Tuwang-tuwa ang Babae nang sa Wakas ay Magkaroon ng Credit Card; Nagbago ang Lahat nang Mabaon siya sa Utang
“Happy Graduation, Jonah!” malakas na salubong ng mga kaibigan at pamilya ng dalaga nang siya ay umuwi galing sa kaniyang graudation ceremony.
“Wow! Salamat, may pasorpresa pa talaga kayo ha.”
Kakatapos lamang niya sa kursong Accountancy at nagbabalak na siyang makapagsimula sa papasukang kompanya.
“Ang galing mo talaga, biruin mo kakatapos mo pa lang pero natangaap ka na agad sa trabaho,” wika ng kaniyang tiya.
“Ah opo tita, gusto ko na kasing maranasan yung mayroon akong sariling sinasahod at hawak na pera,” sagot niya.
Dahil sa tulong ng kaniyang ama ay madaling nakapasok si Jonah sa kumpanya ng kumpare nito. Makalipas lang ang dalawang linggo ay inumpisahan niya na ang pagtatrabaho. Bigatin ang kumpanyang iyon at ilan sa kaniyang mga boss ay banyaga.
“Welcome to the company, Jonah,” pagbati sa kaniya ng mestisahing HR manager.
“Thank you po.”
Hindi naman matatawaran ang angking galing niya sa trabaho kaya’t madali itong napansin ng kaniyang mga kasamahan.
“Good job, Jonah! Keep up the good work, who knows baka mapromote ka kaagad.” ayon sa kaniyang bisor.
“Naku salamat, sir! Pagbubutihin ko pa po lalo sa pagtatrabaho.”
Unti-unting nakapagipon si Jonah ng sarili niyang pera at inilalagay ito sa kaniyang bank account. Kasabay nga ng pagtaas ng kaniyang ipon ay ang kabilaang pag-aalok din sa kaniya ng mga bangko ng napakaraming credit cards.
“Good morning! I’m looking for Ms. Jonah,” ayon sa lalaki sa telepono.
“Yes, speaking, anong kailangan nila?”
“Ma’am, gusto ko lang kayong balitaan na napili kayo ng aming bangko upang mabigyan ng credit, no annual fees at easy application.”
Sa una ay nagaalinlangan siya sa pagkuha ng credit card, ngunit dahil na rin sa pangangantiyaw at pagyayakag mag-shopping ng mga kaopisina ay bumigay na siya.
“Okay din naman ang may credit card Jonah, pwede kang bumili ng gusto mo anytime,” wika ng isa.
“Baka naman kasi mabaon ako sa utang niyan,” sagot niya.
“Hindi yan, basta magbayad ka on time.”
Kumuha siya ng isang credit card at doon na nagsimula ang delubyo ng kaniyang buhay. Naging maluho si Jonah at lahat ng kaniyang naisin ay agad na binibili.
“Wow ang ganda nitong bag, bagay na bagay sa akin,” wika niya sa satrili habang namamasyal.
Hindi na nga napigilan ni Jonah ang sarili at kung ano-anong mga hindi importanteng bagay na ang kaniyang pinagbibili, swipe dito swipe doon.
“Okay pala tong may credit card, mabibili ko lahat ng gusto ko. Ang laki pa ng balase ko, may 200,000 pa akong puwedeng gastusin.”
Sa mga unang buwan ay regular niyang nababayaran ang kaniyang bill, ngunit sa paglipas ng panahon ay tumaas ng tumaas ang antas ng kaniyang maluhong pamumuhay.
“Naku, kulang tong natira sa sahod ko para sa bill ko ng credit card, di bale babawasan ko na lang muna ang ipon ko.”
Hindi namamalayan ni Jonah na sa bawat paggastos niya ay paubos na ng paubos ang kaniyang naiipong pera. Umabot na sa puntong halos wala nang natitira para sa kaniyang pang araw-araw na gastusin.
“Mommy, pwedeng pahiram po muna ako kahit 500 lang? Wala na kasi akong pamasahe papasok eh,” wika niya.
“Oh? Kakasahod mo lang nung isang araw ah?” sita ng kaniyang ina.
“Ano kasi mommy, binayad ko po lahat sa credit card ko. Kulang pa nga eh.”
Kahit may pera ang kaniyang mga magulang ay hindi siya sinanay ng mga ito na palaging binibigyan ng salapi. Noon pa man ay ipinaintindi na nila sa anak ang kahagalahan ng pagiging masinop kaya ganon na lamang ang pagkadismaya ng kaniyang ama.
“Dad! Kailangan ko na po talaga ng tulong, nababaon na ako sa utang dahil tumataas na ang interes ng credit card ko.”
“Binalaan kita noon Jonah na wala namang maganda maidudulot ang credit card na iyan. Hay naku kang bata ka. O siya sige babayaran ko muna ang card mo, pero ipapaputol mo na iyan, maliwanag?”
“Opo dad, pangako.”
Wala na ngang nagawa si Jonah kundi ang ihinto ang paggamit ng credit card, hindi niya lubos akalain na hahantong sa patong-patong na utang ang kaniyang mga pinagbibili.
“Hello, ipakakansel ko na sana ‘tong credit card ko, nabayaran ko naman na yung buong balanse.”
“Bakit naman po ma’am, may problema po ba?”
“Naisip kong hindi ko pala ito kailangan.”
Kahit anong pagpupumilit ng kaniyang kausap ay buo na ang loob ni Jonah na ihinto ang paggamit ng credit card.
Naubos man ang kaniyang inipong pera ay agad rin siyang nakabawi sa pag-iipon sa tulong ng kaniyang magulang. Hindi na siya muling tumanggap ng anumang credit card na inaaalok sa kaniya.
Walang masama sa paggamit ng credit card ngunit siguruhin ang responsableng paggamit nito upang sa huli ay hindi nababaon sa utang.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!