Inday TrendingInday Trending
Laging Niyang Nilalamangan ang Kaniyang Nakababatang Kapatid sa Lahat ng Bagay, Isang Bag Lang Pala ang Makapagpapabago sa Kaniya

Laging Niyang Nilalamangan ang Kaniyang Nakababatang Kapatid sa Lahat ng Bagay, Isang Bag Lang Pala ang Makapagpapabago sa Kaniya

“Dahil mas matanda ako sa’yo, sa akin dapat yung mas magandang sapatos,” wika ni Amy sa kaniyang nakababatang kapatid.

“Okay ate, lagi naman ikaw nauuna pumili eh,” sagot ni Kim.

Dalawa lamang magkapatid si Amy at Kim. Anim na taon ang agwat ng dalawang ito kaya naman nasanay si Amy na siya ang palaging nasusunod sa kanilang dalawa.

Isang araw ay binilhan ni Miriam ang kaniyang mga anak ng relo. At tulad ng lahat ng pagkakataon, si Amy ang unang namili. Pareho lang naman ang binili sakanila ni Miriam ngunit sadyang gusto lamang maunahan ni Amy ang kaniyang kapatid sa pagpili.

Kinabukasan pag uwi ni Miriam galing trabaho ay inabutan niyang umiiyak si Kim.

“Anong nangyari anak, ba’t ka umiiyak?” pag-aalala ni Miriam.

“Mommy, nawawala po kasi yung relo na bigay ninyo sa akin. Hindi ko po makita,” umiiyak na sagot ni Kim.

Tinanong ni Miriam si Amy ngunit wala daw itong alam.

“Eto po yung akin mommy, hindi kasi maingat si Kim eh. Baka nawala niya sa labas yun,” sagot ni Amy.

Alam ni Miriam na maingat sa gamit si Kim kaya pinatigil na lamang niya ito sa pag-iyak at sinabing papalitan na lamang nila sa susunod. May hinala si Miriam na may kinalaman si Amy sa pagkawala ng relo dahil ginawa na rin ito dati ni Kim. Nawala ni Amy ang headband niya kaya kinuha nito ang headband ni Kim upang ito naman ang mawalan. Basang-basa ng ina ang ugali ng anak.

Lumipas pa ang mga taon at naging dalaga na ang dalawa ngunit sadyang ganoon pa rin ang ugali ni Amy. Kaya naisipan na ni Miriam na bigyan ng leksyon ang anak. Isang araw ay kinausap niya ang mga ito at sinabing ipamimigay na niya ang kaniyang mga bag dahil hindi na niya nagagamit lahat.

“Meron akong dalawang bag na ibibigay ko sa inyo. Isang simpleng bag at isang LV. Mamili kayo kung ano ang sa inyo.”Agad agad sumagot si Amy na,”Akin ang LV syempre mommy! Ako ang mas matanda, kay Kim na yung isang bag. ‘Di ba Kim?” pagmamadaling sagot ni Amy.

“Sigurado ka ba diyan Amy? Ayaw mo ba muna makita ang mga bag?” tanong ni Miriam sa anak.

“Hindi na mommy, ok na ako sa LV. Sure ako bagay sa akin yun,” sagot ni Amy habang iniisip ang itsura ng mamahaling Louis Vuitton na bag ng ina.

“Ok na rin po ako mommy sa kung ano yung ibibigay ninyo. Thank you po.” masayang wika ni Kim.

Sinigurado muli ni Miriam ang sagot ni Amy ngunit sadyang tuso ang dalaga at gusto niya na mas malamangan ang kapatid. Naisip ni Miriam na kung sa mga ganitong simpleng bagay ay hindi kaya magparaya ni Amy para sa kapatid, paano pa kaya sa mas malalaking bagay. Labis na nalungkot si Miriam, ngunit kailangan niyang turuan ng leksyon ang anak. Pinangako niya na ibibigay niya ito sa araw ng pasko.

Dumating ang araw ng kapaskuhan at nakahanda na ang balot ng mga regalo para sa dalawang magkapatid.

“Huling tanong bago niyo buksan ang mga regalo ninyo, sure na ba kayo sa mga napili ninyo? Wala ng bawian ah?” tanong ni Miriam.

“Oo nga mommy, akin na yung sa akin. Pero mauna ka magbukas Kim para surprise yung sa akin, sigurado ako maiinggit ka,” pag-aapura ni Amy.

