Palaging Kakwentuhan ng Dalaga ang Mabait na Matandang Kapitbahay, Pero Isang Hatinggabi ay Biglang Nag-iba ang Timpla Nito
Tatlong taon nang nagtatrabaho si Emily sa Maynila, kaga-graduate niya pa lamang sa kolehiyo noong lumuwas siya rito. Bukod kasi sa mas malaki ang bayad, sumama rin ang loob niya sa ama noong muli itong mag asawa. Ewan niya ba, kahit pa matagal nang patay ang mommy niya at bata pa lang siya noon, di niya pa rin matanggap na may bago na ang papa niya. Siguro, dahil na rin papa’s girl siya at isipin pa lang na bagong pamilya na ito, nasasaktan na siya.
“Girl, gagabihin ako ng uwi ha? Mag overtime ako,” paalam niya kay Karen, ang kasama niya sa apartment. Magkaklase sila nito noong kolehiyo at nang maisipan niyang lumuwas sa Maynila ay sumama ito.
Kaysa nga naman magbukod pa, naghanap sila ng malaking apartment at hati sila sa renta. Tig isa silang kwarto, komportable na, tipid pa.
“Naku gaano kagabi? Ang sabihin mo madaling araw na! Napaka workaholic mo, text moko pag malapit kana sa gate para bubuksan ko,” bilin nito.
Tumango siya at lumabas na ng apartment. Nasa gilid ng gate nila si Mang Norman, nagtitinda ito ng candy at mga sigarilyo, may edad na ito, siguro ay mga 65. Mabait ang matanda, isa na rin siguro sa dahilan kung bakit malapit ang loob niya rito ay hindi nalalayo ang edad nito sa kanyang ama. Para siyang nakakita ng ikalawang tatay sa katauhan ni Mang Norman.
“Manong pabiling candy, yung red,” sabi niya at inabutan itong limang piso.
“Aga aga ah. Pahinga ka rin, wag abusuhin ang sarili. Minsan magbakasyon ka naman, doon sa..saan nga ulit ang probinsya nyo? Nueva Ecija, naku fresh air!” biro nito.
Pakunwari niya naman itong inirapan, “Si Manong, alam mo namang ayaw ko doon. May ayaw akong makita ano,” tatawa tawang sabi niya.
“Nami-miss ka na ng tatay mo, tiyak ko yan. Eh ako nga tignan mo, pinag aral ko ang mga anak ko tapos iiwan na akong ganito. Ni hindi ako matawagan eh? Palibhasa’y kagaganda na ng buhay sa Australia. Sabagay, panatag na naman ako sa ganoon. Kaya lang minsan, syempre, malulungkot ka..ma-mimiss mo sila.” mapait na ngumiti ito sa kawalan.
“Ay sus si Manong Norman ang aga aga senti! Sige ho, pag iisipan ko yan ha,” sabi niya at pumara na ng tricycle, male-late na siya sa trabaho.
Aaminin niyang tinamaan siya sa sinasabi ng matanda, namimiss niya na rin naman ang daddy niya. Nagpalit pa siya ng sim card para lang di na matanggap ang text at tawag nito na ngayo’y pinagsisisihan niya na. Kaya lang, di siya sure kung handa naba siyang harapin itong muli.
Palagi niyang nakakakwentuhan si Mang Norman, at tuwing kausap niya ito ay wala itong ibang ginawa kundi kumbinsihin siyang umuwi na sa kanila. Naputol ang pag iisip niya dahil bago pa siya bumaba ng tricycle ay natanaw niya na ang isang jeep, nag uunahan ang mga tao na sumakay roon.
“Manong dito na lang, bayad po, dali! Mauubusan akong upuan,” sabi niya at tumakbo na papunta sa jeep.
Nag unat ng likod si Emily, nakakangalay talaga pag maghapong nakaupo. Kahit pa aircon, ramdam pa rin ang pagod.
“Huy, uwi na, alas diyes na,” bati sa kanya ng isang officemate na nag overtime rin, nagliligpit na ito ng gamit.
“Mamaya, mga 10 minutes nalang. Malapit na to,” pagod na sabi niya.
Mabilis lumipas ang isa pang oras, alas onse na nakalabas ng kumpanya si Emily. Buti na lang at may nasakyan siyang jeep, ang malas lang dahil walang tricycle sa kanto nila kaya nilakad niya nalang. Walang masyadong tao at nakaramdam siya ng takot, kaya binilisan niyang maglakad.
