Inday TrendingInday Trending
Takang-taka ang Magulang na OFW Kung Bakit Isang Taon Nalang ay Tumigil pa sa Pag-aaral ang Kanilang Anak, Nadurog ang Kanilang Puso nang Malaman ang Katotohan

Takang-taka ang Magulang na OFW Kung Bakit Isang Taon Nalang ay Tumigil pa sa Pag-aaral ang Kanilang Anak, Nadurog ang Kanilang Puso nang Malaman ang Katotohan

“Marla, yung anak niyo isang taon nalang tumigil pa sa pag-aaral.”

Gulat ang mag-asawang Marla at Angelo sa ibinalita sa kanila ng kapit-bahay sa pamamagitan ng Facebook Messenger.

Mahigit labinlimang taon nang parehong nagtatrabaho ang mag-asawa sa Qatar. Pagkapanganak palang ni Marla sa anak na si Jeriko ay iniwan na ito sa mga kapatid para paalagaan. Suportado nila ang mga ito, lalo na ang kanilang anak na mahal na mahal nila.

Kahit malayo sila sa kanilang anak ay ibinibigay naman nila lahat ng luho ng bata. Isang sabi lang ng mga kapatid niya kung anong gusto ng anak ni Jeriko ay pinapadala agad nilang mag-asawa.

Dahil rin sa anak nila kaya sila nagtitiis magtrabaho pareho sa abroad. Gusto rin nilang makaipon para makabili sila ng bahay at nang magkasama-sama na silang pamilya.

Ngunit gulat sila sa ibinalitang ito ng kapitbahay nila. Wala pa kasing sinasabi ang mga kapatid ni Marla tungkol doon. Kaya kinabukasan ay nag-videocall agad sila upang kumpirmahin ang balita. Wala noon ang mga kapatid ni Marla kaya solo nilang nakausap ang bata.

“Kamusta na anak?” tanong nila sa 15 anyos nilang anak na si Jeriko.

“Okay lang po,” walang kangiti-ngiti nitong sagot.

Sanay na silang cold ang pakikitungo sa kanila ng anak. Hinahayaan lang nila dahil sa isip nila ay maiintindihan din sila ng anak balang-araw.

“Anak, may gusto sana kaming itanong ni Papa mo sayo,” paumpisa ni Marla.

“Ano po ‘yun?”

“Totoo bang tumigil ka sa pag-aaral?’

“Opo,” walang kagatol-gatol na sagot nito.

“Bakit naman, anak? Isang taon nalang gagraduate ka na ng high school.”

“Wala po kasing nagpunta nung kuhanan ng card, walang pumirma ng card ko kaya tinamad na akong pumasok,” simpleng sagot nito.

Doon tila nag-inig ang ulo ng ama nito na si Angelo, “Hindi mo ba alam kung anong hirap ang ginagawa namin dito para mapag-aral ka lang?”

“Kalma, hon…” pigil ni Marla sa asawa.

“Eh sira-ulo ‘yang anak mo, wala lang pumirma ng card hindi na pumasok!”

“Siyam na taon na pong walang napirma ng card ko.”

Nagulat sila sa rebelasyon nito.

“Grade 1 palang po ako, yung nanay na ni Newper ang napirma sa card ko,” tukoy nito sa best friend niya. “Wala naman pong pakialam sila tito at tita sa pag-aaral ko, sa padala niyo po siguro meron.”

Hindi makapaniwala ang mag-asawa sa naririnig.

“Mag-isa po lagi akong gumigising, naghahanda sa pagpasok at kumakain,” umiiyak na ang bata, “Nung isang araw po hindi nakapirma yung mama ni Newper sa card ko dahil maysakit doon ko po narealize na itigil nalang lahat ‘to.”

“Anak…” umiiyak na rin sina Marla at Angelo.

Hindi nila lubos akalain na ganito na pala ang dinaranas ng nag-iisa nilang anak.

“Hindi ko naman po kailangan ng pera o ng mga bagong laruan o cellphone, ang gusto ko lang po ‘yung kasama ko kayo mama at papa,” iyak ng iyak ito.

Matapos ‘yun ay hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Marla na umuwi ng Pilipinas. Aalagaan niya muna ang anak habang ang asawa ay tinutuloy ang pagtatrabaho para sa kanilang mag-ina at sa pinag-iipunan nilang bahay. Pinagsabihan rin ni Marla ang mga kapatid at lubos na nagsisi sa ginawa. Humingi ito ng tawad sa pamangkin nila at nagpatuloy na rin si Jeriko sa pag-aaral. Masaya siyang kasama na ang mama niya.

Advertisement