Inday TrendingInday Trending
Dakilang Ina, Tampalasang Anak

Dakilang Ina, Tampalasang Anak

Isang masayang umaga ang sinalubong ni Janina, 24 na taong gulang, paglabas niya ng kanilang bahay. Biyernes ngayon, at wala silang pasok sa trabaho dahil kaarawan ng kanilang boss. “Everybody’s birthday.” Pinagpahinga muna sila sa trabaho para makasama nila ang kanilang mga mahal sa buhay. Isang administrative assistant si Janina sa isang kumpanya.

Kung tutuusin, hindi na kailangang magtrabaho ni Janina. Lima silang magkakapatid, at siya ang bunso. Lahat ng kanyang mga kapatid ay may magagandang trabaho at may sari-sarili na ring pamilya. Ang kanyang Papa ay isang matagumpay na negosyante habang ang kanyang Mama ay isang mahusay na kolumnista sa dyaryo.

Nakakaluwag sila sa buhay, kumbaga. Subalit mas pinili niya pa ring huwag umasa sa perang ibinibigay ng kanyang mga magulang. Bata pa lamang sila, tinuruan na sila ng mga ito na paghirapan ang mga bagay na nais nilang makuha sa buhay.

Papunta sa bangko si Janina upang magdeposito ng kanyang ipon. Tuwing katapusan ng buwan, tinitiyak ni Janina na nailalagay niya sa bangko ang kanyang mga naiipong tig-500 sa piggy bank. Mabuti na lamang at walang pasok kaya makakapunta siya sa bangko.

Alas diyes pa lamang ng umaga subalit marami nang tao sa loob ng bangko. Agad siyang nagtungo sa machine upang makakuha ng queu number. Pang 32 pa siya. Sinulyapan niya ang screen na katapat ng counter ng mga bank tellers. 20 at 21 na ang nakasalang. Medyo malayo pa pero mabilis na lang iyan, usal ni Janina. Umupo siya sa bakanteng upuan habang naghihintay.

Maya-maya, isang ginang na matatantiyang nasa 50 taong gulang ang pumasok sa bangko. Kapansin-pansin ito dahil tila aligaga ito, at hindi alam ang gagawin. Pinagmasdan ito ni Janina. Inobserbahan. Tila nahihiya itong magtanong sa guwardiya kung ano ang gagawin. Batay sa mga kilos nito, parang unang beses pa lamang itong nakapasok sa bangko.

Hindi nakatiis si Janina. Nilapitan niya ang ginang.

“Nay, kailangan n’yo po ba ng tulong?”

Alanganing ngumiti ang ginang. “Naku Ineng, ayos lang ba sa iyo? Hindi ko kasi alam kung paanong gagawin. Maglalagay ako ng pera sa kuwan ng anak ko eh…” Nahihiyang pag-amin ng ginang.

Buong tamis na ngumiti si Janina. “Opo, Nay. Halika po. Tuturuan ko kayo.” Marahil ang “kuwan” na tinutukoy nito ay ang bank account ng anak, at magdedeposito ito ng pera. Iginaya niya ang ginang sa machine para makakuha ito ng queu number.

“Ganito po ang gagawin Nay. Pindutin n’yo po ang mga pindutan sa screen. Lalabas po riyan ang account number na paglalagyan n’yo ng pera. Tapos po, yung amount o kung magkano po ang idedeposito n’yo,” malumanay na paliwanag ni Janina.

Sinubukan ng ginang na gawin ang ipinagagawa ni Janina subalit tila nangingimi at natatakot itong pindutin ang screen. Biniro ni Janina ang ginang.

“Nay hindi po iyan nangangagat, touchscreen po iyan, iyan po talaga ang uso ngayon, parang sa cellphones lang po ngayon,” nakangiting sabi ni Janina para maibsan ang nerbyos ng ginang.

“Eh ineng, ang totoo niyan, hindi ako marunong magbasa eh. Pwede mo ba akong tulungan? Nakasulat naman sa papel yung paglalagyan ng pera,” nahihiyang pakiusap ng ginang.

