Inday TrendingInday Trending
Hindi Matanggap ng Ginang ang Anak sa Labas ng Mister; Hindi Niya Akalaing Dadating ang Panahon na Hihingi Siya ng Napakalaking Pabor Dito

Hindi Matanggap ng Ginang ang Anak sa Labas ng Mister; Hindi Niya Akalaing Dadating ang Panahon na Hihingi Siya ng Napakalaking Pabor Dito

Nang magtrabaho ang amang si Ricardo sa Visayas, hindi inaasahang may maka-relasyon doon ang mister ni Carmen. At agad namang nagbunga ng isang sanggol na lalaki ang maikling pagsasama ni Ricardo at ng babae. Inilihim ni Ricardo ang pagkakaroon niya ng anak sa labas para sa kapakanan ng tatlo niyang anak. Ngunit inamin naman ito ni Ricardo sa kanyang asawang si Carmen.

Ilang taon ang lumipas at 20 taong gulang na si Enzo, ang naging anak sa labas ni Ricardo. Sa kasamaang palad ay namatay ang kanyang ina sa sakit sa puso. Kaya nakapag desisyon ang binata na puntahan ang ama sa Maynila upang magbalita.

Nang makarating si Enzo sa tapat ng bahay ng kanyang ama, agad itong kumatok sa pintuan. “Papa! Papa! Papa!”

Nagulat naman ang binata nang biglang lumabas sa pintuan si Carmen, galit na galit.

“O, ano?! Buhay ka pa pala? Anong ginagawa mo dito? Nahihibang ka na ba?! Natutulog ang anak ko sa loob, at kasama pa ang mga apo ko. Mag-eeskandalo ka ba dito?”, gigil na gigil na bulong ni Carmen kay Enzo.

Kinilabutan naman bigla ang binata. Naalala niyang bigla ang lahat ng pang-aapi at masasamang ginawa sa kanya at sa kaniyang ina ni Carmen noong siya ay bata pa.

“Namatay na ho kasi ang aking ina. Gusto ko lang ho sanang sabihin kay Papa para naman alam niya.”, sagot ng binata. Di alintana sa boses at itsura niya ang galit sa babae.

“Talaga? ABA! Buti naman! O, e ano pang ibabalita mo? At isa pa, bakit hindi ka pa sumunod sa ina mo?! Hahaha!”, nakatawang tugon ni Carmen.

“Talagang wala hong kupas ang kabastusan ng bibig ninyo, ano? Ilang taon na ho ang lumipas pero wala pa rin ho kayong pagbabago.”, matapang na sagot ni Enzo.

“Aba’y sira ulo ka ah! Lumayas ka dito! Ang kapal ng pagmumukha mo!”, umalis na lamang si Enzo at nagtungo muna sa bahay ng isang kaibigang taga-Maynila.

“Pare, ewan ko ba. Hindi ko maintindihan yung tindi ng galit ni Carmen sa akin. Oo, alam ko nagkamali ang nanay ko. Pero pinagbayaran na naming mag-ina iyon.”, kuwento ni Enzo sa kaibigang si Jason.

“Masakit daw kasi talaga yung maloko, Pre. Pero oo nga, iyong nanay ko tinanggap na lang yung anak ng tatay ko sa labas. Kasi hindi naman dapat dinadamay yung mga anak. Hindi niyo naman kasalanan ang kasalanan ng mga magulang ninyo.”, sagot ni Jason na dinadamayan ang kaibigan.

“Hay nako, ewan ko ba.”, napa-buntong hininga na lamang si Enzo.

Isang araw, nakatanggap si Enzo ng tawag sa numerong hindi kilala. Nagulat ito nang sagutin niya ang tawag. Nagsisisigaw ang isang babae sa kabilang telepono.

“Enzo! Nasaan ka?! Si Carmen ito! Pumunta ka dito sa bahay ngayon din!”, pautos na sabi ni Carmen.

“Bakit ho? Nasa trabaho ho ako. Ano ho bang nangyari?”, sagot ni Enzo.

“Sinabi ko ngang pumunta ka dito e! Ngayong pinapapunta ka, ayaw mong pumunta! Talagang manang mana ka sa ina mo pagdating sa katangahan!”, gigil na gigil si Carmen, ngunit dinig ni Enzo sa boses nito ang matinding takot.

“Makipag-usap ho sana kayo ng maayos, at huwag ninyong bastusin ang nanay ko. Sige ho, pupunta ako diyan mamaya.”, mahinahong sagot ng pasensiyosong si Enzo. Baka kung ibang binata iyon e nasagot na ang matanda dahil sa kabalbalan nito.

At pumunta nga si Enzo sa bahay nila Carmen. Pagkapasok, nakita niya ang kanyang ama at si Carmen na nakaupo sa sala.

“Maupo ka, hijo”, sabi ng kanyang amang si Ricardo.

“Didiretsuhin na kita ha?! Ang anak ko, may sakit at nangangailangan ng kidney donor. Kaya kung gusto mo mabawasan yang pagkakasala mo sa amin, e mahiya ka naman at i-donate mo na ang isa sa kidney mo!”, matapang pa ring sabi ni Carmen, kahit na nanghihingi na lamang ng pabor.

“Carmen! Ano ba namang tono ‘yan?”, pakikisabat ni Ricardo.

“Nanghihingi ho kayo ng tulong, pero kung umasta kayo e akala ninyo kung sino kayo. Aalis na ho ako. Maghanap na lang kayo ng ibang tutulong sa inyo.”, tumayo si Enzo at papalabas na ng pinto nang biglang may humatak sa damit niya.

Nang lumingon siya’y nagulat siya sa kanyang nakita. Si Carmen na palagi siyang inaapi simula pagkabata, na palagi siyang binabastos at dinadamay na tila siya ang gumawa ng kasalanan sa kanya, ay nakaluhod sa kanyang harap. Umiiyak ang matanda.

“Enzo! Patawarin mo ako. Utang na loob, tulungan mo ang kapatid mo.”, ang dating mapagmataas na tono ni Carmen ay napalitan ng kaawa-awang aura.

Ngayon lamang narinig ni Enzo na tawagin siyang “kapatid” ng anak ni Carmen. Tumingin siya sa kanyang ama, at bumalik ng tingin kay Carmen. Naalala niya ang lahat ng masasakit na alaalang sinapit niya kay Carmen. Napaisip siya ng malalim kung ano ang dapat gawin, nang biglang maalala ang bilin ng ina bago ito mawala.

“Anak, kahit na anong sama ng tao sa iyo, kabutihan lamang ang dapat na igaganti mo. Ipangako mo sa akin na ganoon ang gagawin mo.”

Kaya’t napagdesisyunan ni Enzo na tulungan ang kapatid.

Natutunan ni Carmen na hindi niya dapat idinamay ang bata sa kanyang matinding galit.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement