Inday TrendingInday Trending
Ngayong Pasko, Pasayahin Mo ang Puso Ko

Ngayong Pasko, Pasayahin Mo ang Puso Ko

Bisperas na ng pasko, mag-isang nakatulala sa bintana ng maliit niyang silid si Gemma habang pinapanood ang kumikislap-kislap na disenyong pamasko ng mga kapitbahay. Katatapos lamang niyang maglinis ng bahay at asikasuhin ang gamit ng mga amo niya dahil magbabakasyon ang mga ito sa ibang bansa. Kaya naman sa mga oras na iyon ay nag-iisang nagseselebra ng bisperas si Gemma.

Maya-maya pa ay naisipan niyang tawagan ang iniwang pamilya sa Pilipinas. Ito kasi ang unang taon ni Gemma na hindi kapiling ang mga magulang at kapatid sa pagsapit ng kapaskuhan.

“Mama, papa, merry christmas po!” maligayang bati ng dalaga sa kanyang pamilya.

“Anak, merry christmas! Perpekto na sana ang pasko namin kung nandito ka lang sana. Nakabili nga kami ng masasarap na pagkain nang dahil sa ipinadala mong ekstra oh! Salamat, anak ha?” maluha-luhang sabi ng inang si Mercidita.

“Ano ka ba, mama! Ikaw pa ang umiiyak e si ate nga ang mag-isa doon! Ate, aylabyu! Miss na miss ka na namin,” paglalambing ng bunso niyang kapatid at pinag-aaral na si Carol.

“O, anak, bakit hindi ka muna lumabas at mamasyal? Baka lalo ka lamang malungkot diyan kapag nanatili ka lang sa loob ng bahay ng amo mo,” wika ng amang si Rogelio.

“Oo nga, ate! Baka mamaya makilala mo pa si Mr. Right sa bisperas ng pasko,” panlolokong sabi muli ni Carol.

“Kayo talaga! Ayos lang ako rito. Medyo pagod din kasi ako. Ang dami kong ginawa buong araw dahil nga aalis sina ma’am at sir,” nakangiting sagot ni Gemma.

Nagkwentuhan pa at nagtawanan ang magpapamilya sa videochat, at nang magpapaalam na ay kinuha muna ni Roger ang cellphone upang masinsinang kausapin ang anak.

“Seryoso ako, anak. Lumabas ka muna at magpahangin. Bumili ka at i-treat ang sarili mo ng kung anuman. Palagi na lamang kami ang iniintindi mo. Napakalaki ng sakripisyo mo, at malaki rin ang pasasalamat namin sa’yo. Kaya bilang regalo mo na sa akin, lumabas ka naman ngayong gabi at magsaya,” seryosong bilin ng kanyang ama.

At dahil napagtanto rin ni Gemma na marami ngang Christmas Sale sa mga ganitong panahon ay naisipan na rin niyang lumabas at mamasyal sa isang mall malapit sa kanila.

Ilang oras ang lumipas at nakapamili na si Gemma ng ilang mga damit at pabango para sa kaniyang sarili at pamilya. Ilang minuto na lang din ang natitira bago sumapit ang alas dose ng madaling araw kaya’t naisipan niyang sa harap ng parke salubungin ang Pasko.

Habang pinanonood ang mga taong masayang nakikipagkwentuhan sa kani-kanilang pamilya, nagulat na lamang si Gemma nang isang lalaki ang biglang tumabi sa kanya.

“Hi! Marco nga pala. Pinay ka ‘no? OFW rin, tama ba?” wika ng gwapong lalaki na halatang isang Pinoy rin. Malaki ang ngiti nito sa kanyang mga labi ngunit bakas din ang pangungulila sa pamilyang nasa Pilipinas.

“Grabe, gulat naman ako! Akala ko holdaper na e!” natatawang sagot ni Gemma.

“Gemma ang pangalan ko. Oo, kababayan! Kumusta?” nakangiting sagot nito rito.

Nagsimula sa kumustahan ngunit nauwi rin sa malalimang kwentuhan. Sabay na silang inabot ng alas dose sa harap ng parke at nilalanghap ang malamig na simoy ng hangin.

“Ang lungkot, ano? Sa totoo lang, nakausap ko ang pamilya ko kanina sa cellphone. Kaso, pinilit kong itago ang kalungkutan ko. Ngayon na nga lang sila makakakain ng masasarap na pagkain, kaya ayaw ko namang sirain ang masayang araw nila sa pag-iyak-iyak ko rito,” ani Gemma.

