Humingi ng Lason ang Babae sa Kanyang Ama Upang Lasunin ang Kanyang Byenan na Pakialamera, Mas May Malaking Binabalak Pala ang Kanyang Ama
Bagong kasal pa lamang si Airie sa kanyang mister na si JM, hinuhulugan pa lamang nila ang kanilang bahay sa magandang subdivision at dalawang taon pa ang hihintayin bago ang turn over nito, kaya pansamantala ay tumira muna sila sa kanyang biyenan, tutal ay biyuda naman ito at nag-iisang anak ang mister niya.
Malaki ang hinuhulugan nila sa bahay, mayroon pa silang kotse kaya hindi na praktikal kung mangungupahan pa sila, nag-aabot na lamang sila ng para sa kuryente at pagkain para walang masabi ang kanyang biyenan, maldita kasi ito. Hindi rin naman papatalo si Airie, ma-ere rin siya at ayaw na pinagsasabihan.
Para silang mga batang nag-aagawan sa atensyon ng kanyang mister, bawat sabihin ni Airie ay kontra ang kanyang biyenan, ganoon din naman ang ginagawa niya sa matanda kaya hindi sila maaaring magsama sa iisang lugar na hindi nagkakairingan.
“Baby, please naman. Pagpasensyahan mo na si Mama, saglit lang naman ito. Hinihintay lang natin ang bahay, makisama na muna tayo..” sumasakit ang ulong sabi ng mister ni Airie.
“Hindi ko inaano ang matandang yan, sya ang nang-aaway sa akin. Ako wala akong pakialam sa kanya, mabubuhay ako na di sya pinapansin. Tignan mo nga, nilutuan kita last time, sabi nya maalat. Bakit, para sa kanya ko ba niluto iyon?” pangangatwiran niya.
“Andoon nga tayo.. kaya lang matanda na talaga sya, talagang ganyan yan. Ako na ang humihingi ng pasensya, umiwas ka na lang, okay?” sabi ng mister.
“Kinakampihan mo pa yang nanay mong maldita? Ako ang misis mo, ako ang kampihan mo!” sabi nya, nagsisimula nang uminit ang ulo niya kahit sa asawa, akala yata nito wala siyang mapupuntahan. Sus! Maaari siyang umuwi sa daddy nya no! Pharmacist ang daddy niya, maraming alam sa mga gamot, may ari sila ng isang botika kaya may pera sila.
“Wag ka ngang ganyan, bakit ba kailangang may kampihan ako? Pareho ko kayong mahal, kayo ang dalawang babaeng pinakamamahal ko..” sabi ng lalaki, halos magmakaawa na. Palagi kasi itong naiipit sa away ng dalawa, pag ang ina ang pinagsasabihan nito ay ganitong ganito rin ang mga sagot ng babae dito.
“Fine! Uuwi ako sa amin!” sabi ni Airie at nagsimula nang mag empake, hindi na tumutol pa si JM. Baka ito nga ang kailangan ng misis niya, kaunting space. Susunduin niya na lamang ito bukas, sana ay nakapag-isip-isip na ito.
Pag-uwi sa bahay nila ay nadatnan ni Airie ang kanyang ama na nagbabasa ng dyaryo, agad nalaman ng matandang lalaki na may dinaramdam ang anak, namumugto kasi ang mga mata nito.
“O, magkaaway kayo ni JM?” tanong agad nito.
“Opo, kasi naman bwisit ang byenan ko, kontrabida sa buhay namin!” sabi niya, gigil na gigil. Bakit ba kasi di pa mawala ang matandang iyon?
“Sige, dito ka muna sa bahay para magpalamig ka ng ulo, dapat di ka na nagdala ng damit, may mga gamit ka pa naman diyan sa dati mong kwarto,” kalmadong sabi ng ama niya, hindi nagagalit sa kanyang mister dahil naiintindihan naman nitong normal ang mga pag-aaway sa mag asawa.
Sa sobrang galit ni Airie sa kanyang biyenan ay isang maitim na plano ang pumasok sa kanyang isipan.
“Daddy, bigyan mo ako ng lason,” matigas na sabi niya sa matandang lalaki.
“Anak, wag mo’ng gawin iyan, bata ka pa. Simpleng away mag-asawa lamang ito,” nag aalala nang sabi ng kanyang ama.
“Hindi naman ako dad, ang matandang yon. Para tumigil na siya sa kakakontra sa amin ng asawa ko,” dire-diretsong paliwanag niya, na para bang ang hinihiling ay napakasimpleng bagay lamang, para bang hindi buhay ang pinag uusapan.
Saglit na nag isip ang matanda, “Hindi pwede anak. Wag kang gumawa ng masama, ayaw ko’ng makulong ka.” sabi nito.
Pero sadyang nabulagan na ng galit si Airie at desididong isakatuparan ang masamang binabalak, kinulit nito ng kinulit ang ama. Napaisip munang muli ang matandang lalaki, bago nagsalita,” Sige, pero kailangan mong sundin ang mga sasabihin ko. Sandali lang, hintayin mo ako dyan,” sabi nito.
Tumango naman si Airie at naghintay sa upuan, maya maya pa at lumabas na ang kanyang ama, may dala dala itong isang bote ng gamot.
“Dito hindi siya mamamatay agad, unti unti, para hindi halata. Siguro at anim na buwan, unti unti syang manghihina kaya iisipin ng mga tao na namatay siya dahil sa sakit. Ibubudbod mo lamang ito sa mga kinakain nya. Pero ang gusto kong gawin mo, habang naghihintay na mamatay siya, maging mabait ka sa kanya. Sundin mo ang mga utos, kung kinakailangang tumahimik ka at hayaan syang manalo sa argumento, gawin mo. Para hindi ka paghinalaan.”
Napangiti si Airie, sa wakas!
Kinabukasan, di niya na hinintay pang sunduin siya ng mister, kusa na siyang umuwi. Takang-taka man ang lalaki ay masaya naman ito, para kasing may iba sa misis niya. Niyakap pa ng babae ang kanyang ina pagkauwi sa bahay.
Simula noon, palagi nang mabait si Airie sa kanyang biyenan, hanggang tumatagal at nagiging ganoon na rin ang matanda sa kanya. Noong una ay dahil lang sa kanyang plano kaya siya mabait pero di nila namamalayan na napapamahal na sila sa isa’t isa.
Palagi silang magkakwentuhan, kaya pala di sila magkasundo noong una ay dahil pareho sila ng ugali. Puro mabuti na ang nasasabi nila sa isa’t isa, inamin na rin ni Airie sa kanyang sarili na mahal na niya ang matandang babae na parang sarili niya itong ina.
Nagsimula siyang mag-alala dahil sa gamot na dati niyang inilalagay sa pagkain nito, kahit ba isang buwan na siyang tumigil, sigurado siyang nakamamatay pa rin iyon. Kaya naman bumalik siya sa bahay ng kanyang ama at problemadong humingi rito ng solusyon.
“Daddy, nagsisisi na ako. Nagpadalus-dalos lang ako noon. Mahal ko na ang byenan ko, ano ang gagawin ko para mawala ang bisa ng lason?” tanong niya rito.
Natawa naman ang matandang lalaki, na ipinagtaka ni Airie. Seryoso ang problemang ito!
“Ah iyon ba? Binigyan lang kita ng pampatamis ng pagkain!” sabi nito.
Natawa na rin si Airie, matalino talaga ang kanyang ama.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.