Inday TrendingInday Trending
Walang Pakialam ang Binata sa Kapatid Niya, Isang Cute na Batang Babae ang Nagpabago ng Isip Niya

Walang Pakialam ang Binata sa Kapatid Niya, Isang Cute na Batang Babae ang Nagpabago ng Isip Niya

Nasa ikaapat na taon na sa high school si Bert habang ang kapatid naman niya, si Gil, ay 1st year high school pa lamang, dadalawa lang silang magkapatid pero hindi sila close. Galit kasi si Bert sa kapatid niya, pakiramdam niya ay ito ang dahilan kung bakit hindi na binalikan ng mama niya ang kanyang papa, magkaiba ang ama nila.

Ang hindi alam ni Bert, nananakit ang kanyang ama kaya hiniwalayan ng kanyang ina. Matagal itong nagtiis pero nang maging siya na anak ay nais nang saktan, naglayas na ang ale. Doon nakilala ng ginang ang ama ni Gil na mabait at tanggap silang mag ina kaya napaibig ito, at nabuo nga ang kapatid niya.

“O, hindi ba at iisa lang ang fieldtrip ng school nyo? Bakit hindi ba kayo sabay ng kapatid mo na pumunta sa meeting place? Eto ang baon nyo,” sabi ng kanilang ina isang madaling araw.

Ngayon ang fieldtrip nila, kahit magkaiba sila ng school year ay pareho ang pupuntahan. Sa pagkakatanda ni Bert, manonood sila sa iMax, pupunta sa isang historical museum, tapos sa Enchanted Kingdom. Napapalatak siya sa sinasabi ng ina, nakakaasar talaga ito. Pinipilit na maging close silang magkapatid.

“Hindi na ma, kanya kanya nalang,” nakakunot noong sabi niya, tinignan ng masama si Gil. Tila nakaunawa naman ito at tumango.

“O-oo nga ma, baka maabala pa si Kuya, k-kaya ko naman ang sarili ko,” sabi nito kaya nakumbinsi na ang kanilang ina.

Minasdan ni Bert ang kapatid mula ulo hanggang paa, nakasalamin ito at palaging nakatungo. Tipong paltukin sa eskwelahan, oo at matataas ang grades pero tiyak niyang palagi itong napagti-tripan. Kabaligtaran niya, astig kasi siya at walang nang aaway dahil matangkad siya at papalag talaga.

Mabilis lumipas ang oras at papunta na ang bus nila sa historical museum. Ayaw mang aminin ni Bert ay nag aalala siya sa kapatid, dahil magkahiwalay ang bus na sinakyan nila. Nang sabihin ng guro na isa isang bumaba ay nagpahuli siya, ayaw niyang makipagsiksikan sa mga kaklase.

Nagkaroon pa ng aberya dahil ang tagal magbukas ng museum, buti na lamang at malawak at mapuno ang bakuran, parang lumang modelo ng bahay mayaman noong panahon ng Kastila ang itsura ng museum. Naglakad lakad siya at nakakita ng nagtitinda ng mani.

“Kuya limang piso nga, yung maalat,” sabi niya. Umupo siya sa lilim ng isang puno habang nakatanaw sa mga estudyanteng nakapila sa di kalayuan. Walang masyadong tao sa pwesto niya.

Maya maya pa ay natanaw niya si Gil na kinakaladkad ng tatlong kaklase nito, hinablot ng isa ang salamin ng kapatid niya at ang isa naman ay pinaltukan ang binatilyo.

“Eh ano namang pakialam ko dyan, di ko naman buong kapatid yan.” saway niya sa sarili dahil nakaramdam siya ng pag aalala. Ibinaling niya sa iba ang paningin at ipinagwalang bahala na nabu-bully ang kapatid niya.

“Musta ikaw?”

Napalingon si Bert sa nagsalita, isang batang babaeng maiksi ang buhok na siguro ay nasa apat o limang taon ang edad. Di ito mukhang mayaman, pero di rin naman mukhang namamalimos. Cute ang bata kaya naisip niyang makipagkwentuhan muna, para di nya masyadong maalala ang kapatid na ngayo’y nangangailangan ng tulong niya.

“Okay ako, ikaw?”

“Okay?” tila litong sabi nito.

“Ayos ako, ikaw?” pagtatagalog niya sa sagot.

Napangiti naman ang bata at tila naintindihan na siya. “Ayos po! Siya po hindi ayos,” turo nito sa kapatid niya na noo’y hawak hawak na ng mga kaklase ang kwelyo ng polo.

“Hayaan mo sya, pakialam ko ba dyan. Dito nalang ako. Gusto mong mani?” alok niya pero biglang umiwas ito at nasa mga mata ang takot.

“Ayaw ko po!”

“Okay, okay..ilalayo ko na,” biro niya dahil sindak na sindak ito. Baka may allergy.

