Inday TrendingInday Trending
Wala na ngang Baon sa Eskuwela at Inaalipusta pa ang Batang Babae, Isang Magandang Pangyayari pala ang Naghihintay sa Kanya

Wala na ngang Baon sa Eskuwela at Inaalipusta pa ang Batang Babae, Isang Magandang Pangyayari pala ang Naghihintay sa Kanya

“Huwag po kayong mag-alala, inay. Kapag nakatapos ako ay ipagtatayo ko kayo ng malaking bahay!’ pangako ni Angel sa ina.

Nang biglang may kumatok ng malakas sa kanilang pintuan. Agad iyong binuksan ng bata.

Bumungad sa kanila ang bungangera nilang kapitbahay na si Aling Ising. Nakapamewang at busangot ang mukha nito.

“Hoy, Adela! Kailan ba kayo magbabayad ng upa ninyo? Ang haba na ng listahan mo sa akin ‘no!” sigaw ng matabang babae.

Tumayo sa pagkakahiga si Adela at kinausap ang kapitbahay.

“Ising, pasensya na pero wala pa akong maibabayad sa iyo. Hindi pa kasi ako nakakapagtrabaho mula nang magkasakit ako. Si Damian lang ang kumakayod kaya medyo gipit kami ngayon. Pangako, mababayaran din kita kapag nakaluwag-luwag na kami,”

Sumimangot ang babae at nagdabog sa harapan ng mag-ina.

“Anak ng tupa naman, Adela. Noong isang taon mo pa sinasabi iyan, e! Puro ka na lang pangako, parati namang napapako! Kapag hindi pa kayo nakapagbayad sa katapusan ng linggo ay magbalot-balot na kayo at umalis na kayo dito sa paupahan ko!” banta ng babae.

Dahil sa narinig ay napaluha na lamang si Angel. Wala siyang magawa habang hinahamak silang mag-ina.

“Ipinapangako ko, makakapagtapos ako sa pag-aaral at iaalis ko kayo dito, nay!”

Kinaumagahan ay maaga siyang nagising para pumasok sa eskwela. Dahil nagtitipid sila ay wala siyang baon sa araw na iyon. Nilakad din niya ang pagkahaba-habang kalye papasok sa eskuwelahan. Kaya minsan ay tinutukso siya ng mga kaklase niya.

“Wala ka na namang baon ‘no? Di bale, uminom ka na lang ng tubig at tiyak na mabubusog ka, haha!” pang-asar ng isa niyang lalaking kaklase.

“Tara kainin na natin ang mga dala nating baon, siguradong masasarap ‘to,” pang-iinggit pa ng babae niyang kaklase.

Imbes na patulan ay binalewala na lamang ni Angel ang panunukso sa kanya.

Maya-maya ay may nagmagandang loob na nagbigay sa kanya ng pagkain.

“O, Angel kainin mo na iyan at baka malipasan ka ng gutom,” wika ng kanyang guro habang iniaabot nito sa kanya ang dalawang pirasong sandwich.

“Thank you po, ma’am,” masaya niyang sagot.

Kahit may mga taong natutuwa pa sa kalagayan niya ay may mga tao ring handang tumulong at umunawa.

Bukod sa wala siyang baon ay kadalasang hindi rin siya nakakapagpasa ng mga project sa eskwela dahil wala siyang panggastos para dito. Aminado siya na minsan ay sa mga project siya bumababa.

Hangga’t kayang tiisin ang mga problemang pang-pinansyal ay mamarapatin niya dahil ang makaahon sa hirap ang gagamitin niyang inspirasyon para magpursige sa pag-aaral.

Nang dumating ang pinakahihintay niyang pagsusulit ay agad siyang naghanda. Aral dito, aral doon ang ginawa niya para mataas na grado ang makuha niya.

“Angel, binabati kita dahil ikaw ang nakakuha ng pinakamataas na marka!” masayang bati ng kanyang guro.

“Ang galing mo, Angel ikaw na naman ang nakakuha ng perfect score!” bati pa ng kanyang kaklase.

Sa pag-uwi ay masaya niyang ibinalita sa mga magulang ang resulta ng kanyang final exam.

“Totoo ba ‘to, anak? Naku, binabati kita,” sabi ni Adela.

“Ipinagmamalaki ka namin ng nanay mo!” wika naman ng amang si Damian.

Nang pumunta sa eskuwela ang nanay niya para kunin ang report card ay agad itong nilapitan at kinausap ng kanyang guro.

“Napakagaling ng anak niyo, misis. Napakasuwerte niyo at nagkaroon kayo ng anak na gaya ni Angel,” bungad ng kanyang guro na si Ginang Mallari.

“Magaling po talaga ang anak ko. Kahit po walang baon ay pumapasok talaga iyan. Umiiyak pa iyan kapag hindi nakakapasok,” bunyag pa ng ina.

“Totoo ba ang sinabi ng nanay mo, Angel?”

“Opo, ma’am. Gusto ko po kasing maiangat po sa buhay ang mga magulang ko. Kasi mula nang bata pa po sila ay mahirap na sila. Gusto ko po silang bigyan ng magandang buhay,” aniya.

“Natutuwa ako sa gusto mong mangyari, hija. Magsipag ka lang sa pag-aaal at makakamtan mo ang minimithi mo,” sabi pa ng guro.

Sa kabila ng pagpupursige ay nakatapos ng pag-aaral sa elementarya si Angel. Dahil siya ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa lahat ng nagsipagtapos ay pinarangalan siya bilang class valedictorian.

“Binabati kita, anak. Ito na ang simula ng mga pangarap mo!” wika ni Adela habang mangiyak-ngiyak na yakap ang anak.

“Umpisa pa lang po ito, inay. Sa susunod po, hindi na medalya ang ibibigay ko sa inyo kundi bahay at lupa pa,” aniya sabay halik sa pisngi ng mga magulang.

Nakatutuwa na sa murang edad ay batid niya ang kahalagahan ng edukasyon para maiahon niya sa kahirapan ang kanyang pamilya.

Lumipas ang maraming taon at naging ganap na doktor si Angel. Sa ospital niya rin nakilala ang asawang kapwa niya doktor. Nagkaroon sila ng tatlong supling at kaagapay naman ng mag-asawa sa buhay ang ina at ama ni Angel. Wala nang mahihiling pa ang mga ito sa estado ng buhay nila sa kasalukuyan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement