Inday TrendingInday Trending
Hindi Matanggap ng Ama ang Kinuhang Kurso ng Anak, Pagsisisihan Niya Pala ang Hindi Pagsuporta Rito

Hindi Matanggap ng Ama ang Kinuhang Kurso ng Anak, Pagsisisihan Niya Pala ang Hindi Pagsuporta Rito

Pangarap ni Mang Gino na makapagtapos ang panganay niyang anak na si Michael sa kursong Engineering o kahit anong kursong titulado na kanyang maipagmamalaki ngunit iba ang nasa puso ng anak.

“Itay, matagal ko na pong pangarap na maging writer!” aniya.

“Writer ba ‘ka mo? Anong mapapala mo sa kalokohang iyan? Mas bagay sa iyo ang maging inhinyero kaysa maging manunulat lang!” anito.

“Pero, itay, bata pa lang po ako ay mahilig na akong magsulat ng iba’t-ibang uri ng kuwento. Imbes na Engineering ay Creative Writing ang gusto kong kuning kurso sa kolehiyo!”

“Magtigil ka! Hinding-hindi kita pag-aaralin kapag hindi mo sinunod ang gusto ko!” galit na sigaw ni Mang Gino.

Walang magawa si Michael. Alam niyang ipagpipilitan ng ama ang gusto nito para sa kanya, pero paano naman siya? Masaya ba siya sa gagawin niya?

Dahil buo ang loob ni Michael na salungatin ang gusto ni Mang Gino ay gumawa ito ng paraan para makapag-aral siya ng hindi humihingi ng tulong mula sa ama.

Nag-apply siya sa bilang isang manunulat sa isang maliit na kumpanya. Doon ay babayaran siya sa bawat istorya na maipapasa niya kada araw. Iyon ang pagkukuhanan niya ng pang-matrikula sa kolehiyo para makapasok sa gusto niyang kurso.

“Napakatigas talaga ng ulo mo, anak! Talagang sinuway mo ang itay mo at pinagpilitan mo pa rin ang gusto mo?” sabi ng inang si Aling Sion.

“Inay, kahit kailan ay hindi ko pinangarap na maging engineer o kahit anupamang tituladong trabaho. Masaya ang puso ko sa pagsusulat. Iyon ang gusto kong gawin, pag-aralan at gawing trabaho kapag ako ay nakatapos.”

“At anong naghihintay na trabaho sa iyo, aber? Kapag naging engineer ka ay maiaahon mo na ang ating pamilya sa kahirapan!” patuloy pa ng ina.

“Sorry po, pero nakapagdesisyon na po ako!” matipid niyang sagot.

Nasunod ang gusto niya na makapag-aral ng kursong Creative Writing. Gaya nang sinabi ng kanyang ama ay hindi nito tinustusan ang kanyang pag-aral, buti na lamang at kumikita siya sa pagsusulat at iyon ang nakatulong sa mga gastusin niya sa eskwela. Samantala, ang bunso niyang kapatid ay sinunod ang payo ng ama na Accountancy ang piliing kurso.

Nang minsang magkaroon ng salo-salo sa kanilang bahay kasama ang mga malalapit na kamag-anak ay todo puri si Mang Gino sa bunsong kapatid niyang si Rochelle.

“Alam niyo ba, itong bunso ko ay napakatalinong bata at ito ang magiging kauna-uanahang CPA sa pamilya!” puri nito sa anak.

“Ang galing naman ng pamangkin ko! E, itong si Michael, anong kurso ang kinukuha sa kolehiyo?” tanong ng isa sa mga tiyahin niya.

“Naku, huwag mo nang tanungin at walang nang pag-asa ang batang iyan! Gusto lang maging hamak na manunulat! Naturingan pang panganay, siya pa ang walang pangarap!” sabi ng ama.

Lihim na nasaktan si Michael sa sinabing iyon ni Mang Gino. Hindi totoong wala siyang pangarap. Malaki ang pangarap niya para sa kanyang pamilya kaya gusto niyang makatapos sa pag-aral at maging mahusay na manunulat.

Apat na taon ang binuno ni Michael sa kolehiyo at sa wakas ay nakapagtapos din siya ng may karangalan. Nagtapos siyang Magna Cum Laude ngunit ang tagumpay na iyon ay tila bangungot sa kanya dahil sa araw ng kanyang pagtatapos ay ang inang si Aling Sion lang at ang kanyang kapatid ang pumunta sa kanyang graduation.

