
Lugi na nga ang Negosyo’y Nagawa pa ng Isang Ginoong Magbigay sa Dalawang Batang Pulubi; Walang Nag-akala na Ito ang Magiging Susi sa Kaniyang Tagumpay
Kabi-kabila ang pagparoon at parito ng mga tao ngunit wala man lamang gustong pumasok at subukan ang mga pagkain sa maliit na café ni Julius. Kabubukas pa lamang ay matumal na agad ang kaniyang negosyo.
Habang nag-iisip ng mga kailangan pang gawin upang dumugin ang kaniyang café ay siya namang pagpasok ng kaniyang nobya.
“Wala na namang tao? Hindi ba tama ang sinabi ko sa’yo, Julius? Kung sana ay ininvest mo na lang ito doon sa sinasabi ko sa iyo ay kumita ka na sana. Tingnan mo halos langawin na itong café mo,” bungad ni Frida.
“Hayaan mo lang. Bukas naman ay panibagong araw muli. Hindi ako nawawalan ng pag-asa. Alam kong isang araw ay kikita din itong café ko,” tugon naman ng binata.
“Ewan ko sa’yo, Julius. Ilang buwan na lamang at ikakasal na tayo pero puno ka pa rin ng utang dahil dito sa negosyo mong ito. Ang sabi mo ay sigurado kang papatok ito, tingnan mo nga ngayon, pumatok ba?” muling sambit ni nobya.
“Ikaw naman, napaka-nega mo. Hindi ba dapat sa iyo ko unang naririnig ang mga papuri at pampalakas ng loob? Humihina na nga ang loob ko tapos sinesermunan mo pa ako,” wika naman ni Julius.
“Palalakasin ko ang loob mo, Julius, kung alam kong may mahihita ka. Pero tingnan mo, kabi-kabila ang mga ganitong klase ng negosyo. Kung sumunod ka na ang sa akin ay hindi ka sana nahihirapan nang ganito,” saad pa ni Frida.
Ginawan na lamang ni Julius ng malamig na inumin ang kaniyang nobya.
“Kay aga-aga ay ang init ng ulo mo. Heto ang shake at magpalamig ka muna. Ito rin ang cake para tumamis naman ang mga ngiti mo sa akin,” sinusubukan ni Julius na patawanin ang kaniyang kasintahan ngunit matigas ang loob nito.
“Bahala ka na, Julius. Kapag hindi pa rin naging maayos ang negosyo mong ito sa loob ng isang buwan ay kailangan mo na itong pakawalan. Hihilahin ka nito pababa. Magkakabaon-baon ka sa utang para mapanatili mo lang itong café mo,” pahayag ni Frida.
Hindi man lamang ginalaw ng dalaga ang pagkain na inihanda sa kaniya ng kasintahan at umalis na ito.
Sa puntong iyon ay nakaramdam na si Julius ng pag-aalinlangan. Kung pati kasi ang kaniyang nobya ay walang tiwala sa kaniya ay baka nga hindi maganda ang naisip niyang negosyo.
Isang OFW kasi itong si Julius at nang makaipon ay pilit nang umuwi sa Pilipinas upang itayo ang isang café na matagal na niyang pinapangarap. Ngunit sa pagsabak niya sa naturang negosyo ay hindi niya alam na mahigpit pala ang kompetisyon dito kaya hindi naging madali para sa kaniya.
Araw-araw ay nag-iisip siya ng iba pang diskarte nang sa gayon ay pasukin na ang kaniyang café. Ngunit mas tinatalo siya ng mga mas murang kainan.
Isang araw, habang inaasikaso ni Julius ang kaniyang mga bayarin ay napapaisip na rin siya kung isasara na niya ang kaniyang café.
“Hindi ko na kayang bayaran pa ata ang mga ito. Nanghihinayang ako sapagkat buong buhay ko ay nais kong magkaroon ng isang café ngunit parang kailangan ko na lang atang tanggapin na hindi ito para sa akin,” saad ng binata.
Habang nag-iisip ay nakita niya ang dalawang bata na nangangalakal sa tapat ng kaniyang café. Halatang init na init na ang mga ito at gutom na gutom na. Imbis na masayang ang kaniyang mga ginawang cake ay tinawag niya ang mga bata at saka niya binigyan.
“Pumasok na rin kayo para makakain kayo nang maayos,” sambit ni Julius sa mga bata.
Laking gulat ng mga ito.
“Totoo po ba ang sinasabi niyo, ginoo? Papakainin niyo po kami sa restawran niyo? Ayos lang po ba kung ganito ang suot namin?” saad ng marungis na bata.
“Walang anuman iyon sa akin. Wala namang kumakain sa café ko kaya pumasok na kayo,” muling sambit ng binata.
Labis ang pagkamangha ng dalawang bata sa pagpasok sa café ni Julius.
“At dahil kayo ang unang kostumer ko ay pumili kayo ng nais niyong kainin. Kahit ano at ipaghahanda ko kayo!” malugod nitong alok.
“Huwag na kayong mahiya sa akin. Masaya nga ako at nagkalaman itong restawran ko. Saka huwag kayong mag-alala, wala itong kapalit at hindi ako masamang tao,” dagdad pa niya.
