Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Dalaga ang Isang Matandang Pulubing may Sira raw sa Pag-iisip; Laking Gulat Niya nang Malaman ang Tunay Nitong Katauhan

Tinulungan ng Dalaga ang Isang Matandang Pulubing may Sira raw sa Pag-iisip; Laking Gulat Niya nang Malaman ang Tunay Nitong Katauhan

“Trina, saan ka pupunta? Akala ko ba ay sasama ka sa amin nila Jackie na manood ng sine?” tanong ni Des, kaklase ng dalaga.

“Narinig niyo naman ang sabi ng professor natin kanina, hindi ba? Kapag hindi pa raw ako pumasa sa pagsusulit sa susunod na linggo ay tuluyan na akong babagsak sa klase niya,” tugon naman ni Trina.

“Nagpapasindak ka naman sa guro nating ‘yon! Baka mainit lang ang ulo kaya niya nasabi ‘yun sa’yo. Tara na at mag-eenjoy ka sa papanoorin natin!” paanyaya muli ng kaibigan.

Ngunit nangangamba talaga si Trina kung babagsak siya sa subject na iyon. Baka kasi ito pa ang maging dahilan kung bakit hindi siya makakagraduate. Ayaw na niyang bigyan pa ng sakit ng ulo ang kaniyang ina.

Kaya napagdesisyunan na lamang ni Trina na hindi na muna sumama sa kaniyang mga kaibigan at tuluyan nang umuwi sa kanilang bahay. Habang naglalakad pauwi ay hindi niya maiwasan maisip ang sinabi sa kaniya ng kaniyang professor.

“Nakakainis talaga. Nahuli lang naman ako ng pagpapasa ay ibabagsak na ako kaagad! Humanda talaga sa akin iyang si Ms. Zamora at ipapakita ko sa kaniyang magaling din ako!” sambit niya sa sarili.

Habang binabagtas ang daan pauwi ay napansin niya ang grupo ng kabataan na pinagbababato ang isang matandang pulubi na nangangalkal ng basura.

“Baliw! Baliw! Baliw!” pangungutya ng mga bata.

“Tara at kumuha tayo ng mas malalaki pang bato at ipukol natin sa baliw na iyan!” mungkahi ng isang binatilyo.

Agad silang sinigawan ni Trina.

“Tantanan niyo nga ang matandang iyan! Baka gusto niyong kayo ang batuhin ko ng malalaking bato! Mga salbaheng bata kayo!” sigaw ng dalaga.

“Pakielamera ka! Siguro ay lola mo ‘yang matandang baliw na iyan kaya pareho kayong baliw!” saad ng isang bata.

Sa inis ni Trina ay pumulot siya ng bato at akmang babatuhin ang mga ito. Mabilis namang nagpulasan ang mga bata palayo.

Noon pa man ay nakikita na ni Trina ang matandang pulubi na ito na gagala-gala. Kinalakihan na niyang tinatawag itong baliw ng mga tao. Wala kasi silang alam sa pagkatao nito at sa tuwing kinakausap daw ay hindi nagsasalita kaya nabansagan itong babaeng wala sa sariling katinuan.

Pag-uwi ng bahay ni Trina ay nabanaag ng kaniyang ina ang simangot sa mukha nito.

“Anong problema, Trina? May nangyari ba sa eskwela na hindi maganda?” bungad ng ina.

“Wala naman po, ‘nay. Huwag niyo na po akong alalahanin. Marami lang po akong kailangang gawin. Papasok na po ako sa silid ko para makapag simula nang mag-aral,” tugon ng dalaga.

Ngunit kahit anong pilit na pagbabasa ni Trina ay hindi niya maalala at matutunan ang aralin.

“Tatlong araw na lang ay exam na namin. Pero kahit anong gawin ko ay hindi ko talaga matutunan ito. Siguro dapat ay sumama na lang talaga ako kina Des at Jackie sa sinehan,” sambit niya sa kaniyang sarili.

Naisip niyang lumabas muna sandali ng kanilang bahay upang magpahangin. Ngunit sa hindi kalayuan ay napansin niya na naroon muli ang matandang pulubing kaniyang tinulungan. Sa pagkakataong ito ay nagkakalkal ito ng basura sa may malapit sa kanila.

“Marahil ay naghahanap ito ng makakain. Mayroon pa naman kaming tirang kanin at ulam, maibigay na nga lang sa kawawang matanda,” saad niyang muli.

Kinuha ni Trina ang kanin at ulam at inilagay ito sa plastik. Hindi niya alam kung paano lalapitan ang matanda dahil kung ito nga ay wala sa tamang katinuan ay baka saktan siya nito. Dahil nag-aalinlangan siya ay inilagay na lamang niya ito sa isang malinis na kahon at inilagay sa malapit sa kanilang mga halaman.

At saka siya nagmasid kung kukuhain ito ng matanda.

