Inday TrendingInday Trending
Nasa Panganib ang Dalaga Nang Sagipin Siya ng Gwapong Lalaki; Paano na Lang Kung ang Akala Niya’y Prinsipe Niya ay may Pusong Prinsesa Pala?

Nasa Panganib ang Dalaga Nang Sagipin Siya ng Gwapong Lalaki; Paano na Lang Kung ang Akala Niya’y Prinsipe Niya ay may Pusong Prinsesa Pala?

“I’m sorry, but I’m breaking up with you,” ‘yan ang madalas na linya ni Pamela sa tuwing nakikipagkalas na siya sa kaniyang karelasyon.

Hindi marunong magseryoso sa isang relasyon ang dalaga. Para sa kaniya ay laro lang ang pakikipagrelasyon. Hanggang sa masaya pa kayong dalawa at maayos pa ang lahat ay go lang siya, ngunit kapag mag-umpisa na siyang makakita ng mga sensyales na sumersyoso na at lumalalim na ang isang relasyon ay bigla na lamang siyang bibitaw at hihiwalayan ang nobyo niya.

Parati siyang nakakanahap ng rason para wala nang magawa ang karelasyon kundi bumitaw na rin at pumayag na makipaghiwalay. Ewan niya ba, pero parati siyang nakakahanap ng butas sa mga lalaking nakakarelasyon niya. Masyadong seloso, nakakasakal, wala masyadong pakialam, insensitive, overprotective, at masyadong pakialamero, ilan lang ‘yan sa mga rason kung bakit siya nakipaghiwalay sa mga dating nakarelasyon.

Gusto niya rin namang magseryoso, ang kaso nga lang sa tuwing parang papunta na roon ay bigla siyang nakakaramdam ng takot na kapag lumalim pa ang nararamdaman niya para sa isang lalaki ay mas masakit kapag bigla na lamang siyang bitawan nito, kaya inuunahan niya na.

Siya na ang aalis bago pa siya ang maiwan, ‘yan ang paniniwala ni Pamela. Pinangako niya sa sarili na hinding-hindi na siya maiiwan ulit. Kaya naman hindi na natutong magseryoso sa isang relasyon ang dalaga. Kaya naman daw niyang mag-isa, kaya ayos lang.

Ngunit hindi alam ng dalaga na may darating palang isang tao na magpapabago ng kaniyang paniniwala. Isang taong magpaparamdam sa kaniyang gusto niya itong makasama panghabambuhay. Isang taong handa siyang papasukin sa pihikan niyang puso.

Si Seth. Gwapo, matipuno, at ubod ng talino. Lahat ay napapatingin rito kapag dumadaan ito. Nagkakilala sila sa isang bar. Kinukulit ang dalaga ng isa sa kaniyang mga dating nobyo at hindi talaga tinatantan at muntik pa siyang saktan ng lalaki sumama lang siya rito.

Bigla namang sumulpot si Seth at ipinagtanggol siya. Sinuntok ng binata ang dating kasintahan at inilabas siya sa bar na iyon. Marami na rin siyang nainom noon kaya naman bigla na lang siyang natumba pagkalabas nila ng bar.

Kinabukasan ay nagising na lamang siya sa isang unit ng isang condominium sa Makati. Agad niya namang tiningnan ang sarili kung may saplot pa ba siya at pinakiramdaman ang sarili kung may masakit ba sa kaniya. Naisuko niya na ba ang bataan?!

“Hoy! Pwede ba huwag kang feelingera d’yan, sis?! Hindi kita ginalaw ‘no! Eww! Mandiri ka naman, hindi tayo talo ‘no! My gosh!” maarteng saad ng lalaking nagligtas sa kaniya kagabi. Napanganga naman si Pamela sa kaniyang narinig.

Parang gumuho ang kaniyang mundo. Ang kaniyang magiting na knight in shining armor ay prinsesa rin pala kagaya niya. Naku po, binabae pala ang kaniyang saviour!

“Oh bakit? Gulat ka ba? Hindi ako yung knight in shining armor na akala mo kagabi. Matapang na prinsesa rin ako ‘no!” tatawa-tawa pa ang kaniyang tagapagligtas habang siya ay hindi pa rin makapaniwala.

Hindi alam ng dalaga kung bakit pero napakagaan ng loob niya kay Seth. Alam niyang iba ang hanap nito at pareho rin sila ng tipo pero hindi niya maiwasang mahulog ang loob kay Seth.

Simula ng araw na iyon ay parati niyang kinukulit ang lalaki hanggang sa halos araw-araw ay naging magkasama sila. Madalas ay nakabuntot siya rito. Hindi nagtagal ay naging matalik na magkaibigan ang dalawa at mas naging komportable pa sa isa’t isa.

