Boyfriend Ko ang Boyfriend Mo
Laging ibinibida ni Grace sa lahat ang boyfriend nitong mabait, maalaga, faithful at sobrang lovable. Kasamahan ni Vanity sa trabaho ang babae kaya nakilala ito ni Jessica. Kapag binibisita ni Jessica si Vanity sa trabaho nito ay si Grace ang palagi niyang nakakausap lalo na kapag maraming ginagawa ang kaibigan niya.
“Grabe, ‘di ba? Alam mo ang swerte ko talaga sa boyfriend ko kaya wala na talaga akong mahihiling pa,” wika ni Grace.
“Alam mo lagi mo na lang ikinikwento sa’kin ang boyfriend mo kahit hindi naman kita tinatanong. Halatang-halata nga na talagang proud na proud ka sa kaniya, eh. Ano ba ang pangalan ng Mister Perfect mong nobyo?” nakangiti tanong ni Jessica.
“Oo nga, eh. Ganun lang talaga akong magmahal,” nakangising wika ni Grace. “Ang pangalan niya ay Travis Santos,” dagdag nito.
Agad namang nagsalubong ang kilay ni Jessica sa sinabing pangalan ng babae. Travis Santos din kasi ang pangalan ng kaniyang nobyo. Posible bang may kapangalan ang kaniyang nobyo?
“Talaga? Taga saan naman siya?” tanong ulit ni Jessica. Nagbabakasakaling magkaibang tao ang boyfriend niya at ang boyfriend ni Grace. Ngunit nang sinabi nito ang address ng nobyo ay nakaramdam na ng panlalamig ang babae. Napatunayan niyang tama ang kaniyang hinala na iisang tao lamang ang nobyo nilang dalawa. Ibig sabihin ay ginag*go siya ni Travis?
“Ikaw pala ang nobya ni Travis? Ang galing naman. Alam mo ba na pinsan ko si Travis?” pagsisinungaling ni Jessica. Hanggang ngayon ay ayaw pa ring tanggapin ng isipan niya na iisa lang ang nobyo nilang dalawa. Ang pagkakakilala niya kay Travis ay faithful ito sa kaniya at mahal na mahal siya nito kaya imposibleng niloloko siya nito.
“Talaga? Ang galing naman kung ganun. Dapat pala noon ko pa sinabi sa’yo ang pangalan ng boyfriend ko. Kwento ako ng kwento sa’yo ng tungkol sa kaniya ni hindi ko man lang alam na pinsan na pala ng nobyo ko ang kausap ko,” masayang wika ni Grace.
“Oo nga, eh.” Tabingi ang ngiti ni Jessica sa kaniyang labi. Nais niyang sabihin kay Grace na siya ang nobya ni Travis at isa itong ahas pero hindi niya magawa dahil may pakiramdam siya na pareho silang nabiktima ng lalaki.
“Alam mo ang tagal na kasi naming hindi nagkikita ni Travis. Alam mo naman na medyo abala siya sa kung anu-anong mga bagay. Pwede bang kapag bumisita siya sa bahay mo ay imbitahan mo naman ako kasi miss na miss ko na ang pinsan kong iyon. Kumbaga bonding-bonding naman tayong tatlo ‘pag may time. Ayos iyon, ‘di ba?” dagdag niya.
“Oo nga, noh. Hayaan mo. Mamayang gabi ay magkikita kami ni Travis kaya pumunta ka sa bahay namin. Ibibigay ko sa’yo ang address ng bahay namin,” tuwang-tuwang sambit ni Grace.
“Pero huwag mong sabihin sa kaniya na kilala mo na ko, ha. Isekreto na muna natin ito. Mas maganda kasi kung masosorpresa siya,” wika ni Jessica at tsaka siya ngumiti.
Gaya nga nang sinabi sa kaniya ni Grace ay bumisita si Travis sa bahay nito. Tinext siya ng babae at pinapupunta sa bahay nito dahil nandoon na ang nobyo nito.
Pinaghandaan ni Jessica ang pagtatagpong ito kaya nagbihis siya ng maayos. Nais niyang magulat din ang lalaki katulad nang ginawa nito sa kaniya nung matuklasan niyang may iba pala itong babae.
“Travis, ipapakilala ko sa’yo ang pinsan mo na si Jessica,” sabik na wika ni Grace.
Agad namang naglakad si Jessica sa harapan ni Travis. Gulat na gulat ito nang makita siya.
“Jessica?” mahinang wika ni Travis.
“Hello, Travis,” nakangiting bati ni Jessica sa lalaki. “Kumusta ka na?” dagdag ng babae.
