Ilang buwan ang lumipas at ganoon pa rin si Monica, minsan lang pumapasok sa mga klase, konti na lang ay masususpinde na siya.
Mayaman sina Mae kaya di nito problema ang pera, kaya lang ito nakatira sa boarding house ay dahil nagrerebelde ito sa mga magulang. Siya lang ang nahihirapang humabol sa sobrang mahal ng lifestyle nito, ayaw niya namang magpakabog sa kaibigan.
“Monica, sumosobra ka na. Wala ka na yatang natutunan sa school year na ito! Matatapos na ang taon ay dalawang exams pa lang ang naite-take mo! Paano ka makakahabol niyan? Sorry, pero kailangan kitang i-suspend ng 3 days para maturuan ka ng leksyon,” sabi ng guro ni Monica. Wala namang nagawa ang dalaga.
Kakahingi niya lang ng pera sa kanyang ama kahapon at naubos niya na iyon kahapon dahil bumili siya ng bagong bag kaya hindi siya maaaring humingi ulit ngayon, mahahalata na siya.
Paano iyan? Wala na siyang budget, wala siyang choice kung hindi ang umuwi muna sa probinsya. Tatlong araw siyang suspindido, Miyerkules, Huwebes, Biyernes. Idagdag pa ang Sabado at Linggo, limang araw siyang mananatili sa probinsya. Sakto ang kakarampot na perang natira sa kanya para pamasahe.
Sasabihin niya na lamang sa mga magulang na talagang ganoon, pagkatapos ng exam ay may bakasyon ang mga estudyante. Hindi na naman siguro magtatanong ang mga ito, at kung sakali man, madali lang namang mag imbento ulit ng dahilan.
Dalawang oras ang naging biyahe niya, pagdating sa kanilang bayan ay agad na naglakad si Monica, hindi na kasi dumadaan ang mga bus malapit sa kanilang bahay, bukirin na kasi iyon.
Pagdating niya sa tapat ng bahay nila, agad siyang tumanaw sa bukid, maaaring naroon ang kanyang ama at inaasikaso ang lupa nila, nagtatanim ng mga gulay.
Nang kumatok siya sa kanilang tahanan ay ibang mukha ang nagbukas sa kanya ng pinto.
“Sino sila?” tanong ng may edad na babae.
“Ano’ng sino ako? Ako ho ang anak ni Marita at Leopoldo, may ari ng bahay,” sabi niya.
“Ah, ikaw siguro ang panganay na nurse? Ako ang nakabili ng bahay at lupa ng magulang mo, magastos siguro talaga ang pag-aaral mo ano? Halos ibenta na nila pati kaluluwa sa dami raw ng babayaran mo sa eskwela, Pasok ka?” sabi nito.
“H-hindi na ho..” napaatras siya, parang tinamaan ng kidlat sa narinig.
“Doon na pala sila sa dulo nakatira, yung makikita mong maliit na kubo, bago ka lumiko dyan sa may poste,” sabi nito at itinuro pa kung saan siya dapat na pumunta.
Walang imik na naglakad si Monica patungo sa itinuro ng babae, habang papalapit siya sa maliit na kubo ay nanghihina ang dalaga. Natanaw niya na kasi ang kinalalagyan ng kanyang pamilya, pinagtagpi tagping kahoy lamang ang pader, lumabas ang kanyang nanay na nangayayat.. may dala itong mga pinggan, doon nito hinuhugasan ang mga pinagkainan sa labas. Ni walang disenteng lababo ito.. talagang lahat ay ibinigay sa kanya.
“Monica? Poldo! Narito ang nurse natin!” tuwang tuwang sabi ni Marita nang matanaw ang anak.
Si Monica naman, nais nang itapon ang mamahaling bag na hawak niya. Napakawalang kwenta nya!
Niyakap siya ng kanyang mga magulang, humingi pa ng paumanhin ang mga ito dahil di nakapagluto, nabigla raw kasi sa pag-uwi niya. Sabi ng mga ito, pinatira lang ang tiyahin niyang naghihirap sa kanilang bahay, kanila pa rin daw iyon. Alam niya namang dahilan lang ito ng mga iyon para di siya mag-isip, dahil hindi niya naman kilala ang babaeng naroon.
Sa loob ng limang araw ay natutunan ni Monica ang kanyang leksyon, kinain siya ng konsensya. Nangako siya sa sariling aayusin niya na ang lahat at lalayuan na si Mae, sana, hindi pa huli.
Pagbalik niya sa eskwela ay pinagbutihan niya na ang pag-aaral, nagworking student rin siya upang di masyadong mabigat para sa kanyang magulang. Tuwing weekend ay umuuwi siya sa pamilya.
Nagbunga ang tiyaga at sipag ni Monica at naka-graduate siya, nakapasa rin sa board exam. Walang kasing ligaya ang kanyang magulang dahil sa wakas, may nurse na sila.