Inday TrendingInday Trending
Kinamumuhian ng Doktor na Ito ang Kaniyang Ina at Labis Pang Uminit ang Ulo Niya nang Nagpadala Ito ng mga Pasyenteng Gagamutin Raw Niya ng Libre, Ano Kaya ang Gagawin ng Babae?

Kinamumuhian ng Doktor na Ito ang Kaniyang Ina at Labis Pang Uminit ang Ulo Niya nang Nagpadala Ito ng mga Pasyenteng Gagamutin Raw Niya ng Libre, Ano Kaya ang Gagawin ng Babae?

Lumaki si Annabel na masama ang loob sa kaniyang ina dahil sa trabaho ng ale. Pinalaki kasi siya nito sa pamamagitan ng pagbebenta ng aliw. Kaya napilitan siyang lumuwas sa Maynila at manirahan sa kaniyang tiyahing si Aling Teresa na kapatid ng kaniyang ina.

“Teresa, kumusta ba ang anak ko riyan? Balita ko nakapagtapos na raw siya at magsisimula na siya sa ospital na malapit din diyan! Pwede kaya akong pumunta para mabisita ko na rin siya?” saad ni Aling Margarita, ang nanay ni Annabel.

“Ate, lagi naman kayong welcome dito sa bahay saka isa pa wala namang problema sa akin kung pupunta ka dito ang tanungin mo e yung anak mo. Hindi ko malaman kung bakit hangang ngayon ay hindi ka mapatawad nun,” baling naman sa kanyang kapatid habang kausap ito sa telepono at naghahanda ng mailuluto.

“Hayaan mo na siya, may isip naman na yun. Siya lang ang tatanda kakagalit sa akin, basta pupunta ako riyan sa susunod na linggo para sorpresahin siya!” magiliw na sagot ng ale sa kapatid sabay baba ng telepono.

Sa Maynila nag-aral si Annabel at nakapagtapos pa nga ito bilang doktor. Bukod sa suporta na pinapadala sa kaniya ni Aling Margarita ay pinag-aral siya si Misis Gonzales, isa rin itong doktor. Ito ang kaniyang naging inspirasyon at tinuring na ina habang nasa Maynila, wala itong anak at kung hindi dahil sa paniniwala sa kaniya ni Misis Gonzales ay baka napariwa rin siya at natulad na lang sa kaniyang tunay na ina.

“Surprise! Nandito si mama!” sigaw ni Aling Margarita sabay pakita ng cake na may nakalagay na CONGRATULATIONS.

“Oh bat andito kayo?” matabang na sagot ni Annabel sa ina na naka-upo noon sa kaniyang opisina.

“Hindi ka man lang ba muna magmamano o hahalik sa akin, anak? Ang layo ng binyahe ko para lang mabisita kita!” nakangiting wika ng ale.

“Wala naman ho kasi akong sinabi na pumunta kayo rito,” sagot naman ng dalaga tsaka ito naghubad ng kaniyang uniporme.

“Syempre proud ako sa anak ko. Sinong makakapagsabing ang p*kpok sa lugar natin ay may isa nang doktor na anak ngayon? May pinahinatnan ang lahat ng pagbuka ko sa mga lalaking ‘di ko kilala!” baling kaagad ni Aling Margarita.

“Pwede ba, itigil niyo na nga yung kapraningan niyo. Hindi ho kayo ang nagpaaral sa akin. Kung nakapagbigay man kayo malamang kulang pa yun para maging doktor ako kaya wala kayong karapatang ipagmalaki ako sa ibang tao. Niluwal niyo ako dito sa mundo at tanging yun lang ang relasyon natin sa isat-isa,” pahayag ng dalaga.

Napatigil sa paglalakad ang ale sa opisina ng kanyang anak at hinawakan ang mga picture frames kung saan kuha ito ni Annabel at ni Misis Gonzales.

“Dahil ba wala akong pera kaya hindi na ako pwedeng maging ina?” malungkot na wika ni Aling Margarita.

“Mabuti pa itong babaeng ito oh, nakakangiti kang kasama siya. Sana anak may picture din akong ganito sa bahay natin para kahit wala ka doon ay parang araw-araw na ring kitang kasama,” dagdag pa nito. Sasagot pa sana si Annabel ngunit mabilis na nakalabas ang ale sa kaniyang silid at hinayaan na lamang niya iyon.

Kinaumagahan ay wala na ang ina, lumuwas na raw ito noong lubog pa ang araw. Hindi na rin nagtanong pa ang kaniyang tiyahin dahil away lang ang kakahinatnan ng kanilang pag-uusap.

“Ikaw ba si Doktor Annabel? Pinadala kami ng nanay mo dito dahil sabi niya magaling ka raw na doktor at libre ang magpakonsulta sa’yo basta sabihin lang naming sinabi ng nanay mo,” saad ng dalawang matandang galing pa sa probinsya nila.

