Sa Takot na Magalit ang Matalik na Kaibigan ay Hindi Inamin ng Babae na ang Kaniyang Kasintahan ay ang Dati Nitong Nobyo; Ibang Bagay pa Pala ang Ikakagalit Nito
Mula pagkabata ay matalik nang magkaibigan si KC at Venus, sabay silang nagdalaga, magkaklase din sila noong hayskul at sabay na nagtapos sa kolehiyo.
“Bes! May ka date ako mamaya. Sana naman ito na ang magiging nobyo ko.” Minsang wika ni KC.
“Talaga? Sino naman ‘yan?” Tanong ni Venus.
“Mamaya ko pa lang makikilala eh, ipapakilala ng kaopisina ko.”
“Sige magingat ka ha, kapag okay yan ay ipakilala mo sa akin.”
Dumating na ang oras ng date ni KC, hinihintay niya sa isang coffee shop ang kaopisina kasama ang ireretong lalake. Dumating na ang mga ito at tunay namang napaka guwapo ng inireto sa kaniya. Pamilyar rin ito ngunit hindi niya maalala kung saan ito nakilala.
“Hi KC, ito nga pala si Jacob, yung ipapakilala ko sa’yo.”
“Hi, ako si KC. Nagkakilala na ba tayo dati? Pamilyar ka kasi.” Tanong niya sa lalake.
“Ah eh, hindi ko matandaan eh.”
Matapos maipakilala ang dalawa ay umalis na ang kaopisina ni KC. Naging masaya ang kanilang pag-uusap at marami silang bagay na pinagkakapareho.
“Sa’n ka pala nakatira?” tanong nito sa kaniya
“Malapit lang ako dito, pwede ko ngang lakarin.”
“Mabuti, ihahatid na kita sa inyo, maggagabi na rin kasi. Sana ay magkita pa tayo ulit, KC.” Wika nito.
Inihatid siya nito sa kaniyang bahay at nagpaalam. Kilig na kilig si KC sa kaniyang naka-date. Sigurado siyang gusto niya ito at gusto pa niyang kilalaning mabuti ang lalake. Madalas niya ring ikuwento ang lalake kay Venus at kinukulit siya nitong ipakilala na ang nakaka-date.
Naging madalas ang kanilang paglabas at sa isang pagkakataon ay may inamin ito sa kaniya.
“KC, sa tingin ko ay kailangan mo kasi ‘tong malaman, hindi mo ba talaga ako naalala? Dati akong nobyo ni Venus.” Wika ni Jacob.
“Sinasabi ko na nga ba napaka pamilyar ng mukha mo, pero ‘di ba Terrence ang pangalan mo? Bakit hindi mo agad sinabi sa akin? Pinagloloko mo lang ako.” Galit na sagot niya.
“Oo Terrence Jacob kasi ang pangalan ko, KC, gusto kasi talaga kita, at yung nakaraan namin ni Venus eh tapos na yun, wag naman sanang magbago ang tingin mo sa ‘kin.” Paliwanag nito.
Dahil lubos na niyang nagustuhan ang lalake ay pinatawad ito ni KC. Patuloy pa rin silang lumalabas hanggang sa sinagot niya na ito. Nangangamba lamang siya na malaman ito ng kaibigan dahil sobrang kinasusuklaman ni Venus si Jacob.
“Kailan mo ba sa ‘kin ipapakilala ang Jacob na ‘yan? Ang tagal tagal niyo nang nagkikita pero hanggang ngayon ay di ko pa rin siya kilala.” Wika ni Venus.
“Eh wag na muna, sa susunod na ha. Pangako.”
Minsang namamasyal si KC at Jacob ay di inaasahang nakasalubong nila si Venus.
“KC? Terrence?!” Gulat na sambit nito.
“Bes, magpapaliwanag ako.” Hindi pa man nakakapagsalita si KC ay sinampal na siya ng kaibigan.
“Kaya ba ayaw mong ipakilala sa ‘kin? Dahil ang dati kong nobyo ang bago mong boyfriend?”
“Venus, ‘wag dito, mag-usap tayo ng maayos.” Sagot ni Jacob.
Umalis si Venus ng walang imik. Pakiramdam niya ay tinraydor siya ng matalik na kaibigan. Ang totoo ay hindi naman siya galit na si Terrence ang nobyo nito, ikinagalit niya na inilihim pa ito ni KC gayong ilang ulit niya itong kinulit na ipakilala ito sa kaniya. Matagal naman na niyang kinalimutan ang naging nakaraan nila ng dating nobyo.
Kinagabihan ay pinuntahan siya ni KC.
“Venus patawarin mo na ako, Natakot kasi akong magalit ka pag nalaman mong si Terrence ang nobyo ko.” Pagmamakaawa nito.
“Kc, magkaibigan tayo, at ang magkaibigan ay hindi nagtatago ng lihim sa isa’t -isa.” Sagot niya.
“Makikipaghiwalay ako sa kaniya mapatawad mo lang ako.”
“Hindi mo naman kailangang gawin ‘yan, ang sa akin lang sana ay naging tapat ka sa akin, maiintindihan ko naman eh, tsaka matagal na kaming tapos noon.”
Masayang masaya si KC sa pagpapatawad ng kaibigan. Naisip niya na masyado siyang nagpadala sa takot kaya niya nagawang maglihim at magsinungaling sa kaibigan.
Nagkapatawaran na rin si Jacob at Venus bago nila ipinagpatuloy ni KC ang kanilang relasyon. Naging magkakaibigan silang tatlo hanggang sa nadagdagan ang kanilang grupo ng naging nobyo ni Venus.
Minsan ay kailangan lang natin maging tapat upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!