Excited ang Babae na Ipakilala ang Mabait na Boyfriend sa Kanyang Magulang, Pero May Isa Pa Palang Kakaibang Miyembro ng Pamilya Niya ang Sasalubong Dito
Espesyal ang araw na ito para kay Tina, mamayang gabi kasi ay sa kanila maghahapunan ang kanyang nobyo. Ito ang unang beses na ipapakilala niya sa pamilya si Philip, mabait at magalang ang lalaki,,idagdag pa na gwapo ito at maganda ang trabaho- isang architect. Kaya siguradong matutuwa dito ang mga kuya niya na pawang mga maskulado at kinatatakuta ng mga dati niyang manliligaw.
Hindi rin naman pahuhuli si Tina, maganda siya at isang manager sa sikat na hotel sa Makati. Doon nga sila nagkakilala, si Philip kasi ang architect ng kanilang building. Nagsimula sa pagkakaibigan, nang magtagal ay nahulog na ang loob na ang loob niya sa lalaki at sobrang kilig niya nang malamang ganoon din pala ito sa kanya.
Alas sais pa lang ng hapon ay nakaligo na ang babae, nagluluto na rin ang mama niya ng pagsasaluhan nilang hapunan. Ang usapan nila ay 7:30 darating si Philip. Habang nagsusuklay ng buhok ay napasulyap si Tina sa larawan ng kanyang lola, nakaramdam siya ng konting lungkot.
“La, sana andito ka no? Matutuwa ka siguro kay Phil,” sabi niya na ang kausap ay ang litrato ng matanda.
Ang saya saya ng lola niya sa picture, kuha kasi iyon noong birthday nito tatlong taon na ang nakakalipas. Nakabestida ito na bulaklaking pink at black, at may suot pang perlas na kwintas. Iyon na pala ang huling birthday nito dahil noong taon ding iyon ay pumanaw na ang matanda.
“Mabait siya, sayang hindi mo na naabutan.Bale ba ay biro ka ng biro sa akin noon na magboyfriend na ako para makilala mo na.” nakangiti ang dalaga pero may bahid ng lungkot ang boses nang sabihin iyon.
Bumuntong hininga na lang siya at itinuloy na ang pag aayos.
Mabilis na umandar ang oras at 7:20pm na, sinabihan niya ang nobyo na itext siya kapag nasa harapan na ito ng bahay nila upang mapagbuksan niya ito ng gate. Titig na titig si Tina sa cellphone niya, alam niya kasing anumang sandali ay darating na ito, palaging on time ang lalaki.
Bigla na lang siyang napatayo sa upuan nang marinig na ang kotse ang nobyo, paglabas niya sa pinto ay laking gulat niya na nasa bakuran na nila iyon naka-park, magtatanong sana siya kung paano ito nakapasok pero naisip niyang baka naiwan ng mama niya na bukas ang gate.
“Hi beautiful,” sabi nito sa kanya sabay kindat.May bitbit itong bulaklak at cake, maginoo talaga ang lalaki.
“Hi, pasok ka.” ngiti niya rito, nauna na siyang maglakad papasok ng bahay dahil isinara pa ng nobyo ang gate nila.
Mainit itong tinanggap ng kanyang pamilya, masaya ang naging hapunan nila dahil palabiro ang nobyo at walang ibang ginawa ang mga kuya niya kung hindi magtawanan.
Pagkatapos ng hapunan ay nanatili silang lahat sa salas at doon itinuloy ang kwentuhan, nakahawak sa bewang niya ang nobyo at may itinanong sa kanya.
“Kumain na ba si lola?” sabi nito.
Napatingin naman silang lahat dito, mama, papa, siya at mga kuya niya lang ang nakatira doon, walang matanda.
“Sinong lola?” tanong niya rito.
“Yung mabait na matandang nagbukas ng gate for me, kaya nga nakapag park ako agad. Akala ko nga alam mo na darating ako kasi malayo pa lang ako binubuksan niya na ang gate.Nakangiti nga sa akin eh, kaya lumakas ang loob ko, kinakabahan kasi akong harapin ang dad at mga kuya mo hehehe.” kwento nito sa kanya.
“Phil, anong itsura ng sinasabi mong matanda?” tanong niya rito na nagsisimula nang maghinala kung sino.
“Medyo puti na ang buhok, nakabestida na black and pink na bulaklakin, tapos may perlas na kwintas.Sabi ko nga, aba si lola readyng ready sa dinner ah.Nasaan na nga pala siya? di man lang ako nakapag thank you kanina.” wala pa ring ideya ang nobyo sa nangyayari.
Pumasok si Tina sa loob ng kwarto at kinuha ang picture frame ng lola, ipinakita niya ito kay Philip at tumango naman ang lalaki, kinumpirma na iyon nga ang ‘lola’ na tinutukoy nito.
“Philip, patay na ang lola ko 3 years ago.”
Hindi na pala dapat malungkot si Tina dahil kahit nasa kabilang buhay na ang lola niya ay ginagabayan pa rin sila nito, tinupad din nito ang sinabi nito noon na kikilalanin ang magiging nobyo niya.