Kinuha niya ang libro at nagpatuloy siya sa kaniyang pag-aaral ngunit palihim niyang tinitingnan ang matanda. Nang makita niyang abala ito sa pagbubungkal ng basurahan sa tapat na iskinita ay bumalik na si Trina sa pag-aaral.

Muli ay litong-lito siya sa kung paano nakukuha ang mga sagot.

Hanggang nagulat na lamang siya nang may isang tinig siyang narinig.

“Mali kasi ang ginagawa mo. Ang sagot ay isang daan at limangpu’t isa,” sambit ng tinig.

Nagulat na lamang si Trina nang lumingon siya ay nakita niya ang matanda na nakikiusyoso sa kaniyang pinag-aaralan.

Sa sobrang takot at napasigaw si Trina.

“H-huwag niyo po akong sasaktan. M-may hinanda po akong pagkain para sa inyo. Na-nandon po sa kahon. P-parang awa niyo na po at huwag niyo akong sasaktan,” takot na takot na pagmamakaawa ni Trina.

“Hindi ako nananakit ng tao. Ako nga ang palagi nilang sinasaktan,” malungkot na sambit ng matanda.

Dahil sa tinugon ng ale ay nahabag si Trina.

“Pasensiya na po kayo sa mga nasabi ko,” saad ng dalaga.

“Walang anuman. Gusto ko lang magpasalamat sa ginawa mo sa akin kanina. Umalis ka na kasi kaagad kaya hindi na ako nakapagpasalamat,” sambit pa ng matanda.

“May kaunti po akong nilaan na pagkain sa inyo. Baka gusto muna niyo pong kumain?” muling tanong ni Trina.

Agad itong pinaunlakan ng matanda.

Habang kumakain ang matanda ay nakita niya ang inaaral ng dalaga.

“Alam mo, madali lang iyang inaaral mo kung talagang maiintindihan mo ang formula. Gusto mo bang turuan kita?” tanong ng matanda.

“Alam ko na ang naiisip mo, ano ba ang alam ng isang kagaya ko sa mga pinag-aaralan mo. Sa totoo lang ay hindi ko na rin alam kung alam ko pa ang mga iyan. Pero kahit paano ay natatandaan ko pa naman ang iba,” dagdag pa nito.

Ipinakita ng matanda kung paano niya nakuha ang sagot na sinabi niya kanina. Ipinaunawa rin niya sa dalaga ang aralin at sa wakas ay nakuha na rin ito ni Trina.

“B-bakit niyo po alam ang mga ito?” pagtataka ng dalaga.

“Dati akong guro. Kaso, nang mamat@y ang aking asawa ay parang nawala talaga ako sa aking sarili dahil sa labis na kalungkutan. Dahil doon ay hindi ko sinasadya na makasak@l ng isang estudyante. Nawalan ako ng lisensiya pagkatapos noon at simula noon ay hindi na ako nakapagturo. Nawalan ako ng pagkakakitaan at itinakwil na rin ako ng aking pamilya. Kaya heto, palaboy-laboy sa lansangan,” wika pa ng matanda.

“Ikinalulungkot ko po ang nangyari sa inyo. Sayang naman po ang galing niyo kung hindi na po kayo makakapagturong muli. Napakatagal ko na pong inaaral ang aralin na iyan ngunit kayo lang nakapagpaunawa sa akin. Maraming salamat po!” sambit ng dalaga.

“Maaari mo akong tawaging Manang Rosa,” sambit ng matanda.

“Hindi po, tatawagin ko po kayong Ma’am Rosa dahil isa po kayong magaling na guro,” nakangiting sambit ni Trina.

Sa mga sandaling iyon ay pinagpatuloy ng matanda ang pagtuturo kay Trina. Ang kapalit naman nito at tinulungan niya ang matanda. Inilapit niya ito sa kawani ng barangay upang matulungan na mabigyan ng maayos na matutuluyan.

Si Trina na rin ang nagbibigay ng pagkain dito. Ibang-iba na ng itsura ni Rosa simula nang una silang magkita ni Trina.

Nang dumating ang araw ng pagsusulit ni Trina ay aking gulat ng kaniyang guro na siya ang may pinakamataas na marka. Maging ang mga pinakamahihirap na tanong ay kaniyang nasagot.

“Magaling ang ipinakita mo, Trina. Sabi ko na nga ba ay may ibubuga ka talaga, ayaw mo lamang pagtuunan ng pansin,” sambit ng kaniyang professor.

Masayang ibinalita ito ni Trina sa matandang guro.

Nang malaman ng nakararami na magaling magturo itong si Rosa ay marami ang nagnais na magpaturo sa kaniya. May pangilan-ilan ding nagtutungo sa tinutuluyan ng matanda upang bisitahin ito at magpaturo ng aralin.

Laking tuwa at pasasalamat naman ni Rosa sa dalaga dahil nagbago ang kaniyang buhay. Sa muling pagkakataon ay naranasan ng matanda na maging isang guro.

Ngunit mas malaki ang pasasalamat ni Trina sa matanda dahil naging inspirasyon niya ito upang patuloy na matuto.

Advertisement