Pinagbubugbog ng mga Kapitbahay ang Matandang Babae na Inakusahang Aswang, Magugulat sila sa Totoong Lihim Nito
Usap-usapan sa barrio Maligalig ang gumagala raw na aswang sa gabi kaya kapag sumasapit ang dilim ay hindi na lumalabas sa kani-kanilang bahay ang mga taga rito.
Isang umaga, dumating ang humahangos na si Fredo.
“May mga patay na baka sa bukid!” sigaw ng lalaki.
Dali-daling huminto sa kanilang ginagawa ang mga taga barrio at naki-simpatiya kay Fredo.
“Ano bang nangyari at pawis na pawis ka?” tanong ni Mang Lino.
“Wala na pong buhay ang mga baka sa bukid, Mang Lino, pinatay na naman ng aswang! Laslas ang lalamunan at biyak ang tiyan ng mga baka!”
Nagkagulo ang mga kapitbahay dahil naminsala na naman ang aswang sa kanila.
“Ano? Kailan ba titigil sa pagpaslang ng mga alaga nating hayop ang aswang na iyan! Pati ang kabuhayan natin dito ay napeperwisyo na!” sigaw ni Aling Ynes.
“Ang nakakatakot ay baka sa susunod ay tao na ang paslangin at kainin ng aswang!” nag-aalalang wika ni Salud.
Sa pangyayaring iyon ay mayroon silang pinagdududahan na siyang aswang. Ito ay walang iba kundi si Manang Huli. Mula kasi nang mapadpad sa kanilang lugar ang matandang babae ay nagsimula na ang pagkamatay ng mga hayop sa kanilang lugar. Palaging may laslas ang mga lalamunan ng mga ito at biyak ang tiyan. Wala na ring dugo at laman-loob ang mga biktimang hayop.
Si Manang Huli ay isang manggagamot sa kanilang barrio. Mahusay itong gumamot ng mga nakukulam, nababarang at nasasapian. Ngunit wala silang tiwala rito dahil sa naiibang hitsura ng matanda. Mayroon itong bukol-bukol na mukha, kutis na tila may sakit, at kamay na may napakahabang kuko. Kung tawagin nga ito ng mga bata sa kanila ay bruha. Malakas ang kutob nila na ito ang salot na aswang. Wala pa silang sapat na ebidensiya kaya hindi pa sila nakakagawa ng hakbang para mapaalis ito.
Isang gabi ay naglalakad pauwi sa kanila si Fredo nang bigla niyang makasalubong si Manang Huli. Dahan-dahan ang paglakad nito habang papalapit sa kanya. Kahit nangangamba ay ipinagpatuloy ni Fredo ang paglalakad.
Maya-maya ay nagsalita ang matanda.
“Hijo, may alaga kang aso di ba? Ipakain mo na ito sa alaga mo!” anito habang iniabot sa kanya ang malaking mangkok na puno ng mga buto at tira-tirang karne.
“Ho, n-nag-abala pa kayo!” sabi niya sa matanda.
Ngumiti lang ito at nagpatuloy sa paglakad. May itatanong sana siya rito ngunit nang lingunin niya ito ay bigla na lamang nawala ang matanda.
“Ha, saan siya nagpunta?”
Gumuhit sa kanyang balat ang matinding kilabot. Laking pagtataka niya na biglang nawala si Manang Huli samantalang hindi pa naman ito nakakalayo sa kanya.
Sa sobrang takot ay napaihi siya sa kinatatayuan at napakaripas ng takbo pauwi sa kanilang bahay.
Kinaumagahan ay ikinuwento niya sa asawang si Wena ang nangyari. Kinilabutan din ito sa kuwento niya at nagkuwento rin ng naging karanasan nito sa matandang babae.
“Nung nakaraang gabi nga may naririnig akong kumakaluskos sa may bintana ng kuwarto natin. Hindi na kita ginising kasi tulog na tulog ka sa sobrang kalasingan. Nilakasan ko ang loob ko at dahan-dahang binuksan ang bintana. Nagulat ako dahil nakita ko si Manang Huli pagala-gala sa dilim at may bitbit na malaking plastic bag,” nagtataka nitong kuwento sa mister.
“Ano naman ang ginagawa pa ng matandang iyon sa dis-oras ng gabi?”
“Baka naghahanap ng mabibiktima niya at ilalagay sa plastik,” hinala ng babae.
Nang sumapit ang hapon ay lumabas ng bahay si Wena upang bumili ng bigas sa tindahan, nang mapadaan siya sa bahay ng kanilang bagong panganak na kapitbahay. Napansin din niya na si Manang Huli na tila may sinisilip sa loob ng bintana. Ngunit nang makita ng matanda na nakatingin siya sa ginagawa nito ay patay malisya itong naglakad palayo.
Kinabahan siya sa posibleng balak ni Manang Huli.
