Bata pa lamang, tampulan na ng tukso si Tag, o si Taguro sa tunay na buhay. Paano kasi, halos hindi siya nawawalan ng tigidig sa mukha. Mukhang tigyawat na tinubuan ang kanyang mukha, na lalong naglabasan noong siya ay nasa hayskul. Kaya ang tawag sa kanya, si “Tag Tigidig”.
Kung ano-anong paraan na ang ginawa ni Tag upang mawala ang mga pesteng tigyawat sa kanyang mukha. Sabi ng kanyang Kuya Tonying, noon daw ay ginamit niyang panlinis sa mukha ang isang baretang panlaba. Sinubukan naman niya, subalit tila hindi ito nagustuhan ng kanyang balat, at lalo itong lumala. Kung ano-anong facial wash, facial scrub ang kanyang sinubukan, subalit hindi talaga umuubra. Wala naman silang sapat na pera para ipakonsulta sa dermatologist ang kanyang mukha. Baka kagalitan lamang siya ng kanyang tatay na masyadong mahigpit sa pera. Isasagot nito sa kanya, mas marami pang mahahalagang bagay na dapat pagkagastusan, kaysa sa mga pampakinis na mawawala rin naman daw.
Tiniis ni Tag ang mga nandidiring sulyap at tingin sa kanya ng mga kaklase. Pakiramdam niya, kaya nakatingin sa kanya ang lahat, ay dahil binibilang ng mga ito ang tigyawat sa kanyang mukha. Isa na riyan ang kaklaseng si Martin, ang ultimate crush ng bayan ng kanilang campus.
Kapag dumaraan siya, bigla na lang itong aakto na parang nakasakay sa kabayo, at sasabihin nitong “Yaaah… tigidig-tigidig-tigidig-tigidig,” sabay magtatawanan ang mga tropa nito. Alam naman sa sarili ni Tag na hindi naman ito tumutukoy sa kabayo; pinariringgan siya nito dahil sa kanyang mga tigyawat.
“Hoy Tag… kumuha ka na nga ng papel-de-liha. Is-isin natin yang mukha mo, baka sakaling kuminis…” biro nito sa kanya. Hindi na lamang pinapansin ni Tag ang mga ganitong biro ni Martin. Mas mainam nang umiwas sa gulo. Kapag pinatulan pa niya ito, baka mapaaway pa siya’t mawala sa kanya ang scholarship na nakatutulong sa kanya nang malaki.
Mabuti na lamang at kasa-kasama niya lagi ang matalik na kaibigang si Alice. Ito ang laging nagpapakalma sa kanya kapag inaasar siya ni Martin. Si Alice din ang nakakaalam kung sino ang napupususan niyang babae. Si Margie. Kaya lang, mukhang gusto rin ito ni Martin, kaya iniiwasan niya.
Hanggang sa magkaroon ng JS Promenade ang kanilang paaralan. Bago man lamang sila magtapos sa hayskul, gusto niyang masabi kay Margie ang kanyang nararamdaman. Tinangka niyang ayain bilang date si Margie, subalit tumanggi ito dahil nauna nang maaya ito ni Martin. Walang magawa si Tag. Kaya si Alice ang kanyang naging prom date.
Ginanap ang JS prom sa hall ng kanilang paaralan. Maganda at gwapo ang lahat. Subalit iisa lamang ang namumukod-tangi para kay Tag. Ang napakagandang si Margie, na laging kasama ni Martin. Tinititigan na lamang niya ito mula sa malayo.
“Malayo na naman ang tanaw mo…” untag sa kanya ni Alice.
“Ano sa tingin mo? Magtapat na kaya ako?” tanong ni Tag sa kaibigan.
“Ikaw ang bahala. Kung makakasingit ka… Tingnan mo’t bantay-sarado sa isa ohh,” sabi ni Alice sabay nguso kay Martin.
Nang minsang mag-isa si Margie, naglakas-loob si Tag na lapitan ito at ayain ng sayaw. Nagpaunlak naman ito. Habang nagsasayaw sila, sinabi at pinagtapat niya rito ang nararamdaman. Bilang reaksyon, natawa lamang si Margie. Humalakhak pa ito, bagay na nakakuha sa atensyon ni Martin.
“Hoy Tigidig… Lumayo ka nga rito! Ang pangit mo! Hindi ka bagay kay Margie…” pamamahiya ni Martin kay Tag. Nakatingin ang lahat sa kanila.
“Hayaan mo na siya, Mart… Alam na niya kung saan siya dapat lumugar…” awat ni Margie kay Martin.
“Talagang alam na ni Tag kung saan siya dapat lumugar. Ang sasama ng mga ugali n’yo!” pagtatanggol ni Alice sa kaibigan. Hinatak na niya ito at dinala sa kanilang mesa.
“Ano bang ginagawa mo, Tag? Bakit mo ibinababa ang sarili mo? Kung hindi ka nila tanggap, huwag mong ipagsiksikan ang sarili mo sa kanila,” galit na sabi ni Alice.
“May mga taong tanggap ka, maging sino ka man at kung ano man ang hitsura mo. Ako… nandito ako. Tanggap kita. Gusto kita, Tag. Matagal na,” pag-amin ni Alice.
Simula noon ay natigil na si Tag sa pagsunod kay Margie. Naging mas malapit naman ang loob niya kay Alice. Nagtapos sila ng hayskul, at naging magkasama sa kolehiyo. Nang makatapos sila ng kolehiyo, nahulog na rin ang loob ni Tag sa kaibigang hindi siya iniwan, kahit na punumpuno ng tigyawat ang kanyang mukha. Tinanggap siya nito nang buong-buo anuman ang kanyang hitsura. Nagkaroon sila ng relasyon, at matapos ang tatlong taon, sila ay nagpakasal at biniyayaan ng dalawang malulusog na anak.