“Ang tagal niyo daw kasing hindi nagkita kaya heto, surprise!” masayang wika ni Grace.
“Oo nga, eh,” pagsang-ayon naman ni Jessica. “Ayos ka lang ba, pinsan? Bakit parang namumutla ka? May sakit ka ba?” sunud-sunod niyang tanong sa lalaki.
“Jessica, patawarin mo ko.” Lumuhod si Travis at agad na niyakap ang mga binti ng babae. “I’m sorry,” ulit nito.
Nagtataka namang tumingin si Grace sa dalawa.
Hindi alam ni Jessica kung dapat ba niyang ipaliwanag kay Grace kung ano ang nangyayari.
“Humihingi ka ba ng tawad kasi nahuli kita sa panlolokong ginawa mo o humihingi ka ng tawad dahil hindi mo na ako mahal kaya ka naghanap ng iba?” ani ni Jessica. Ngunit hindi siya sinagot ni Travis. Nanatili lang itong nakaluhod habang paulit-ulit na humihingi ng tawad.
“Anong nangyayari?” takang tanong ni Grace. “Iyong ipinagmamalaki mong super perfect mong boyfriend ay boyfriend ko din, Grace. Galit ako. Pero hindi ako galit sa’yo kasi alam ko naman na pareho lang tayong biktima dito,” paliwanag ni Jessica kay Grace na ngayon ay humahagulhol na ng iyak.
Hinarap ulit ni Jessica ang lalaki. “Malaya ka na. Pasensiya ka na kung ginulo ko pa ang relasyon niyong dalawa ni Grace. Ayoko lang na ginagawa mo kaming g*go pareho. Masakit ang ginawa mo sa’kin pero mas kakayanin ko ito kaysa saktan mo ako ng paulit-ulit. Wala akong kaalam-alam na tinatar*ntado mo na pala ako. Kung hindi ko pa nakilala ang ipinalit mo sa’kin baka hanggang ngayon ay iniisip ko pa din na ang swerte ko sa’yo,” mangiyak-ngiyak niyang wika.
“I’m sorry, Grace. Hindi ko pa kayang sabihin na magiging magkaibigan pa rin tayo ngayon pero alam kong darating ang araw na magiging okay din ang lahat. Salamat.” Niyakap ni Jessica ang babae bago siya umalis.
Naaawa siya para sa kaniyang sarili pero mas naaawa siya kay Grace. Ang taas kasi ng tingin nito kay Travis pagkatapos ay malalaman nitong niloloko pala siya ng nobyo. Pero sa palagay niya ay tama naman ang kaniyang ginawa. Ayaw naman niyang magmukhang g*ga si Grace.
Lumipas ang tatlong buwan at muling nagkita sina Grace at Jessica.
“Jessica,” nahihiyang tawag ni Grace sa babae.
“Grace, kumusta ka na?” nakangiting wika ni Jessica. “Ayos na ako, Jessica. Ikaw okay ka na ba?” balik tanong ng babae na agad naman niyang tinanguan.
“Sorry nga pala sa nangyari, ha. Hindi ko alam na may nobya na siya. Pagkaalis na pagkaalis mo ay nakipaghiwalay ako agad kay Travis.” sambit ni Grace.
“Alam mo, Grace, nagpapasalamat pa rin ako sa’yo. Kasi kung hindi kita nakilala hindi ko malalaman na niloloko na pala ako ni Travis. At malamang ganun ka din, ‘di ba? Masakit iyong nangyari pero naisip ko na pareho tayong blessings sa isa’t-isa. Hindi pa rin tayo napahamak at naputol natin ng maaga ang panloloko niya sa’tin. So, pwede na ba tayong bumalik sa dati? Iyong hindi tayo nagkakailangan?” tanong ni Jessica. Agad naman siyang niyakap ng mahigpit ni Grace.
“Jessica, salamat. Salamat talaga,” anito habang yakap-yakap siya.
Tama si Jessica nung inisip niyang hindi siya dapat magalit kay Grace. Oo, nasaktan siya sa ginawa ng dalawa pero walang kasalanan sa kaniya si Grace dahil biktima lang din ito ni Travis.
Kapag natuklasan mong may iba pang minamahal ang iyong karelasyon mainam na alamin muna at timbangin ng maigi ang sitwasyon bago husgahan ang pinaghihinalaang mang-aagaw dahil hindi lahat ng third party ay may kasalanan. May mga pagkakataon din na nabiktima lang din sila ng taong kanilang minahal.