“Kuya ka nya, dapat ikaw magtatanggol kanya. Kung ako may kuya, di siguro ako niaway ng mga tao,” malungkot na wika nito.

“Talaga? Sa cute mong yan may nang aaway sayo?” di makapaniwalang sabi niya. Sobrang lungkot ng itsura ng bata na di niya maiwasang isipin na talagang nasasaktan ito sa away na tinutukoy.

“Meron, marami niaaway ako. Kasi wala ako siguro kuya, pero ikaw kuya ka kaya tulungan mo siya. Laban ikaw, ganito!” sabi ng bata at umakto pang sumisipa at sumusuntok sa hangin. Natawa naman siya, dahil ayaw niyang mapahiya sa bata ay pinagpagan niya ang pantalon at tumayo.

Lumapit siya sa mga binatilyo na ngayo’y binubungkal na ang baon ng kapatid niya sa fieldtrip, nanlaki ang mga mata nito nang makita siya.

“Tigilan nyo na si Gil, isang beses pang makita ko kayong malapit sa kapatid ko, babasagin ko ang mukha nyo,” pananakot niya sa mga binatilyong hanggang balikat niya lang. Nasindak ang mga ito at isa isang nagpulasan. Ang kapatid niya namang nakaupo sa damuhan ay gulat na napatingala.

Nakaramdam ng pagkahabag si Bert nang makitang may pasa ito sa gilid ng labi, gulat pa siya nang niyakap siya ng kapatid at tuwang tuwam “Thank you Kuya,” nanghihinang sabi nito.

Aminin man o hindi ni Bert ay nakaramdam siya ng saya sa pakiramdam na natulungan niya ang kapatid. Naisip niyang wala nga pala itong ginagawa sa kanya, bakit siya nagagalit rito? Tinapik niya ang balikat nito, mula ngayon, magpapaka-kuya na siya.

“Sabay na tayo sa loob, pumapasok na sila o, ID mo asan?” sabi niya at isinuot ang ID ng kapatid na nahulog sa damuhan. Bago pa sila pumasok sa museum ay muli niyang tinanaw ang bata pero wala na ito, baka tinawag na ng magulang.

Masaya ang dalawa na tumitingin sa mga painting at mga lumang espada ng mga bayani na naka-display sa aparato. Pakiramdam nila ay nagbalik sila sa lumang panahon dahil nakikita nila ang buhay dati ng mga Pilipino. Mga mga larawan rin sa dingding at nakasulat sa ibaba kung ano ang nagaganap sa mga iyon.

Ang pagtaas ng watawat ng Pilipinas, ang mga meeting nina Antonio Luna, manghang mangha ang dalawa. Habang naniningin ay di maiwasang magkwento ni Bert.

“Alam mo ba, may cute na batang babae sa labas na nagsabi sa akin na dahil kuya mo ako, ako dapat ang magtatanggol sayo utol,” kwento niya.

“S-saan kuya?”

“Dun kanina malapit sa puno. Baka anak nung magmamani, pero ayaw kumain ng mani,”natatawang sabi niya.

“Baka nagsawa na kuya, kung yun ang hanapbuhay ng tatay niya eh,” biro rin ng kapatid.

Sasagot pa sana siya nang magawi ang mata sa isang partikular na lumang litratong nasa dingding. Kuha iyon noong 1914.

Unti unti niyang inilapit ang mukha sa batang nasa larawan at hindi siya nagkakamali, ito nga ang batang nakausap niya kanina!

Nakaramdam siya ng awa nang mabasa ang paglalarawan rito sa ibaba.

Kuha ng isang batang babae mula sa Igorrote Tribe, Philippines. Ito ay sa Coney Island Zoo, kung saan ginawa siyang atraksyon ka-hilera ng mga unggoy at iba pang mga hayop. Nakatali siya sa poste at lahat ng tumitinging Amerikano ay binabato siya ng mani at ginagawang katatawanan.

Noong 1904 ay gumasta ng 1.5 milyong dolyar ang gobyerno ng Amerika upang kunin ang iba’t ibang tribo ng Pilipinas at ipamukha sa mundo, na Amerikano dapat ang masusunod dahil ang Pilipinas ay hindi pa handa na pamunuan ang sarili.

“S-siya..” nanghihinang bulong niya. Takang taka naman si Gil.

Tila na narinig ni Bert ang boses ng bata sa isip niya, “Kuya ka nya, dapat ikaw magtatanggol kanya. Kung ako may kuya, di siguro ako niaway ng mga tao,”

Ito pala ang mga taong tinutukoy ng bata, kaya rin pala takot na takot ito sa mani.

Alam ni Bert na di na mababago pa ang nakaraan, at nangyari na ang nakatakdang mangyari. Pero malaki pa rin ang pasasalamat niya sa batang babae na kumatok sa puso niya at nagpaalala na maging mabuti siyang kuya sa kapatid niya.

Advertisement