Nagmagandang loob na kinuha ni Janina ang papel na kinasusulatan ng bank account ng anak nito. Pinindot ito ni Janina sa machine. Tinanong niya kung magkano ang deposito. 5,000 piso. Pang-33 ito, kasunod ni Janina. Matapos makuha ang queu number, inaya niya ang ginang na maupo sa upuan, sa tabi niya.

“Nay, sabi n’yo para sa anak n’yo itong pera. Nag-aaral ho?” pag-uusisa ni Janina sa ginang.

“Oo, Ineng. Nag-aaral sa kolehiyo.”

“Siguro ho panggastos ho niya ano? Naku, makakaraos din po kayo kapag nakatapos siya.”

Mapait na ngumiti ang ginang. “Sana nga makatapos siya at huwag muna mag-asawa. Hindi iyan para sa eskwela niya. Panggastos niya para sa aniv…anineva… ano nga ‘yon… yung kapag naka-isang taon na ang magkasintahan?”

Kumunot ang noo ni Janina. “Anniversary ho?”

“Oo, iyon nga. Basahin mo ang mensahe niya sa akin. Ipinabasa ko lang iyan sa kapitbahay eh,” inilabas ng ginang ang isang Nokia 5110, isa sa mga lumang cellphone. Ipinabasa sa kanya ang text message mula sa anak.

“NANANG, KAILANGAN KO NG 5K. ANNIVERSARY NAMIN NI KATHLEEN. KAPAG DI KA NAGBIGAY, HINDI NA KO BABALIK DIYAN SA ATIN. BAHALA NA KAYO. MAG-AASAWA NA LANG AKO.”

Nagpanting ang taynga ni Janina. Uminit ang kanyang dugo sa anak ng ginang. Nagpatuloy ito sa pagkwento.

“Naku pasaway na bata iyang anak ko. Wala nga akong kapera-pera sa paglalabada. Natakot naman ako kasi baka mag-asawa kaagad. Buti na lang mabait ang amo ko, pinabale ako ng limang libo. Pero wala na akong suswelduhin sa susunod, Ineng. Kasaklap ng buhay ko.”

Hindi makapaniwala sa kanyang narinig si Janina. Nagpaalam siya sa ginang, na napag-alaman niyang si Aling Thelma, na kunin ang numero ng anak nito, at pagsasabihan niya. Pumayag naman ito.

Hindi raw niya kaya ang katigasan ng ulo ng kanyang anak. Matapos samahan ito at gabayan sa pagdedeposito, naghiwalay na sila ng landas. Bago umuwi, binigyan niya ng isanlibong piso ang ginang, na tinanggap naman nito sa kabila ng katakot-takot na pagtanggi.

Pagdating sa kanilang bahay, pinadalhan ng isang text message ni Janina ang numero ng anak ni Aling Thelma.

“HELLO! HINDI NA SIGURO MAHALAGA KUNG SINO AKO. MASWERTE KA SA PAGKAKAROON NG ISANG DAKILA AT MASIPAG NA INA. SANA NAMAN SUKLIAN MO ANG PAGMAMAHAL NA IBINIBIGAY NIYA SA IYO. NAG-IISA LANG ANG MGA MAGULANG NATIN SA MUNDO. ANG NOBYA, NAPAPALITAN, ANG MAGULANG, WALANG KAPALIT IYAN. CONCERNED CITIZEN. PS: HUWAG KA NA MAGREPLY DAHIL IBA-BLOCK NA KITA.”

Pagkatapos, nagtungo sa kusina si Janina, niyakap at hinalikan ang kanyang ina, na noo’y nagluluto at hindi pa pumapasok sa trabaho.

“Ang sweet naman ng anak ko. Aba, at naglalambing siya oh…”

“Ma, salamat sa lahat. Tinuruan n’yo kami ni Papa na magkaroon ng tamang katuruan sa buhay, lalo na pagdating sa pagsusumikap sa buhay,” sinserong pasasalamat ni Janina sa ina. Labis siyang nagpapasalamat sa kanyang mga magulang dahil pinalaki sila ng tama at may prinsipyo sa buhay.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.!

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan

Advertisement