Inday TrendingInday Trending
Sabik Umuwi ang OFW na Ito Upang Maibigay ang Pasalubong sa Pamilya Ngunit Imbis na Pasasalamat ay Iba ang Isinukli sa Kaniya

Sabik Umuwi ang OFW na Ito Upang Maibigay ang Pasalubong sa Pamilya Ngunit Imbis na Pasasalamat ay Iba ang Isinukli sa Kaniya

“Opo Inay, sa isang araw po ang dating ko diyan. May mga dala po akong pasalubong para sa inyong lahat.” masayang balita ni Aida, isang OFW na may limang taon ng hindi umuuwi ng Pilipinas.

“Naku anak excited na kami makita ka. Kahit may pasalubong ka man o wala ang importante makakasama ka na ulit namin.” naiiyak na tugon ni Lorna.

Sinundo si Aida ng kaniyang inang si Lorna at mga kapatid sa airport. Matagal silang hindi nagkita mula ng mangibang bansa siya bilang kasambahay. Naging maganda naman ang trabaho ni Aida sa bansang pinapasukan dahil mababait ang kaniyang mga naging amo. Dahil nga rito ay nakapag-ipon siya ng mga pampasalubong sa kaniyang pamilya.

“Nay, ito ang pangako ko sa iyong lotion. Madami ako inuwi para sa iyo para naman mas gumanda lalo ang inyong balat.” pabirong wika ni Aida.

“Ate, asan po yung sa amin?” tanong ng kaniyang batang kapatid.

“Aba, kayo pa ba makakalimutan ni ate? Buksan mo ang kahon na iyan at makikita mo ang mga sapatos, may mga pangalan at tamang sukat iyan tulad ng pinadala ninyo sa akin na drawing ng inyong mga paa.” tuwang tuwang sagot naman ni Aida.

“Inay, ang mga are nga pala ay para sa mga tiya.” sabay turo sa isang supot ng mga sabon, toothpaste, lotion at ilang chocolates.

Sobrang saya ng pamilya ni Aida dahil matagal na panahon silang hindi nagkita. Kaniya kaniyang sukat sa mga pasalubong niya ang kaniyang mga kapatid at panay naman ang yapos ni Lorna sa kaniyang namiss na anak.

Kinabukasan ay dinala ni Aling Lorna sa kaniyang mga kapatid ang pasalubong ni Aida. Hindi na muna niya isinama ang anak dahil nais niyang makapagpahinga muna ito mula sa mahabang biyahe.

“Dumating na pala ang anak mong si Aida. Ano ang pasalubong sa inyo?” tanong ng isang tiyahin ni Aida.

“Eto nga at dala ko ang mga pasalubong sa inyo, may mga pangalan na iyan.” masayang wika ni Lorna.

Tinanggap ng mga ito ang pasalubong mula kay Lorna ngunit hindi man lamang sila nagpasalamat dito. Hinayaan na lamang ni Aling Lorna ang inasal sa kaniya ng mga kapatid at umuwi na sa kanilang bahay.

“Nay, naibigay niyo na po pala ang mga pasalubong ko. Sana kahit papaano ay nagustuhan nila. Iyon lang kasi talaga ang kaya ng aking sahod, pero mababango naman ang mga sabon na iyon. Saka yung mga kape at tsokolate eh masasarap rin.” sabi ni Aida.

“Oo anak, maraming salamat daw.” sagot ni Lorna, hindi na niya kinuwento ang inasal ng kaniyang mga kapatid.

Isang araw habang sila ay nanonood ng tv ay may narinig siyang nagkukwentuhan sa may gilid ng kanilang bintana. Narinig niya na ang pinag-uusapan ay tungkol sa kaniyang pag-uwi at pasalubong. Nung una ay okay lamang sa kaniya ang kaniyang mga naririnig hanggang sa

“Namigay pa ng pasalubong eh kayang kaya ko naman bumili ng sabon, ayun, ipanliligo ko na lang sa aso. Pati yung mga tsokolate napakakonti naman, ilang taon sa ibang bansa eh tapos yun lang ang dala. Nagpasalubong pa!” wika ng isang babae

Doon na napatayo si Lorna, at nilabas ang mga nagkukwentuhan sa gilid ng bahay.

“Imbes na magpasalamat kayo na naalala kayo, yan pa ang sasabihin ninyo sa anak ko. Hindi ninyo alam ang trabaho ng anak ko para ganiyan niyo sa pag salitaan. Ilang pagkain ang tiniis niya hindi kainin para lang makapag uwi ng pasalubong sa atin. Sana matuto tayo makuntento, ganyan ka na ba talaga Linda?” pagalit na wika ni Aling Lorna.

“Inay, tama na po. Ayos lamang po yun.” wika ni Aida, habang yakap ang inay nito. “Tiya, pasensya na po kayo at yan lang ang natitira sa akin pag kapadala ko sa kailangan nila inay. Maliit lang po kasi ang sahod ng nangangatulong. Yan din naman po ang gamit naming sabon ngayon at wala naman pong nangangati sa amin, mabango at malambot naman sa balat, maganda rin siguro para sa aso ninyo. Huwag niyo lamang ho ipakain ang tsokolate sa aso dahil masama po ito sakaniya.” sabay pasok ni Aida sa loob ng bahay habang kahawak ang kamay ng inay nito.

Tila napahiya ang kaniyang tiyahing si Linda sa mga nangyari, bukod kasi sa kanila ay may mga iba pang kaibigan ang kaniyang tiyahin na hindi rin nagustuhan ang inasal nito.

Nag-usap ang mag-ina sa loob ng bahay at sinabi ni Lorna na proud na proud siya sa kaniyang anak.

“Maswerte ako na ikaw ang anak ko, masipag na mapagmahal pa sa pamilya. Alam ko lahat ng pagtitiis mo na hindi kami makasama para lamang masuportahan kami ng mga kapatid mo. Ilang taon ang tiniis mo malayo sa amin. Mahirap mangatulong anak, danas ko iyan pero ikaw mas bilib ako sa iyo dahil malayo ka sa amin.” naiiyak na wika ni Lorna.

“Nay, ayan ka na naman. Iiyak ka na naman. Ngiti na inay ko.” malambing na wika ni Aida habang pinipigilan ang pagpatak ng luha.

Naalala niya lahat ng pag hihirap niya, mga araw na kulang sa tulog at kulang sa kain. Alam niya na matatapos rin ang mga paghihirap niya pero sulit naman ito dahil para ito sa kaniyang ina at mga kapatid.

Lumipas ng mabilis ang bakasyon ni Aida. Nung araw na aalis na si Aida papuntang airport ay lumapit sa kaniya ang kaniyang Tiya Linda upang huming ng pasensya. Agad naman itong pinatawad ni Aida at sinabing naiintindihan niya ito.

Mula noon ay nag-uuwi na lamang ng pasalubong si Aida para sa kaniyang inay at mga kapatid. Isinasama na lamang niya sa isang kainan ang kaniyang mga tiyahin upang hindi na siya mapulaan pang muli. Sa ngayon ay malaki na ang kaniyang naiipon para sa kaniyang sarili. Natutunan niya na hindi talaga lahat ng tao ay mapapasaya mo kaya mabuti pa ay unahin mo na muna ang iyong sarili at pamilya lalo na at mahirap ang maging isang OFW.

Advertisement