Mas Pinili ng Babae ang Mayamang Lalaki Kaysa sa Mabait at Masugid niyang Manliligaw; Huli na nang Siya’y Magsisi
Hindi maikakaila ang angking ganda ni Rachel, kaya naman nang magdalaga ay kaliwa’t kanan na ang kaniyang mga manliligaw. Ngunit sadyang mapili siya sa lalaki at lahat ay binabasted niya.
“Hi Rachel, dinalan kita ng mangga, bagong pitas ‘yan sa puno namin,” wika ni Mark, isa sa kaniyang masugid na manliligaw.
“Mark, sinabi ko naman sayo, hindi kita gusto kaya tigilan mo na ang kakabigay sa akin ng kung ano-ano,” masungit na sagot niya.
“Pasensya ka na Rachel, huwag kang mag-alala ito na ang huli kong regalo sa iyo,” ayon sa binata.
Ayaw na ayaw ni Rachel sa mga binatang nakatira lamang sa kanilang nayon dahil karamihan sa mga ito ay anak ng magsasaka at mahihirap. Nais niyang makatagpo ng manliligaw na mayaman na maaring mag-alis sa kaniya sa maliit nilang lugar.
“Bakit ba ayaw mo kay Mark? Mukhang mabait naman yung tao, o kaya yung si Jun, nakapagtapos naman yun ng pag-aaral at may sarili silang sakahan,” wika ng kaniyang ate.
“Ate, kapag taga dito lang ang sinagot kong manliligaw eh hindi na ako makakaalis sa nayon na ito, bukod dun ay gusto kong maging isang donya o reyna,” sagot niya.
Ilang manliligaw pa nga ang kaniyang tinanggihan dahil hindi nila maabot ang mataas na pamantayan ni Rachel.
“Anong ipapakain mo sa akin ‘pag sinagot kita? Yang kakanin na tinitinda ninyo? Huwag na lang,” sagot niya sa isang manliligaw.
“Grabe ka naman Rachel, masarap naman ito, recipe pa ito ng lola ko sa tuhod,” malungkot na sagot ng binata.
Minsan siyang naglalakad sa malapit sa sapa nang may isang lalaki ang lumapit sa kaniya, sa postura nito ay kitang-kita ang pagiging anak mayaman nito, pinagmasdan ni Rachel ang kaniyang suot na mamahaling relos at sapatos.
“Hi miss, may kasama ka ba? Jeric nga pala,” tanong nito sa kaniya.
“Ah wala naman, nagpapahangin lang ako dito. Ako si Rachel,” sagot niya.
Sa kanilang pagkukwentuhan ay napag-alaman niyang apo si Jeric ng isa sa pinakamayamang negosyante sa kanilang lugar. Halos araw-araw silang nagkikita sa sapa upang magkwentuhan.
“May nobyo ka na ba Rachel?” minsang tanong ni Jeric.
“Naku wala pa, marami akong manliligaw pero hindi ko sila gusto.”
“Eh kung ako ang manligaw sayo?”
Nagulat man sa wika ng lalaki ay napangiti si Rachel, pakiramdam niya ay nanalo na siya sa lotto, binigyan niya ng pagkakataon si Jeric na manligaw at di nagtagal ay sinagot niya rin ito.
“Yes na? Tayo na Rachel?” masayang tanong ni Jeric.
“Oo nga Jeric, sinasagot na kita,” sagot niya.
Naging maayos ang kanilang pagsasama hanggang sa sila ay maikasal, natupad ni Rachel ang enggrandeng kasalan na kaniyang pinapangarap at isinama na siya ni Jeric sa kaniyang mala-palasyong tahanan.
“Wow, ito ba ang bahay natin Jeric?”
“Oo, lahat ng nandito ay sa atin. Sa iyo… Dahil mag-asawa na tayo.”
Ngunit hindi rin nagtagal ay unti-unti nang lumalabas ang tunay na ugali ng kaniyang asawa, napaka-mainitin ng ulo nito at palagi siyang binubulwayan.
“Ano ka ba Rachel! Tatlong oras ka na diyan sa salamin, mahuhuli na tayo sa pagtitipon napakakupad mong kumilos!” sigaw nito sa kaniya.
“Oo ito na tapos na ako.”
Naimbitahan sila sa isang golden anniversary celebration, nanlaki ang mata ni Rachel dahil napaka-elegante ng mga taong naroroon. Habang abala ang kaniyang asawa sa pakikipag-inuman ay may isang lalaking lumapit sa kaniya.
“Rachel?”
“Mark?”
“Wow halos hindi ka pa rin nagbago, ito nga pala si Roxane asawa ko,” wika ni Mark.
“Hi, nice to meet you,” sagot ng babae.
Matapos nilang magkamustahan ay bumalik na si Mark sa kanilang upuan kasama ang kaniyang asawa, sa kanilang paguusap ay napagalaman niyang umalis pala ito upang maging isang marino, at sa kaniyang pagbabalik ay nagtayo ng sarili niyang mga negosyo. Inggit na inggit si Rachel sa dalawa dahil napakamaalaga ni Mark sa kaniyang asawa, samantalang siya ay pinababayaan lamang ni Jeric sa ganoong mga pagtitipon.
“Rachel, uwi na tayo,” paganyaya ni Jeric sabay hila sa kaniyang braso.
“Aray ko Jeric bitawan mo nga ako, lasing na lasing ka na.”
“Kaya nga uuwi na tayo kasi lasing na ako!” biglang sigaw ng lalaki.
Aakma pa lang si Jeric na hahampasin si Rachel nang pigilan ito ni Mark.
“Tol, wag ka namang ganyan sa asawa mo,” wika nito.
“Bakit sino ka ba?”
Susuntikin sana ni Jeric si Mark ngunit dahil sa kalasingan ay sumubsob lang sila sa lupa at nawalan ng malay. Nagprisinta na si Mark at ang kaniyang asawa na ipagmaneho na lamang sila pauwi.
“Salamat ha Mark, Roxane sa paghatid, pasensya na sa abala,” wika niya nang makababa ng sasakyan.
“Ayos lang iyon, mauuna na din kami ha, malalim na ang gabi eh.” paalam ng dalawa.
Inihiga ni Rachel ang asawa sa kama. Napaluha na lamang siya sa landas na tinahak niya. Hindi niya mapigilang isipin na kung si Mark sana ang sinagot niya ay hindi magiging ganon ka miserable ang kaniyang buhay, habang tumatagal ay nagiging masama pa lalo ang pag-uugali ni Jeric ngunit huli na ang lahat para siya ay umatras.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!