Inday TrendingInday Trending
Para Kay Nanay ang Lason, Ako ang Nakainom

Para Kay Nanay ang Lason, Ako ang Nakainom

Nagse-senyasan pa ang mag-asawang Billy at Aring habang kausap ng huli ang kapatid na nasa Australia.

“Ano ka ba naman Annalyn, huwag mo nang dalhin ang nanay dyan dahil mahihirapan na siyang mag-byahe. Pagbaba nga lang sa hagdan natin binubuhat pa namin ng kuya Billy mo, paano pa ito kapag isinakay mo sa eroplano?” sabi ng babae.

“Kasi naman ate gusto ko rin siyang makita at maalagaan na sana. Hindi naman ako makauwi pa dyan, narito ang trabaho ko. Kung dyan ako maga-apply ay maliit ang kita, hindi sapat sa ating lahat.” sagot ni Annalyn sa kabilang linya.

Tama nga naman, hindi talaga ito pwedeng umuwi dahil mapuputol ang karangyaan nilang mag-asawa. Ito na halos ang bumuhay sa kanila, basta ang kapalit ay aalagaan nila ang matanda.

Libre na ang kanilang bahay, pagkain, tubig at kuryente. Wala nang poproblemahin pa ang batugan niyang mister, nasusunod pa ang luho nila.

“Tiis tiis na muna kapatid. Dumalaw ka nalang rito kapag may vacation leave ka, ganoon talaga ang buhay. Ingat ka ha? Wag mo palang kalimutan iyong 7000 ha? Pang-maintenance na gamot iyon ng nanay,” pahabol niya pa. Ang totoo ay magma-mall lang sila ng mister at manonood ng sine.

Kadalasan ay di naman talaga niya napapainom na ng gamot ang ina, minsan kapag sinapian siya ng kabaitan ay ibinibili niya ito pero syempre generic lang.

“Ano raw ang sabi?” nagkakamot pa ng tyan na sabi ni Billy nang matapos ang tawag.

“Gustong dalhin roon ang nanay! Paano na tayo aber? Sabi ko tuloy kapag pinayagan siya sa opisinang magbakasyon edi doon nalang siya dumalaw,”

“Oo nga,” sabi lang ng lalaki.

Napairap naman si Aring, bwisit talagang kausap itong asawa niya. Kung hindi niya lang mahal ito ay matagal niya nang pinalitan, aba’y ubod ng hina ng ulo! Hindi makausap ng may sense kasi puro ‘oo’ lang.

“Oo ka dyan? Hoy Billy, kapag magbakasyon dito si Annalyn hindi pwedeng makikita ka nyang walang trabaho. Mamaya mo maghinala sa atin iyon,”

“Oo maga-apply ako,” sagot lang muli nito. Maga-apply, pero di naman makapasa sa mga interview kasi bobo nga. Nang hindi siya kumibo ay muling nagsalita ang lalaki.

“Alam mo Ma, minsan naiisip ko. Sapat na naman ang ipon natin diba? Bakit ba nagpapakahirap pa tayong alagaan ang nanay mo?”

“Shunga ka pala eh, kapag hindi tayo nagtiis rito saan tayo titira?” taas ang kilay na sabi niya.

“Bakit naman kailangang umalis tayo dito? Isipin mo, ang kapatid mo sigurado ako sa Australia na iyan titira. Ang nanay mo naman, kapag nawala na..kanino pa ba iiwan ang bahay?” may nakakalokong ngiti ito sa mga labi.

Sa lahat ng katangahan sinabi ng asawa niya, ngayon lang siya natuwa.

“Pa, may utak ka rin pala ano?” naisagot niya.

Pinlano ng mag-asawa na lasunin ang matanda, palalabasin nilang inatake ito sa puso. Magiging kanila na ang bahay at ang perang nakulimbat nila sa kapatid ni Aring ay gagamitin nilang pangsimula ng negosyo, ang galing!

“Bobola-bolahin ko ang nanay, habang inaakay ko siya ibudbod mo ito sa kape. Akin ang kanan, kanya ang kaliwa ha. Pag umepekto na ang lason ay tutumba ang nanay, maghintay muna tayo ng limang minuto para siguradong tigok na.

Tapos buhatin mo sa labas at humingi ka ng tulong sa kunwari sa kapitbahay. Ako naman itatapon ko ang natirang kape sa lababo para walang ebidensya okay? So hindi tayo paghihinalaan kasi kunwari nagkakape lang kami at nagkukwentuhang mag-ina. Galingan mo ang acting Billy ha,” pagpapaliwanag ni Aring sa kanyang asawa. Iniabot niya pa rito ang nabiling lason.

Sunud-sunod naman na tumango ang lalaki.

Sinimulan na nilang isagawa ang balak, nagkindatan pa ang mag-asawa nang maakay na ni Aring pababa sa hagdan ang matanda.

“Nay ayan, pinagtimpla tayo ni Billy ng kape,” sabi ni Aring.

“Nak katanghaliang tapat naman yata?” nagtatakang tanong ng ginang.

“Para kasing masarap magkape, di naman kainitan po. Tsaka na-miss ko ring kakwentuhan ka,” sinundan niya pa iyon ng ngiting pagkatamis-tamis.

Napangiti naman ang matanda. Bagamat medyo nagtataka dahil palaging magaspang ang pakita sa kanya ng anak. Tila nag-iba ang ihip ng hangin. Umupo na sila sa mesa at nagkwentuhan. Si Aring ang naunang humigop ng kape.

Sumunod naman ang matanda.

“Masarap magtimpla ng kape si Billy, maligamgam lang kaya masarap lagukin.” pang uuto pa ng babae. Ang laki ng ngisi niya habang minamasdan ang ina na inumin ang kapeng kikitil sa buhay nito.

“Oo nga ano, manamis-namis.” sagot naman ng matanda.

Magsasalita pa sana si Aring pero bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo.

“B-Billy?” tawag niya sa mister.

Unti-unting nagdilim ang kanyang paningin, kasabay ng pagbula ng bibig niya. Ang huli niyang nakita ay ang nagtataka niyang ina at natatarantang si Billy.

Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital si Aring. Dahil mahina ang utak ay hindi sinasadyang nakalimutan ng lalaki kung saang side ba talaga dapat ilagay ang lason. Imbes na sa kape ng matanda ay sa kape niya iyon nailagay.

Samantalang sa sobrang takot ay umamin si Billy sa kanilang plano, ngayon ay nakakulong na ang lalaki.

Wasak ang puso ng matanda lalo nang malamang binalak ng sariling anak na masawi siya. Kinuha siya ni Annalyn at doon na sila nanirahan sa Australia.

Laging tandaan na kailanman,hindi pinapabayaan ng Diyos na manaig ang kasamaan. Ingat ingat sa paggawa ng masama sa kapwa, tumatalbog ang karma.

Advertisement