Hindi nagsalita si Annabel at walang nagawa kundi gamutin ng libre ang mga iyon kahit pa nga kakaumpisa lamang niya sa ospital na pinapasukan.

Nasundan pa ang pangyayaring iyon at habang tumatagal ay dumadami ang pumupunta sa kaniya na galing sa kaniyang ina.

“Tita, pwede ho bang pakisabihan yung kapatid niyong tigilan ang pagpapapunta ng mga pasyente sa ospital dahil nauubos ang oras ko gagamot ng libre!” galit na wika ng dalaga sa kanyang tiya.

“Ikaw ang magsabi sa kaniyang nyan Annabel, alam mo naman yang nanay mo e, magkasingtigas lang kayo ng ulo!” mapaklang sagot naman ng ale.

Ngunit dahil ayaw makipag-usap ni Annabel sa kaniyang ina ay hinayaan na lamang niya ito. Pero tumagal ang halos limang buwan at hindi na makayanan ng dalaga ang mga pasyenteng taga sa kanila na dumadayo sa kaniya ay umuwi siya sa kanilang probinsya. Balak niyang ipahiya ang ina para makita sa kanilang lugar at mahiya ang mga tao doon at tumigil nang magpagamot sa kaniya.

Agad siyang dumiretso sa bar na pagmamay-ari ni Aling Margarita, hangang ngayon kasi ay hindi parin binibitawan ng ale ang kaniyang maruming trabaho. Naabutan niyan bukas ang kanilang bahay kaya agad siyang pumasok. Hinanap niya ang ina at naabutan ito sa banyo, sumusuka ng dugo.

“Kailan pa ito? Bakit hindi niyo man lang sinabi sa akin na may sakit kayo?” galit na sigaw ni Annabel sa ina sabay kuha ng tuwalya at pinunasan niya ang ale. Ngumiti lamang si Aling Margarita at hinawakan sa bisig ang kaniyang anak.

“Nandito ang Annabel ko,” saad nito sabay patak ng kaniyang luha.

“Saka na ho ang drama, dadalhin ko kayo sa ospital kaya tulungan niyo ho akong dalhin kayo doon,” wika naman ng dalaga.

“Anak, hindi na. Hindi na ako magtatagal pa, nararamdaman ko ng malapit na akong sumama kay satanas kasi wala namang p*kpok sa langit ‘di ba. Pero sana bago ako mawala ay mapatawad mo ako sa lahat ng kahihiyang idinulot ko sa’yo at sana kahit sa huling sandali ay ituring mo akong nanay mo,” lumuluhang sagot ng ale. Napaupo na rin sa banyo ang dalaga at umiyak ito habang tinitingnan ang ale.

“Kung ang trabaho ko ang nagpatigas dyan sa puso mo at nagpatabang ng pagsasama natin, patawarin mo ako anak. Pero sana maintindihan mong wala akong alam na ibang trabaho para mabuhay ka noon, wala akong tinapos anak, pangalan ko lang ang tanging alam kong isulat. Takot ako sa mundo at tanging pagsasayaw sa dilim ang naging pag-asa ko huwag lang kumalam ang sikmura mo,” pahayag ni Aling Margarita.

“Hindi man natin alam parehas kung sino ang tatay mo pero hindi naman kita ipinagtabuyan anak. Mahal na mahal kita at ikaw lang ang tanging pag-asa ko sa tuwing babangon ako sa umaga at iisiping iluluwa na naman ako ng mundong ito. Patawarin mo rin ako kung panay ang padala ko sa mga kanayon natin dito sa ospital mo, sobrang masaya lang ako anak na may narating ka hindi gaya ko,” at tuloy-tuloy ang luha ng ale sabay suka nanaman ng dugo.

“Alam kong mas mahal mo ang Misis Gonzales na iyon. Pero sana anak, ambunan mo ako kahit kunting pagmamahal lang, kahit ngayon lang,” wikang muli ng ale sabay alok ng yakap sa dalaga. Sa unang pagkakataon ay niyakap ni Annabel ang ale saka umiyak ito nang umiyak sa kaniyang bisig. Doon niya naramdaman na iba ang init ng kanilang yakap kumpara sa yakap niya kay Misis Gonzales, ito na nga siguro ang tinatawag na lukso ng dugo.

Hindi na sumagot pa si Annabel, binuhat niya ang kaniyang ina at mabilis na naisugod sa ospital. Siya mismo ang gumamot sa ale, nagkaroon ito ng sakit sa bituka ngunit naagapan pa naman at ngayon ay nadugtungan pa nga lalo ang buhay nito.

Napatawad na niya ang ina at humingi rin ito ng kapatawaran sa kaniyang mga inasal dahil labis siyang nabulagan sa mga kahihiyang inuna niyang isipin kesa sa sakripisyo ng ale. Ngayon, masayang nagsasama ang dalawa at ipinagmamalaki ang isat-isa.

Advertisement