“Diyos ko, balak yatang puntiryahin ang sanggol ni Mareng Lorna!” aniya.
Nang makabalik sa bahay ay ikunuwento niya kay Fredo ang nasaksihan.
“Hindi na tayo ligtas dito, Fredo. Nakita ko si Manang Huli tinitiktikan ang sanggol ni Mareng Lorna!” sumbong niya sa asawa.
“Kailangang gumawa na tayo ng paraan bago pa siya makapambiktima ng inosenteng tao.”
Alas nuwebe ng gabi ay nagulantang sila nang marinig nila ng malakas na hiyaw ng kanilang kapitbahay.
“Tutoy, anak ko!” hagulgol ni Aling Ynes.
Nagsuguran ang mga tiga-barrio sa bahay ng babae at nagulat sila nang mabalitaang pumanaw ang bunsong anak nito. Nakita na lang ni Aling Ynes ang anak na si Tutoy na wala ng buhay na nakahiga sa kama, nakatirik ang mga mata, nakalabas ang dila at namumutla ang balat.
“Aswang, aswang ang pumatay sa anak ko!” hiyaw ng babae.
“Tiyak na si Manang Huli ang may kagagawan niyan!” sabad ni Salud.
“Nakita ko siya kanina na aali-aligid sa bahay ni Lorna. Mukhang puntirya ang sanggol niya,” gatol pa ni Wena.
“Sobra na ‘to! Papayag ba kayo na hindi pagbayaran ng matandang iyon ang ginawa niya?” galit na tanong ni Fredo sa mga kapitbahay.
“Hindi na kami papayag! Kaya ano pang hinihintay natin, sugurin ang aswang!” sigaw ni Mang Lino.
Sabay sabay nilang pinuntahan ang bahay ni Manang Huli. Masuwerte silang naabutan doon ang matanda at kinuyog ito. Walang-awa nilang pinagbubugbog ang matanda. Pinagsisipa at pinagsusuntok nila ito nang walang kalaban-laban. Tinantanan lamang nila ito nang makita nilang duguan na ang katawan ni Manang Huli at lugmok na sa lupa.
Maya-maya ay dumating ang pinuno ng barrio na si Kapitan Domeng.
“Anong ginawa niyo kay Manang Huli?” galit nitong tanong.
“Kapitan, tama lang iyan sa kanya, dahil aswang ang matandang iyan!” sagot ni Fredo.
“Nagkakamali kayo! Mabuting tao si Manang Huli, hindi siya aswang!”
“Pero Kapitan, hindi pa ba sapat ang pagkamatay ng mga alaga naming hayop at pagkamatay ng anak ni Aling Ynes?” wika ni Mang Lino.
“Sigurado kaming aswang siya dahil palagi siyang pagala-gala sa gabi at palagi niyang umaaligid sa bahay ni Lorna na kapapanganak lang,” sabi naman ni Wena.
“Alam niyo kung bakit gumagala sa gabi si Manang Huli? Nagbibigay siya ng mga pagkain at damit sa bahay-bahay! Siya mismo ang may gusto nun dahil gusto niyang makatulong sa mga kapos nating kababayan. Ayaw niya kasing nakikita siya ng mga tao na ginagawa iyon dahil baka hindi niyo tanggapin ang tulong niya,” paliwanag ng Kapitan.
“Kaya pala paggising ko sa umaga ay may nakita akong isang plastic ng bigas at de lata sa labas ng bahay namin,” wika ni Salud.
“Nang makita niyo siya na umaali-aligid sa bahay ni Lorna ay sa kadahilanang gusto niyang bigyan ng munting regalo ang sanggol dahil mahilig siya sa mga bata. Ang pagkamatay naman ng mga alaga niyong hayop ay dahil sa nahuli naming malaking oso na nakakawala mula sa gubat.”
“Teka, Kapitan paano niyo maipapaliwanag ang pagkawala ng anak ko?” hirit pa ni Aling Ynes.
Agad na ipinasuri ng Kapitan sa kilala nitong doktor ang bangkay ng bata. Laking gulat nila nang malaman na ang ikinamatay pala nito ay bangungot.
Labis na napahiya ang mga tiga-barrio sa ginawa nila kay Manang Huli. Ang inakala nilang aswang ay isa palang matulungin at mabuting tao. Magsisi man sila ay huli na, nasaktan na nila ang kawawang matanda. Kaya naman napagdesisyunan nilang lahat na puntahan at personal na manghingi ng tawad dito. Dahil sadyang mabuti ang kalooban ng matanda, agad niyang tinanggap ang paghingi ng tawad ng mga ka-barrio niya.
Sa kabila ng mga nangyari, itinuloy pa rin ng matanda ang pamimigay ng tulong sa mga taong nanakit sa kaniya. Bilang ganti, nangako naman ang mga tiga-barrio na kailanman ay hindi na sila manghuhusga ng kapwa nang dahil lang sa panlabas nitong kaanyuan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.