Limang taon na ang nakakalipas magmula nang magpakasal ang mag-asawang sina Abel at Tina. Limang taon na rin silang nakikitira sa mga magulang ng lalaki dahil hindi pa sila nakakabili ng sarili nilang tahanan. Gayunpaman, limang taon na rin silang nag-iipon ng pambili ng kanilang sariling tahanan.
“Mahal, excited na ako! Sa wakas ay sapat na ang ipon natin upang makabili ng sariling bahay,” wika ni Tina sa kanyang mister.
“Ako rin kaya! Maaari na tayong magkaroon ng sarili nating anak,” nakangiting sagot ni Abel.
Kahit hindi pa sila handa, napilitang magpakasal ang dalawa limang taon ang nakakalipas dahil sa kagustuhan ng magulang ni Tina. Nagkasakit kasi ang kanyang ina noon at tinaningan ng doktor ng anim na buwan. Ang huling hiling nito ay maihatid at makita ang kanyang unica hija na ikasal sa harapan ng altar. Kaya naman kahit wala pa silang ipon noon, pinilit nilang mairaos ang munting kasal at selebrasyon upang mapabigyan ang ina ni Tina.
Isang sabado, nagpunta ang mag-asawa sa isang ahente ng bahay at lupa. Nakilala nila ang lalaking ito sa Facebook na nag-aalok ng mga bahay at lupa. Dahil sa maganda at murang offer ng lalaki, agad nilang sinunggaban ito para sila ay magkaroon na ng sariling tahanan.
“Mam, sir, heto na ‘yong unit na mapapa sa inyo. Kailangan na lamang ay ang huling parte ng payment ninyo, at maaari na kayong makalipat,” nakangiting sabi ni Manuel, ang real estate agent.
“Talaga? Oo, sige. Napakaganda naman dito! Parehong-pareho ng nasa pictures. Next week ay makukuha na ni Abel ‘yong bonus niya. Ibabayad namin iyon ng buo para makumpleto na namin ang P3,000,000.00 na kabayaran para sa napakagandang bahay na ito!” sagot ni Tina.
Isang linggo ang lumipas, at tulad ng napagkasunduan, nang makuha ni Abel ang kanyang 13th month bonus ay agad niyang idiniretso ang natitirang balanse na P40,000.00 sa account ni Manuel. Dala ng labis na pagkasabik ni Tina ay agad nilang pinuntahan ang bahay na sa wakas ay mapapasakanila na.
“Ano hong ginagawa niyo rito?” tanong ng isang babae na nakatayo sa harapan ng kanilang bagong tahanan.
“Ho? Ay, hindi pa kasi namin matawagan si Manuel. Siya ang real estate agent na nagbenta ng bahay at lupang ito sa amin,” nakangiting sagot ni Tina.
“Manuel? Ibinenta? Itong bahay ko? Ano kamo?” sunod-sunod na tanong ng nagugulumihananang ginang.
Para bang malamig na hangin ang dumaan at dumampi sa balat ng mag-asawa. Hindi nila maintindihan ang nangyayari.
“Sa akin ang bahay na ito. Hindi ko ito ipinagbibili. Galing kasi akong Japan kasama ang pamilya ko, at binili namin itong bahay para sa pag-uwi namin ay may titirhan kami. Nako, hija at hijo, baka na-scam kayo,” paliwanag ng babae.
“Hindi maaari! May mga papeles ho kami oh! Tingnan niyo!” nagpa-panic na sagot ni Abel at Tina.
Ngunit nang kilatisin nilang tatlo ang mga papeles, doon lamang nila napansin na peke lang pala ang mga iyon. Hindi sila makapaniwalang niloko sila ng lalaking labis nilang pinagkatiwalaan. Wala nang nagawa ang dalawa kundi umalis doon at sinubukang tawagan at hanapin si Manuel. Ngunit kahit ano pang hanap nila ay hindi na ito mahagilap.
“Ta- tatlong milyon, Tina? TATLO! At LIMANG TAON! Limang taon tayong nagtipid at naghirap upang mapag-ipunan ang bahay na iyon! TAPOS MAWAWALA LANG NA PARANG BULA?!” umiiyak na sabi ni Abel sa kanyang misis.
“Magsisimula tayong muli, mahal. Basta’t magkasama tayo, walang imposible. Alam kong mahirap, pero pwede,” umiiyak ding sagot ni Tina.
Halos hindi na makatulog ang dalawa noong gabing iyon. Inabot na sila ng alas singko ng umaga nang nakatulala lamang sa kisame ng kanilang kwarto at hindi nag-uusap. Nababalot ang katahimikan ng kanilang silid, nang bigla na lamang nabasag ang katahimikan ng pag-ring ng cellphone ni Abel.
“Hello?”
“Ito ba ang mag-asawang pumunta sa bahay kanina? Ako ito, iyong babaeng may-ari,” sagot ng babae.
“Bakit ho kayo napatawag?”
Gulat na gulat ang mag-asawa sa balitang kanilang narinig. Pamangkin pala ng babae ang nagpakilalang “Manuel” na isa diumanong “real estate agent”. Ang tunay daw na pangalan nito ay Lito, at dala ng pagkabaon sa utang ay ginamit nito ang bahay at lupa ng kaniyang tiyahin upang manloko ng ibang tao.
“Kung maaari ho lamang ay pumunta kayo dito. Nais naming manghingi ng tawad sa perwisyong naidulot ng aking pamangkin,” dugtong pa ng babae.
Pagdating na pagdating nila roon, sumalubong sa kanila ang babaeng hiyang-hiya sa ginawa ng sarili niyang pamangkin.
“Patawarin niyo ho ang pamangkin ko. Wala kaming kaalam-alam sa mga ginagawa niyang kalokohan dito sa Pilipinas. Kaya sana tanggapin ninyo itong apat na milyong piso bilang paghingi ho namin ng tawad sa nagawang katarant*duhan at kaperwisyuhan ni Lito,” aniya.
Tinanggap naman ng mag-asawa ang pera. Napag-alaman nilang mayaman pala ang pamilya ng lalaking nanloko sa kanila, at nagrerebelde lamang ito sa kanyang mga magulang upang makakapagpapansin sa mga ito.
Gamit ang perang nakuha, nakabili ng mas maganda at mas malaking bahay ang dalawa. Nakapagtira pa sila at ginamit iyon sa pagbili ng mga bagong kagamitan at kasangkapan sa bago nilang bahay.
Natutunan ng mag-asawa na huwag na huwag magtitiwala sa mga taong sa Facebook o sa social media mo lamang nakilala.