“Alam mo ba? Tatlong taon na akong mag-isang nagpapasko rito. Kontrata ko kasi na limang taon akong maglalagi rito bago umuwi sa Pinas. Tatlong taon, dito mismo sa parke na ito. Ngayon nga lang ata ako nagpasko nang may kababayang kasama,” kwento ng lalaki.

“Kaya tara! Kung hindi man tayo makauwing Pinas, may pupuntahan tayo na magpaparamdam sa’yong parang nasa Pinas ka na rin,” nakangiting sabi nito.

Hindi sanay si Gemma na sumama sa kahit na sinong kakakilala pa lamang. Ngunit tila ba magaan ang loob niya sa lalaking ito. Sa ngiti pa lamang nitong matamis at sa matang mapupungay ay nakasisiguro siyang wala naman itong masamang hangarin sa kanya. Kaya naman dali-dali ay sumakay ang dalawa sa taxi kahit hindi niya alam kung saan sila patungo.

Nang makababa, nanlaki ang mata ni Gemma nang makita ang lugar.

“Hala, ang galing! Parang Pilipinas ‘to ah! At puro pinoy ang tao!” manghang sabi ni Gemma.

“Oo. Pinoy rin ang may-ari nito. Tara, libre ko na. Kain tayo ng masasarap na pagkaing Pinoy!” ani Marco.

Pinagsaluhan ng dalawa ang lahat ng pinakasikat na rekadong Pinoy – Kare-Kare, Adobo, Lechon, at Sinigang! Bukod pa roon ay nakipagkwentuhan din sila sa iba pang OFW na doon nagpasyang salubungin ang kapaskuhan. Masayang-masaya si Gemma at tila nakalimot na ang pangungulila sa pamilya.

Hindi namalayan ni Gemma ngunit inabot na siya ng alas kwatro ng umaga sa pakikipagkwentuhan kay Marco.

“Uy, mauna na ako. Salamat pala ha? Naging masaya ang pasko ko. Masaya rin akong nakilala kita,” wika ni Gemma.

“Alam mo ba? Ito na ata ang pinakamasayang pasko ko sa ibang bansa. Salamat sa iyo, Gemma. Sana’y hindi pa ito ang huli nating pagkikita,” ani Marco.

Lumipas ang ilang buwan at hindi na nasilayan pang muli ni Gemma ang binata. Laking panghihinayang niya dahil hindi man lang niya nakuha ang buong pangalan nito o di kaya naman ay numero.

Isang umaga, masayang-masaya si Gemma dahil sa wakas ay uuwi na siya ng Pilipinas. Mayroon siyang isang buwang bakasyon bago muling bumalik sa ibang bansa.

Nang makarating sa bahay, laking gulat niya nang hindi lang pamilya niya ang sumalubong sa kanya.

“M- marco?!”

“Hello, Gemma. Pasensiya ka na kung nabigla ka ha? Hindi ko kasi alam kung paano ka maco-contact. Pero noong nakaraang pasko, bago tayo maghiwalay ay nalaglag mo ito,” ani Marco sabay pakita ng tag ng bag ni Gemma kung saan nakasulat ang address ng babae sa Pilipinas.

“Gemma, sa isang gabing nakasama kita, ibang klaseng saya ang pinaramdam mo sa akin. Kaya naman kung pahihintulutan mo akong makilala ka pa ng lubos ay labis na ikasasaya ng puso ko. Gemma, pwede ba kitang ligawan?” seryosong tanong ni Marco.

Hindi naman makapagsalita si Gemma sa labis na pagkagulat. Ilang gabi rin siyang hindi makatulog noon sa pag-iisip kung paano muling makakausap ang binata, kaya ngayong nasa harapan niya na ito’y hindi siya makapaniwala.

“Ate, sus! Pumayag ka na! Baka tumandang dalaga ka pa e!” natatawang pang-aasar ng bunsong si Carol.

“Oo, Marco, pumapayag ako,” nakangiting sabi ni Gemma.

Makalipas ang ilang linggo ay nagkamabutihan pang lalo ang dalawa. Hindi nagtagal ay sabay pa silang bumalik sa ibang bansa, at doon sinagot ng dalaga ang masugid niyang manliligaw. Isang taon lamang ang lumipas at nagpasya na ring magpakasal ang dalawa at bumuo ng sariling pamilya.

Hindi inaasahan ni Gemma na sa kalungkutan sa bisperas ng kapaskuhan niya pa matatagpuan ang lalaking magpapasaya sa mga susunod na Pasko ng buhay niya.

Advertisement