Iniabot na ni Miriam sa mga anak ang kaniyang binalot na mga bag. Unang nagbukas si Kim at nakita nito ang isang pink na bag na mukhang bagong bago pa dahil iningatan ni Miriam. Niyakap ni Kim ang ina at nagpasalamat dito.”Mommy, thank you. Ito yung gusto ko sa lahat ng bag mo eh,” wika ni Kim.

Maya maya ay biglang sumigaw si Amy.

“Ano to?! LV ba to? Ba’t ganito?” galit na wika ni Amy sa ina.

“Oh, bakit? hindi mo ba nagustuhan? Mukhang bago naman ‘di ba?” wika ni Miriam.

“Ang sabi mo mommy LV? Eh hindi naman Louis Vuitton to eh! Yung kaniya ang ganda, Chanel pa. Ang daya naman,” asar na wika ni Amy.

“Ha? Sino ba may sabing Louis Vuitton? Sabi ko LB, short for Lumang Bag. Ikaw na nga unang namili, paano ako naging madaya anak?” natatawang sambit ng ina sa anak.

Hindi na rin napigilan ni Kim na matawa sa nangyari habang galit na galit naman ang kaniyang ate na si Amy.

“Ibigay mo sakin ‘yan Kim, palit tayo. Gusto ko niyan.”

“Ooops ate, wala na bawian ‘di ba?” takot na wika ni Kim, kitang kita niya na gigil na gigil ito sa kaniya.

Kinausap ni Miriam ang anak na si Amy. Pinagsabihan niya ito upang maitama ang maling pag-uugali. Ipinaliwanag niya rito na kapatid niya si Kim kaya dapat kapatid niya rin ito ituring. Hindi dapat makasanayan ang panlalamang lalo kahit na siya ang nakatatanda rito.

“Anak, ginawa ko ito upang mapatunayan ko sa iyo na pantay ang pagmamahal ko sa inyong dalawa. Napansin ko kasi mula bata ka, kahit pareho ako ng binibili sa inyo ay gusto mo pa rin na ikaw ang makalalamang kay Kim. Dahil alam mong maingat si Kim, gagawa ka ng paraan para masira o mawala ang gamit niya. Hindi iyon tama lalo na ngayon mga dalaga na kayo. Naisipan ko na gawin ito, kayo mismo ang papiliin bago ko ibigay sa inyo. Ilang beses kita tinanong pero dahil alam mo na mas mahal ang isang bag dahil sa tatak nito, ipinilit mo na iyon ang iyo. Hindi mo na tinignan ang itsura ng bag, gusto mo lamang mas mahal ang makuha mo. Sana may natutunan ka sa nangyaring ito,” wika ni Miriam kay Amy.

Ilang araw na tahimik si Amy pero mahahalata na nag-iisip siya ng malalim. Hindi naman talaga siya galit o inis sa kaniyang kapatid. Alam niya sa sarili niya na mahal na mahal niya si Kim, nagkataon lamang na nakakahanap siya ng saya kapag siya ang nauuna pumili o nakakalamang sa kapatid. Para sa kaniya, walang mali doon dahil siya ang ate. Hanggang isang araw habang kumakain sila ng hapunan,

“Mommy, Kim, sorry. Pasensya na kung ganoon ang nakasanayan kong pag-uugali. Akala ko okay lang, normal lang, mali na pala. Pipilitin ko magbago, mula ngayon hindi na ko manlalamang sa’yo Kim. Promise!”

“Okay lang naman yun ate, kasi ate kita. Magkapatid naman tayo eh, pwede tayo maghiraman ng gamit ‘di ba?” wika ni Kim.

“Oo Kim, sorry talaga. Papahiramin kita ng LB ko!” pabirong wika ni Amy.

Natuwa naman ang inang si Miriam dahil naging epektibo ang kaniyang naisip na solusyon upang matauhan ang kaniyang anak. Mabuti na lamang at hindi na lumala pa ang pag-uugali.

Sa ngayon ay naging sobrang malapit ang magkapatid sa isa’t-isa. Si Amy na ngayon ang madalas mamili para sa kaniyang ina at kay Kim. Sinisigurado niya na kung ano ang meron siya ay meron din ang ina at kaisa-isa niyang kapatid. Nakakatawa man ang naging daan upang matutunan niya ang tama, hinding hindi naman niya malilimutan ang aral na dulot ng kaniyang LB.

Advertisement