Sinuway Niya ang Mga Magulang Upang Sumama sa Kasintahan, Hindi Niya Lubos Maisip na Ganito Pala ang Sasapitin ng Kanyang Buhay
Si Hailey, 21-anyos na dalaga ay nakapagtapos ng kursong Nursing. Pangarap sana ng mga magulang niya na makapag-abroad siya upang guminhawa naman kahit papaano ang buhay nila. Buo na ang mga pangarap ng dalaga para sa mga magulang ngunit isang araw ay nakilala niya ang binatang nagngangalang Vince. Isa itong construction worker sa ospital na pinapasukan niya. Kasing-edad niya lang din ito at nagkakilala sila sa elevator na muntik nang masira habang nakasakay silang dalawa. Napatili noon si Hailey na siya namang kinagulat ng binata. Tumawa silang dalawa pagkatapos. Simula noo’y nagkagaanang-loob na sila. Mabait ang binata at malakas ang sense of humor. Palagi niya napapangiti at napapatawa ng malakas ang dalaga. Hanggang sa magkaaminan silang dalawa na gusto nila ang isa’t isa. Pinagpasyahan ni Hailey na ipakilala ang noo’y kasintahan nang si Vince sa mga magulang. Agad iyong tinutulan ng binata dahil nahihiya pa daw siya sa mga ito. Hanggang sa dumating nalang ang araw na nahuli sila ng mga magulang ng dalaga. Galit na galit ang mga ito at agad na pinaghiwalay silang dalawa. Nang mga panahon na ‘yun ay mahal na mahal na ng dalaga ang kasintahan at masyado na siyang bulag sa pag-ibig niya dito kaya naman pumayag agad siya nang yayain siya nitong makipagtanan. Nagpakalayo-layo sila. Malayo sa maalwan nilang buhay sa Maynila ay napunta si Hailey sa buhay-bukirin sa Albay. Kasama nila ang mga kapatid at magulang ng kasintahan. Noong una’y tinuring siya ng binata na parang prinsesa. ‘Ni hindi siya pinagagawa ng kahit anumang gawaing-bahay nito. Pagiging magsasaka ang kinabubuhay ng pamilya ni Vince. Hindi naman niya kinahihiya iyon dahil mahal na mahal niya pa rin ang binata. Lahat na nga ng gulay na hindi niya kinakain noon ay nakakain niya na dahil wala silang pambili ng karne. Tuwing linggo lang siya nakakatikim ng masarap na ulan. “Mahal pasensya ka na ah, ito palang ang kaya kong ialay sayo,” inilapit nito ang kamay niya sa kaliwang dibdib nito, “Ang pagmamahal ko.” Kilig ang nararamdaman ni Hailey sa tuwing naririnig iyon mula sa kasintahan. Hanggang sa magkaanak sila ay hindi pa rin nagbago ang lalaki. Mahal na mahal niya pa rin ito. At titiisin niya kahit na anong hirap basta magkakasama lang silang pamilya. Pero isang araw ay may gumulantang na lamang sa kanila. Nalaman niyang may anak na pala si Vince at limang taong gulang na ‘yun. Nagpaliwanag ang lalaki at tinanggap niya naman iyon. Pero doon na nagsimulang magbago ang lahat. Dahil palagi na itong dinadalaw ng panganay na anak ay lalong namroblema sa pera si Vince. Palagi niya na ring nasisigawan si Hailey. Ngunit sinubukan pa rin siyang intindihin ng babae. Sinubukan na rin ni Hailey na mamasukan bilang labandera. Hindi niya lubos-maisip na ang isang college graduate na tulad niya ay sasapitin ang ganitong hirap. Tinitiis niya nalang lahat ito para sa binuo nilang pamilya ni Vince. Pero isang gabi, umuwi nang lasing na lasing ang asawa. Nainis siya dito dahil maghapon siyang pagod na pagod sa paglalaba tapos ito lang ang aabutan niyang ayos nito. “San ka ba galing, Vince? Kanina pa ako naghihintay sayo. Hindi pa kami kumakain ng anak mo,” mahinahon niyang tanong dito. “Punyeta, nasa akin ba ang kaldero? Edi sana kumain ka na kanina pa! Boba ka!” Nasaktan si Hailey sa sinabi ng asawa. Doon pumasok lahat sa isip ng dalaga ang mga payo sa kanya ng mga magulang. “Mag-aral kang mabuti. Gusto namin magkaroon ka ng magandang trabaho para hindi ka aapihin ng asawa mo.” “Bumili ka ng sarili mong bahay, para hindi mo madanas palayasin ng asawa mo o ng mga byenan mo.” Doon ay narinig niya pa ang sigaw ng asawa, “Lumayas ka na dito babae ka! Lalo lang gumulo ang buhay ko dahil sayo. Bakit ba nakilala pa kitang lintik ka?” Lalo siyang napaiyak. Kung sana’y nakinig nalang siya sa mga magulang niya. Hindi niya sana sasapitin ang lahat ng ito. Pinahid niya ang luha. Nagdesisyon siyang mag-empake at binihisan ang sanggol na anak. Buo na ang isip niya. Hihingi siya ng tawad sa mga magulang. Nagkamali man siya ay naniniwala siyang tatanggapin pa rin siya ng mga ito. Tunay nga ang kasabihang, “Lahat ng payo ng magulang ay para rin sa ikabubuti ng kanilang anak.”
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!