Doon ay nawala na ang pag-aalinlangan ng dalawang bata. Umorder ang mga ito ng mga pagkaing hindi pa nila natitikman.
Pinagsilbihan naman sila ni Julius ng buong puso at saya.
Habang masayang nagkakainan ang mga bata ay bigla na lamang pumasok ang nobya nitong si Frida.
“A-ano na namang kalokohan ito, Julius? Lugi ka na nga ay nagagawa mo pang magkawanggawa?” napapailing na lamang si Frida sa ginawa ng nobyo.
“Wala na talagang papasok dito sa café mo dahil pinapasok at pinakain mo pa ang mga maruruming bata na iyan! Hindi mo nga alam kung sang lupalop nagsususuot ang mga iyan! Kay dudumi! Hindi talaga ako makapaniwala sa iyo! Hindi ko akalain na ikaw pa ang napili kong nobyo. Bahala ka na sa buhay mo!” Inis na inis na umalis si Frida.
Hindi na lamang ito inintindi pa ni Julius at sinabihan ang mga bata na ipagpatuloy lamang ang kanilang pagkain. Hanggang sa isang sandali pa ay may isang babaeng pumasok sa kanilang café.
“Mula kasi sa labas ay hindi ko maiwasang mamangha sa kasiyahan ng dalawang batang iyan. Nagkataon na nagugutom na talaga ako, Kaya naisip ko na kung masaya masyado ang dalawang iyan ay marahil napakasarap ng pagkain dito. Sana ay hindi ako nakakasagabal sa inyo,” sambit pa ng binibini.
“Naku, hindi. Umupo na po kayo at kukuhain ko lang ang menu para maka-order na kayo,” sambit ni Julius.
“Kuya, may kostumer ka na, lalabas na po kami. Baka mailang po kasi siya sa baho namin,” natatawa at nahihiyang sambit ng mga bata.
“Naku, tapusin niyo na ang kinakain niyo. Mukhang hindi naman maselan si ma’am,” wika pa ng binata.
Ngumiti lamang ang babae at patuloy na pinanood ang dalawang bata na masayang nagkakainan.
Nang ihatid na ni Julius ang order ng babae ay napatanong ito sa binata.
“Napakaraming order ng mga batang iyon, talagang sila ang nagbayad ng mga kinakain nila?” sambit ng dalaga.
Hindi na sana ito sasagutin pa ni Julius ngunit ang dalawang bata na ang agad na sumagot.
“Nilibre po kami ni kuya! Ang bait-bait po niya kasi lahat ng gusto namin ay niluto po niya,” masayang tugon ng mga bata.
Natuwa ang dalaga sa kabaitan ni Julius. Nang tikman niya ang pagkain ay labis ang kaniyang pagkamangha dahil masarap talaga ang mga ito.
“Ngayon lamang ako nakatikim ng ganitong kasarap na pagkain. At ang sarap-sarap din ng cake dito!” sambit ng dalaga.
“Ikaw ba ang may-ari ng lugar na ito? Ako nga pala si Kaye, isa akong manunulat sa isang kilalang magazine. Isa rin akong segment producer sa isang palabas sa TV. Kung ayos lang sa iyo ay nais ko sanang i-feature ang café mo,” dagdag pa nito.
Labis ang tuwa ni Julius nang marinig niya ang sinabi ng binibini.
Kinuhaan din ni Kaye ng larawan ang dalawang bata habang masayang kumakain.
“Napakabuti din ng puso mo. Hindi ako magtataka kung isang araw ay bigla na lamang makilala itong café mo. Naniniwala kasi ako na kung ano ang iyon itinanim ay iyo ring aanihin.”
Pinaunlakan ni Julius ang paanyaya ni Kaye na lumabas sa magazine at telebisyon ang kaniyang café.
Simula noon ay unti-unti nang dinumog ang café ni Julius. Maraming sikat na tao rin ang nais na matikman ang mga cake at iba pang putahe sa kaniyang maliit na restawran.
Hindi naglaon ay kinailangan na itong lakihan ni Julius upang maasikaso ang iba pang kustomer.
Ngunit kahit na kilala na ito at naging sikat ay sa tuwing nakikita niya ang dalawang bata na unang niyang kostumer ay pinapapasok pa rin niya ang mga ito sa kaniyang café at pinag-oorder ng lahat na kanilang gustuhin.
Sa katunayan ay ipinaghanda pa ni Julius ang mga ito noong kanilang mga kaarawan.
Malaki ang pasasalamat niya sa dalawang bata dahil alam niyang sila ang nagbigay daan at swerte sa kaniyang naluluging negosyo.
Samantala, pilit mang binabalikan ni Frida si Julius dahil kumikita na ang negosyo nito ay hindi na niya ito muling binalikan pa dahil sa kawalang tiwala nito sa kaniyang kakayahan.
Nakatagpo naman si Julius ng pag-ibig sa katauhan ng una niyang tunay na kostumer na si Kaye, ang manunulat at segment producer na tumulong sa kaniyang pag-angat.