Labis ang Pagdadalamhati ng Isang Ginang Dahil sa Pagkawala ng Kaniyang Ama; Hindi Niya Akalaing sa Kaarawan Niya’y Ililigtas pa rin Siya Nito

Mahal na mahal kita, Celine. Mahal na mahal ka ng papa. Habambuhay kitang magiging bunso. 

Magkahalong saya at lungkot habang paulit-ulit na pinapanood ni Celine sa kaniyang telebisyon ang kuhang video ng kaniyang papa noong siya ay isang taong gulang pa lamang.

Tatlumpu’t isa na si Celine ngayon at unang araw na magdiriwang siya ng kaniyang kaarawan na wala ang kaniyang Papa Marcelo. Noong nakaraang taon kasi ay ginupo na ito ng kaniyang karamdaman at tuluyan nang namaalam.

Napakasakit para kay Celine na hindi man lamang niya nagawang magpaalam sa kaniyang ama dahil nasa ibang bansa siya.

“Mahal, tama na ‘yan. Kanina ka pa hinihintay ng mga bisita sa baba. H’wag ka nang malungkot at kaarawan mo ngayon,” sambit ni Gregory, asawa ni Celine.

“Hindi ko lang kasi lubos maisip na ngayong taon ay hindi man lamang ako madadalaw ni papa. Nasanay na akong taun-taon ay pinupuntahan nila tayo dito kasama si mama,” tugon pa ni Celine.

“Malulungkot ang papa mo kapag hindi ka naging masaya sa kaarawan mo. Kaya tara na at hinihintay ka na ng mga bisita,” muling giit ng mister nito.

Kaya kahit na mabigat ang pakiramdam ni Celine ay pilit siyang tumayo sa pagkakahiga sa kama, gumayak at naglagay ng pinakamalaking ngiti sa kaniyang mukha. Alam nga niyang ang kaarawan niya ang laging pinakahihintay ng kaniyang ama. 

Advertisement

Malugod na sinalubong ng mga bisita si Celine at binati siya ng mga ito. Habang tinitignan niya ang mga tao na nasa kanilang bahay ay hindi pa rin maialis ng ginang na sana ay naroon ang kaniyang ama.

“Marahil, kung narito si papa ay nasa hapag-kainan siya at bidang-bida siya ngayon sa usapan. Nagtatawanan siguro ang lahat sa mga kwento niya,” wika ni Celine sa kaniyang asawa. 

“Oo nga, at siguro siya rin ang kauna-unahang mag-aalay ng isang toast para sa iyo,” sambit pa ni Gregory. 

Pilit na nililibang na lamang ni Celine ang kaniyang sarili upang hindi niya maisip ang lungkot sa pagkawala ng ama. Masaya siyang nakihalubilo sa mga kasamahan at kaibigan nang gabing iyon.

Ngunit pagkatapos ng piging at nagsiuwian na ang lahat, muli na namang nakaramdam si Celine ng kalungkutan.

“Pa, kung nasaan ka man ngayon, nais kong malaman mo na miss na miss na kita. Hindi pala talaga kumpleto ang kaarawan ko nang wala ka, kayo ni mama. Walang video kagaya ng kinagawian. At hindi ko na kahit kailanman mararamdaman ang mga yakap mo. Hindi mo alam kung gaano ako nangugulila sa iyo, papa,” naiiyak na wika ni Celine habang tinititigan niya ang larawan ng ama sa kaniyang telepono.

Nang maiayos na nila ang lahat ay agad na silang umakyat sa kanilang silid upang magpahinga.

“Nalulungkot ka pa rin ba, mahal? Kung pwede ko lang alisin ang lungkot na nararamdaman mo ay ginawa ko na kanina pa. Pero salamat at pinilit mong maging masaya ngayong araw,’ sambit ni Gregory.

Advertisement

“Siguro, panahon na lang ang makapagsasabi, mahal, kung kailan maghihilom ang sakit na nararamdaman ko. Miss na miss ko lang talaga ang papa ko. Iba kasi kapag nariyan siya. Iba kapag naririnig ko ang boses niya,” tugon ni Celine

“Pasensiya ka na sa akin, mahal, pero salamat sa mga inihanda mo para sa kaarawan ko. Labis mo akong napasaya,” dagdag pa ng kaniyang misis.

Mahimbing na natulog ang mag-asawa. Si Celine naman ay mariin ang panalangin na sana ay magpakita man lamang kahit sa panaginip ang kaniyang ama nang sa gayon ay muli niya itong makita.

Habang malalim ang gabi ay bigla na lamang bumukas ang telebisyon. Nagising na lamang si Celine sapagkat naka-play ang bidyo ng kaniyang ama na nagsasalita.

Mahal na mahal kita, Celine. Mahal na mahal ka ng papa. Habambuhay kitang magiging bunso.

Labis ang pagtataka ng ginang. Tiningnan niya ang kaniyang asawa kung ito ang nagbukas ng TV ngunit mahimbing na itong natutulog. Tiningnan din niya kung malapit ba sa kaniya ang remote at baka nahigaan nila itong mag-asawa. Ngunit nasa mesa ito malapit mismo sa telebisyon. 

Habang iniisip ni Celine kung paano nangyari ang ganoong bagay ay bigla na lamang siyang may naamoy na tila nasusunog. 

Tinunton niya kung saan nanggagaling ang amoy usok na ito. Agad siyang bumaba patungong kusina at doon ay nakita niya na ang kanilang oven ay naiwang bukas at nag-iinit na ang kuryente. 

Advertisement

Kumuha agad siya ng makapal na tela at agad niyang tinanggal sa saksakan ang nasabing oven at pagkatapos ay ginising niya ang kaniyang asawa.

“Muntik nang masunog ang bahay. Kung nagkataon ay maaaring pati tayo ay matutupok kasama nito!” natatarantang sambit ni Celine.

“Mabuti na lamang at nagising ka, mahal!” sambit naman ni Gregory.

“Iyon din ang ipinagtataka ko. Malalim na ang pagkakatulog ko ngunit bigla na lamang akong nagising dahil bumukas ang telebisyon at narinig ko ang boses ng papa ko,” kwento muli ng misis.

Napaiyak na lamang si Celine habang sinasabi niya ito.

“Hanggang sa mga sandaling ito ay ginagabayan pa rin ako ni papa. Hindi pa rin siya umaalis sa aking tabi at tinupad niya ang pangako niyang sa tuwing kaarawan ko ay dadalawin niya ako!” walang patid sa pagtangis si Celine.

Hindi man maipaliwanag ay alam ni Celine na ang kaniyang Papa Marcelo ang gumawa ng paraan upang mailigtas sila sa nakaambang sakuna nang gabing iyon.