“Inay, si itay po?” aniya.

“Ayaw niyang sumama, anak. Pagpasensiyahan mo na lang ang itay mo!”

“N-naiintindihan ko po. Salamat po at nakarating kayo!” sabi ni Michael na may malungkot na boses. Maging ang isa sa pinaka-importanteng araw sa kanyang buhay ay hindi sinipot ng ama.

“At bakit naman hindi? Siyempre, araw ng pagtatapos ng anak ko tapos Magna Cum Laude pa? Proud na proud ako sa iyo anak! Mahal na mahal kita!” wika ni Aling Sion.

Nagsimula siyang magpasa ng resume at mag-apply sa mga kumpanyang naghahanap ng mga manunulat. Masuwerte naman siyang natanggap sa isang TV network para maging writer sa drama at teleserye. Ilang istorya rin ang kanyang naisulat para sa istasyon ngunit hindi niya akalaing ang isang istoryang kanyang naisulat ay siyang babago sa kanyang buhay.

“Mr. Michael Cagayao, please come to my office!” wika ng boss ng drama department na kanyang kinabibilangan.

“B-bakit po, sir? May problema po ba?”

“Gusto kitang batiin, Mr Cagayao! Congratulations!” anito.

“Bakit po, boss?”

“Napili ang istorya mo na maipalabas sa ibang bansa. At hindi ito basta, basta! Ipalalabas ang isinulat mong istorya sa labinlimang bansa!”

“T-totoo po ba iyan?” gulat niyang tanong.

“Yes, Mr. Cagayao at hindi lamang iyan, kinukuha ka bilang isang drama writer sa Amerika! Hindi mo na kailangang pumunta dun dahil ipapasa mo lang mga mga istorya mo sa kanila sa pamamagitan ng e-mail kaya hindi maaapektuhan ang trabaho mo dito sa istayon. Napakalaking oportunidad nito, Mr Cagayao!”

Hindi makapaniwala si Michael na sa mapapansin sa ibang bansa ang istoryang isinulat niya. Bukod dun ay babayaran pa siya ng malaki sa bawat istoryang gagawin niya.

“Congrats, Michael! Pang-international na ang level mo bilang writer!” sabi ng isa sa kanyang ka-opisina.

“Naku, nagkataon lang iyon!” aniya sa mapagkumbabang tono.

‘Di nagtagal ay nakilala ang pangalang Michael Cagayao bilang isa sa pinakamahusay na scriptwriter sa bansa at sa buong mundo. Siya rin ang kauna-unahang Pinoy na nakapag-uwi ng pinakamataas na karangalan sa pagsusulat. Nang makilala ang kanyang pangalan ay maraming humanga at umidolo sa kanyang angking talento.

“Binabati kita, anak! Ipinagmamalaki kita!” sabi ni Aling Sion.

“Congrats, kuya! Ang galing mo talaga! Gagradweyt na din ako sa susunod na buwan at tulad mo may honor din ako!” sabi naman ni Rochelle.

“Talaga? Manang-mana ka talaga kay kuya!”

“Nga pala, anak mayroong gustong kumausap sa iyo.”

“Sino po?”

“Anak?”

“I-itay?”

Hindi siya makapaniwala na muli siyang kakausapin ng kanyang ama matapos ang ilang taon nitong hindi pagpansin sa kanya.

“Nabalitaan ko ang nangyari sa iyo. Napakahusay mo, anak! Ngayon ko naunawaan na dapat pala ay hindi na ako kumontra sa gusto mong gawin, hindi ko inakala na magtatagumpay ka sa napili mong propesyon. Tama pala ang naging desisyon mong ipaglaban ang dinidikta ng puso mo. Pinagsisisihan ko na hindi kita sinuportahan. Ipinagmamalaki kita, anak! Patawarin mo ako!” wika ni Mang Gino na di na napigilang maluha sa sobrang tuwa sa naabot na tagumpay ng anak.

Hindi na rin napigilan ni Michael na mapaiyak sa pagtanggap sa kanya ng ama.

“Para po sa inyo ang lahat ng ito. Ang tagumpay ko ay tagumpay niyo rin!”

Hindi nagkamali si Michael sa tinahak niyang daan. Ipinakita niya na hindi lang nasusukat sa pagiging titulado ang pagtatagumpay at pag-asenso, ang sariling talento at kakayahan na pinagtibay ng puso at determinasyon ang siyang susi sa isang magandang hinaharap.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement