Akala ng mga Pasaway na Estudyante na Mauuto Nila ang Matandang Guro; Mautak Pala Ito
Nasa ikatlong taon na ng kolehiyo ang magkakaibigang Roy, Steven, Mark at Fred. Kumukuha sila ng kursong Information Technology, kaya lamang ay hindi masyadong pinahahalagahan ng magkakaibigan ang kanilang pag-aaral. Wala na kasi silang ibang ginawa kung hindi mag-cut ng klase, at magbulakbol.
“Ano? Bar tayo later? Inom inom?” sabi ni Steven, tinapik nito sa balikat si Roy dahil abala ang lalaki sa pagte-text, habang ang dalawa pa nilang kaibigan ay nakahiga sa gilid ng puno, narito sila ngayon sa open space sa kanilang campus. Iilan lang ang mga estudyante dahil may klase ang karamihan, tinamad sila kaya nag-cut nalang at tumambay rito.
“G*go kakasawa, senglot-senglot ako nung isang beses di nyo naman ako hinatid, muntikan akong masipa palabas ng landlord sa boarding house. Tapos kayo may chicks ako wala,” sagot ni Roy.
“Chicks ka dyan! Sumbong ka namin kay Marissa!” pang-a-alaska ni Fred, si Marissa ay ang bagong girlfriend ni Roy, bago pa lang ang relasyon ng dalawa, siguro ay mga isang linggo pa lamang.
“Ganito na lang, sa Tagaytay na lang tayo. Sama nyo chicks nyo para pogi points, dun tayo inom. Tapos roadtrip lang ganyan, itatakas ko kotse ng erpats ko.” sabi ni Mark. Nanlaki naman ang mata ng mga binata, magandang ideya yon!
Dagdag pogi points talaga sa chicks dahil may kotse ang barkada nila, baka nga maka-score pa sa Tagaytay!
Napagkasunduan nilang wag nang pumasok sa mga klase nang hapong iyon kahit pa may mahalaga silang exam sa isang major subject. Mahigpit ang professor doon at hindi pumapayag na magbigay ng special test kung hindi naman importante ang dahilan ng pag-absent. Pero bahala na, basta masaya sila.
Agad umuwi si Mark sa kanilang bahay, tulad ng dati wala ang kanyang parents doon. May kaya sila kaya dalawa ang kotse ng kanyang mga magulang, swerte rin niya dahil itong mas malaki ang iniwan ng mga ito. Iyon na lang ang gagamitin niya. Agad siyang naghagilap sa cabinet ng kanyang daddy at nakita niya ang susi, buti nalang din, kinuha na siya nito ng lisensya kaya pwede na siyang magdrive na hindi nahuhuli.
Agad niyang sinundo ang girlfriend, tapos ay pinuntahan na nila ang kanyang mga barkada sa kanilang meeting place, nakauwi na rin ang mga ito at may bitbit nang mga extrang damit, sakaling mapagkasunduan nilang doon na lang matulog. Kasama na rin nito ang mga nobya, para silang mga musmos na sobrang excited sa field trip.
“O pustahan tayo, yari tayong lahat bukas? Dapat kasi bukas na lang tayo umalis pala no, para saktong Biyernes, para pagdating ng Lunes nakalimutan na ni Sir na hindi tayo nag exam!” sabi ni Fred, natatawa pa.
“Oo, pre tapos nakapag exam pa sana tayo ngayong hapon,” sabi naman ni Roy.
‘Mga g*go, andito na tayo eh. Magagawan natin ng paraan yan, konting drama. Lusot tayo niyan kay Sir, baka nga bigyan pa tayo ng 100! Alam nyo namang matanda na yun, wag kayo tumulad sa iba na natatakot,” sabi ni Mark.
Natahimik na ang magkakaibigan, may punto naman si Mark. May edad na ang guro kaya ulyanin na ito, madali nang mapapaniwala sa mga dahilan nila.
Nag-enjoy ang magkakaibigan sa Tagaytay, talaga namang sinulit nila ang oras ng pagtakas.
Kinabukasan, bago sila pumasok ay nagkita-kita muna sila upang makapagplano ng magandang rason.
“Sabihin natin, inutusan tayo ng tita ko kaya pinagamit sa’tin yung kotse tapos pumutok yung gulong. Kaya naubos oras natin kakahanap ng talyer kasi walang talyer sa lugar na napuntahan natin, ganyan nalang drama-drama,” sabi ni Fred. Sumang-ayon naman ang tatlo pang lalaki kaya dumiretso na sila sa opisina ng kanilang guro, uunahan na nila ito ng paliwanag bago pa ito magtanong para hindi sila mukhang guilty.
“Sir pasensya na po talaga, gustong-gusto po talaga naming makabalik kaya lang ay wala talagang kasama yung tita niya, ang dami pong pinabuhat tapos nasiraan pa. Ang sakit pa nga ng kasu-kasuan ko sir dahil sa pagod kakalakad, naghanap kami ng talyer para sa sumabog na gulong,” madramang sabi ni Steven.
Tahimik lang naman na nag-iisip ang guro, sabi na eh, ulyanin na ito.
“Sige, sa Monday na kayo mag-exam. May weekend pa kayo kaya mag-review kayong mabuti,” sabi lang nito at pinalabas na sila.
Paglabas ng opisina ay ang laki ng ngiti ng mga binate, nauto nila ang matandang guro! Nagreview silang mabuti upang wala itong masabi, pagdating ng Lunes ay handang-handa sila sa exam.
Ngunit sa pagtataka nila, sa apat na magkakahiwalay na pwesto sila pinaupo nito. Isang pahina lang din ang test paper, akala ba nila 1 to 100?
“Alalahanin ninyo, dito nakasalalay ang pagpasa ninyo sa subject na ito,” sabi ng guro saka ipinamigay ang test paper.
Napalunok na lang ang mga binata nang mabasa ang mga tanong.
- Name _______________(1 point)
- Ano’ng gulong ang sumabog?(99 points)
a. Kanan sa Unahan
b. Kaliwa sa Unahan
c. Kanan sa Likod
d. Kaliwa sa Likod
Nagkakamali sila kung inaakala nilang nauto nila ang matandang guro.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates, I-like lamang ang aming Facebook page.