Hindi man aminin ni Seth ay talaga namang natutuwa siya kay Pamela. Konti lamang ang nakakaalam sa tunay niyang kasarian. Sinasadya niya talaga itong itago sa karamihan, lalo na sa kaniyang pamilya. Natatakot kasi siya na husgahan ng lipunan. Kapag mayroon kasing nakakaalam ay bigla na lamang siyang iiwasan na para bang may nakakahawa siyang malubhang karamdaman.

Ngunit hindi ganun ang dalaga. Napakulit ng babaeng ito. Hiyang-hiya ang bubble gum kung makadikit ito sa kaniya.

Ilang beses niya na rin itong sinabihan na hindi siya ang prinsipeng hinahanap nito dahil isa rin siyang prinsesa. Tinatawanan lang siya ng babae at sinasabing wala siyang pakialam kung ano man siya at tanggap siya ng dalaga.

Kahit anong taboy ang ginagawa niya sa dalaga pero hindi talaga siya nito nilubayan hanggang sa napagod na rin siya at hinayaan na ang dalaga sa tabi niya. Naging matalik na magkaibigan ang dalawa at madalas na magkasama. Isang araw nagising na lamang siyang may nararamdaman na pala sa dalaga.

“Ayokong magpakasal sa taong hindi ko kilala!” sigaw ni Pamela habang magkausap sila ni Seth sa unit ng condo nito. Sinabi niya sa binata ang planong pagpapakasal sa kaniya ng kaniyang mga magulang sa anak ng isang matalik na kaibigan at kasosyo nito sa negosyo.

“Ayaw mo ba talaga sa akin, Seth?” Hinawakan ni Pamela ang kaniyang mga kamay at tinitigan siya sa mga mata.

“Ayaw mo bang magpakasal na lang sa akin? Tulungan mo akong takasan ang pamilya ko. Mahal at tanggap kita maging ano ka pa. Kung gusto mong manlalaki ay ayos lang din sa akin, basta ba sa akin ka pa rin uuwi at sa mga magiging mga anak natin. Pangako ko ‘yan sa’yo,” puno ng emosyong saad ng dalaga kay Seth. Para namang hinaplos ang puso ni Seth sa narinig. Ano ba ang nakita ng babaeng ito sa kaniya? Hindi siya karapat-dapat sa pag-ibig ng dalaga.

Mahal niya na rin ang dalaga ngunit gaya ng dalaga ay nais na rin siyang ipakasal ng kaniyang lola sa mga kasosyo nito sa negosyo. Nag-iisang apo lamang siya ng matanda kaya naman wala siyang ibang choice kundi ang sumunod.

“Pamela naman, sabi ko naman sa’yo, hindi tayo talo,” pilit niyang pinasigla ang kaniyang boses para hindi mahalata ng babae na nahihirapan din siya sa kanilang sitwasyon. Sunod-sunod na tumulo ang luha ng dalaga. Binitawan nito ang mga kamay niya at umalis ng walang imik.

Hindi na sila nag-usap mula ng araw na iyon, hanggang sa dumating ang araw ng pagkikila nila ng babaeng mapapangasawa. Nasa isang kilalang restawran sila ng kaniyang lola at hinihintay ang pamilyang nakasundo ng kasal.

Nagpaalam muna siya sa lola niya at nagpuntang banyo para pakalmahin ang sarili niya. Kung titingnan ay walang makikitang bakas ng kaniyang tunay na kasarian sa itsura niya. Mukha siyang normal at kagalang-galang na lalaki. Bigla namang naalala ni Seth ang masaya at makulit na mukha ni Pamela. Namimiss niya na ito.

Pagkabalik niya sa table nila ng lola niya ay naroroon na ang pamilyang kanina pa nila hinihintay. Laking gulat niya na lamang nang makita ang babaeng kanina lang ay iniisip niya! Nanlaki rin ang mga mata ng dalaga na parang hindi rin makapaniwala. Natawa na lamang silang dalawa ng dalaga.

Makalipas ang ilang buwan…

“You may now kiss the bride!” anunsyo ng pari sa kasal ng dalawa. Hinalikan naman ni Seth si Pamela sa labi na ikinagulat naman ng bagong asawa.

“Maraming salamat sa pagtanggap sa kung anuman ako. Mahal na mahal kita,” bulong ni Seth sa asawa at niyakap ito nang mahigpit.

“Maraming salamat din sa pagsagip sa puso ko. Akala ko hindi na ako matutong magmahal ng lubos. Salamat at dumating ka sa buhay ko. Maraming salamat sa pagpaparamdam sa’kin na deserve ko rin ang forever,” malambing at sinserong saad din ni Pamela sa mahal na asawa.

Namuhay ng masaya ang dalawa. Sinubukang magbago ni Seth para sa kaniyang asawa kahit na alam niyang hindi niya naman na kailangang gawin ‘yon dahil tanggap naman siya ng asawa maging ano o sino pa man siya. Pangako niya sa sarili na kahit anuman ang maging kasarian niya ay ang misis lamang ang mamahalin niya.

Advertisement