Itetext niya pa lang ang kaibigang si Karen na malapit na siya nang matanaw niya sa gilid ng gate nila si Mang Norman, nakahinga siya nang maluwag. Medyo may kaunting pagtataka dahil hindi naman ito inaabot ng gabi kapag nagtitinda, pero pasalamat na rin siya.
“Ginagabi ka,” bati nito nang makalapit siya.
“Oo manong, naghahabol ng deadline eh, ikaw nga rin eh. Dapat nagpapahinga kana, wala na namang bibili ng yosi ng dis oras ng gabi,” sabi niya habang hinahagilap sa bag ang sariling susi ng gate nila.
Nakatitig ang matanda sa dalawang kandilang nakaturok sa harap nito, may lungkot sa mga mata. Biniro niya naman ito.
“O, undas na po ba at may pa-kandila na kayo dyan?” sabi niya pero pinagsisihan niya rin ang biro dahil naisip niyang baka may mahal sa buhay itong may death anniversary ngayong araw. Akala niya, napikon si Mang Norman. Buti nalang at ngumiti ito.
“Emily, hiling ko lang talaga sa iyo ay patawarin mo na ang papa mo. Ama rin ako, alam ko ang pakiramdam. Napakasakit na tiisin ka ng sarili mong anak. Wag mong hintayin na mahuli ang lahat,” malungkot na sabi nito, may pait sa mga ngiti.
Hindi alam ni Emily kung bakit iba ang salita ni Mang Norman ngayong gabi, tila ba may halong matinding lungkot at pagsisisi ang boses nito. Naiiba sa tipikal nilang kwentuhan, tila ba kinalabit rin ang puso niya kaya napa-oo siya.
“Oho, uuwi ho ako sa Sabado,” sabi niya.
Nagliwanag ang mukha nito, “Salamat, at nakinig ka,” sabi nito. Saktong nahanap niya na ang susi kaya nabuksan niya na ang gate.
Saktong sinususian niya naman ang pinto nang kusang bumukas iyon at iniluwa ang malungkot na si Karen.
“Nag aalala ako sayo, hindi mo ba na-receive ang texts ko?” tanong nito.
“Baka wala akong signal,” narinig niyang tumunog ang cellphone,”Kita mo na, ngayon lang pumasok ang mga text mo.” sabi niya. Naghubad siya ng sapatos.
“Emily, wala na si Mang Norman.”
“Ha?” maang na sabi niya, uy, joke time. Lakas ng trip ng kaibigan niya.
“Sabi ko wala na si Mang Norman!”
“Ano’ng joke to? Pagod ako Karen, papatulan kita,” biro niya sa kaibigan pero hindi ngumingiti ito.
“Na-holdap siya dyan sa labas kanina, ang mga walang puso, kahit pobreng tindero ay pinatos! Nang walang maibigay ay pinagsasaksak siya,” paliwanag nito.
“Wow storyteller, ang galing gumawa ng kwento. Kita mong ka-chikahan ko lang sya, ayan o-” ituturo niya sana si Mang Norman pero napanganga siya nang makitang wala roon ang matanda. Imposibleng nakapagligpit agad ito ng mga paninda na hindi niya naririnig.
Sa halip, ang naroon ay ang dalawang kandilang nakatirik.
Dumaloy ang kilabot sa buong katawan niya, kasabay ng pag ihip ng malakas na hangin. Higit sa kilabot, nakaramdam siya ng lungkot at pagkaawa, namatay ang matanda na hindi man lang nararamdaman ang pagmamahal ng mga anak.
Kinabukasan rin ay umuwi si Emily sa probinsya, tuwang tuwa ang kanyang ama na makita siya. Naka-wheelchair na ito dahil na-stroke pala, pero tanging kasambahay lamang ang kasama.
“P-pa, nasaan si Divine?” hanap niya sa bagong nobya nito.
“Wala na iyon anak, mahal ko siya pero mas mahal k-kita,” nakangiting sabi nito, hirap pang magsalita.
“Pa, okay na sa akin kung kayo ni Divine. Hindi na ako magtatampo, sorry sa lahat ng pagtitiis ko, hindi na ako mawawala.”
Niyakap siya ng matanda, “Okay lang wala sya, wag lang wala ka anak.”
Mula noon ay si Emily na ang nag alaga sa ama, bagamat mahal niya ang trabaho sa Maynila ay nais niyang bumawi sa mga panahong nawala sa kanila ng matanda.
Masaya rin siya dahil alam niyang napangiti niya si Mang Norman, bumulong siya ng pasasalamat dahil pinaalalahanan siya nito. Ayaw niyang mangyari sa ama niya ang nangyari rito- mamatay nang malungkot at nangungulila sa mga anak.