Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap na Mayaman ang Mayabang na Babae Para Inggitin ang mga Kumare, Napakalaking Kahihiyan Nang Mahuli Siya ng mga Ito

Nagpanggap na Mayaman ang Mayabang na Babae Para Inggitin ang mga Kumare, Napakalaking Kahihiyan Nang Mahuli Siya ng mga Ito

Araw-araw na nagkukwentuhan ang mga nanay na sina Lourdes, Nyla, at Evelyn matapos maihatid ang kanilang mga kinder na anak sa eskwela.

“Lourdes, sabay na tayong umuwi.” paanyaya ni Nyla.

“Ha? eh hindi naman magkalapit ang bahay natin, doon ako nakatira sa isang exclusive subdivision.” mayabang na sagot ni Lourdes.

“Ah ganoon ba? Parang nakita kasi kita sa may lugar namin kahapon.”

Itinanggi ni Lourdes na siya ang nakita ni Nyla, hindi maaring malaman ng kaniyang mga kumare ang tunay na estado ng kaniyang buhay. Matagal niya ng pinaniniwala ang dalawa na marangya ang kaniyang pamumuhay.

“Uy Lourdes, malapit na ang kaarawan ng anak mo ah, di mo ba kami iimbitahan?” pagbibiro ni Evelyn.

“Naku mare, hindi kami maghahanda ngayon dahil ipapasyal na lang namin siya sa Hongkong.” sagot niya.

“Sosyal mo talaga! Pasalubungan mo kami ha.”

Ang buong akala ng dalawa niyang kaibigan ay napakayaman ng kaniyang pamilya, kaya’t para lalo pa itong maging kapani-paniwala ay pinapalitan niya pa ang pagtawag sa kaniya ng anak.

“Mama, may field trip daw po kami sa susunod na buwan, sasama po ba tayo?” tanong ng bata sa kaniya.

“Aba oo naman anak, hindi pwedeng mapag-iwanan ka ng mga kaklase mo. Tsaka mula ngayon mommy na ang itatawag mo sa akin. Okay?” wika ni Lourdes.

Kinabukasan ay pinag-usapan na nga ng magkumare ang nalalapit na field trip ng kanilang mga anak. Nagtoka na sila ng mga pagkain na babaunin na maari nilang pagsaluhan.

“Sige ako na sa adobo tsaka soft drinks.” wika ni Nyla.

“Ako naman ay magdadala ng lumpia at kanin.” ayon kay Evelyn.

“Yun lang dadalin niyo? Ako afritada, fried chicken, spaghetti at salad.” pagyayabang ni Lourdes.

Nagkatinginan na lamang sina Nyla at Evelyn at ipinagkibit balikat ang kahambugan ni Lourdes. Sa tagal ng panahon na magkakasama sila ay tila nasanay na ang dalawa sa ugali nito.

Minsang naglalakad si Lourdes ay di inaasahang nakasalubong niya si Nyla.

“Uy Lourdes, anong ginagawa mo dito? Diba doon ka nakatira sa kabilang subdivision?” tanong ni Nyla.

“Ah oo, may dinaanan lang ako pero pauwi na din ako.” pagsisinungaling niya.

Ang totoo ay doon din siya nakatira sa maliit na barangay nina Nyla, ayaw niyang ipaalam ang katotohanan rito dahil mabubuking ang maliit na bahay na tinitirahan niya.

“Ako Evelyn nakakahalata na ko diyan kay Lourdes ha, pakiramdam ko ay nagbabalat-kayo lamang siya.” wika ni Nyla.

“Paano mo naman nasabi?”

“Eh ilang beses ko na siya nakita sa lugar namin, tapos ni minsan ay hindi niya tayo inimbitahan sa malaking bahay daw niya.”

“Oo nga ano, tsaka napansin mo yung anak niya? Biglang naging mommy na ang tawag sa kaniya.” pagsang-ayon pa ni Evelyn.

Dahil sa paghihinala ng dalawa ay naisipan nilang sundan si Lourdes minsan sa pag-uwi. Hindi nga sila nagkamali nang makitang pumasok ito sa isang luma at maliit na bahay.

“Sinasabi ko na nga ba eh!” wika ni Nyla.

“So ibig sabihin nagpapanggap lang siya na mayaman? Pero bakit?” tanong ni Evelyn.

Kinatok ng dalawa ang bahay ng kaibigan at laking gulat ni Lourdes nang makita sila sa harapan ng kaniyang bahay. Nauutal man ay tinanong niya ang mga ito kung paano nila siya nahanap.

“Lourdes, akala ko ba ay hindi ka dito nakatira sa lugar namin?” tanong ni Nyla.

“Teka hayaan niyo naman akong magpaliwanag. Pumasok muna kayo dito sa loob.” sagot niya.

Halos walang matinong gamit sa bahay si Lourdes, ang kaniyang sofa, lamesa at mga upuan ay lumang luma na. Sa sobrang luma din ng kaniyang ilaw ay pumipitik na ito.

“Ang totoo niyan ay dito nga ako nakatira, pero dati ay talaga namang may kaya ang aming pamilya, simula ng malugi ang negosyo namin ay unti-unti na kaming naghirap. Yung bahay namin sa subdivision ay naibenta na para maipambayad lamang sa utang.” umiiyak na paliwanag niya.

Labis namang nahabag ang dalawa sa sinapit ng kaibigan, naintindihan nila na nahirapang itong tanggapin ang biglang pagbabago ng kaniyang buhay.

“Lourdes, naiitindihan naman namin, pero sana ay hindi ka nagsinungaling sa amin.” wika ni Evelyn.

“Pasensya na kayo, hindi ko kasi talaga matangap ang biglang pagbagsak ng kabuhayan namin.” sagot naman niya,

Bagaman hindi marangya ang pamumuhay ay sinikap ni Evelyn at Nyla na mabilhan ng bagong sofa at ilang gamit sa bahay si Lourdes, nang sa gayon ay maging mas presentable naman ang kaniyang sala. Mula nga noon ay doon na palaging tumatambay ang magkakaibigan habang naghihintay ng oras para sunduin ang mga anak.

Laking pasasalamat naman ni Lourdes sa maunawaing mga kaibigan, isang malaking tinik ang nawala sa kaniyang dibdib ngayong hindi na niya kailangan pang magpanggap na mayaman.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement