Inday TrendingInday Trending
Palagi na Lamang Nauudlot ang Pinakahihintay na Sandali ng Lalaking Ito sa Kaniyang Nobya, Tama Nga Kaya ang Kaniyang Hinala?

Palagi na Lamang Nauudlot ang Pinakahihintay na Sandali ng Lalaking Ito sa Kaniyang Nobya, Tama Nga Kaya ang Kaniyang Hinala?

“Love, ito na naman tayo e. Palagi na lang ba talaga tayong mapuputol sa ganito? Ano ba talagang problema nating dalawa? Hindi mo ba ako mahal kaya hindi mo maibigay sa akin? Bakit pakiramdam ko may problema tayong dalawa? Sabihin mo naman sa’kin para naman may ideya ako hindi ‘yung palagi na lang tayong ganito,” saad ni Jasper sa kaniyang nobyang si Anna habang hawak nito ang kamay ng babae.

“Pasensiya ka na talaga, Jasper, masyado lang akong maraming iniisip ngayon at kailangan ko na ring umuwi kasi wala pang kasama si lola sa bahay,” sagot naman ni Anna saka dali-dali itong tumayo sa kama.

“Hindi mo ba ako mahal?” malungkot na tanong ng lalaki.

“Mahal na mahal kita, Jasper, alam mo naman iyan. Wala lang talaga ako sa mood, sorry,” sagot naman kaagad Anna saka siya umalis sa bahay ng kaniyang nobyo.

Magdadalawang taon nang magkarelasyon ang dalawa at kahit kailan ay hindi naman pinilit ng lalaki na may mangyari na sa kanila ngunit bilang magkasintahan ay hindi nila maiwasan na makarating sa ganoong sitwasyon kaya lamang ay napapansin ng lalaki na palagi na lamang napuputol ito sa tuwing hahalikan na ng lalaki sa leeg ang kaniyang nobya.

“Baka naman kasi hindi pa siya handa, yayain mo rin kasi siya minsan na magpakasal. Pag-usapan niyo ang posibilidad ng pagsasama habang buhay. Baka kasi pakiramdam ni Anna ay ‘yun lang ang habol mo sa kaniya!” natatawang opinyon ni Marco, matalik na kaibigan ni Jasper.

“Hindi ko alam, pare, pakiramdam ko kasi’y may itinatago siya sa’kin. Sabi naman niya e wala pa raw nakakauna sa kaniya pero hindi ganon ang pakiramdam ko,” sagot naman kaagad ni Jasper.

“Ayos lang ba sa’yo na ganoon? Hindi naman siguro malaking bagay sa’yo kung may nauna na sa kaniya, ‘di ba? Iparamdam mo kasi ‘yun ‘wag puro tawag ng laman ang inuuna mo,” biro pang muli ni Marco sa kaibigan.

Kaya naman napagdesisyunan ni Jasper na kausapin ng masinsinan si Anna at paaminin ito sa kaniyang lihim.

“Anna, gusto ko lang malaman mo na hindi ko habol ang may mangyari sa atin dahil mas importante para sa akin ‘yung maging totoo tayo sa isa’t-isa. Kaya tatangapin pa rin kita kahit na may nauna na sa akin,” diretsong pahayag ng lalaki sa kaniyang nobya habang sila ay nakahigang dalawa. Hinawakan niya ang mukha nito saka hinalikan sa noo ang babae.

“Sshh– hindi mo kailangang magsalita. Walang nagbago at walang magbabago sa respeto’t pagmamahal ko sa’yo. Alam ko na ‘yun ang dahilan kaya ayaw mong matuloy tayo dahil natatakot kang malaman ko na hindi ka na, alam mo na. At ayos lang sa akin iyon, kasi mahal na mahal kita,” mabilis pang dagdag ng lalaki sa kaniyang nobya.

Hindi kaagad nakapagsalita si Anna at mabilis na tinakpan ang kaniyang mukha saka ito umiyak.

“Hindi mo kailangan umiyak, Anna, walang nagbago sa atin at isa pa 2019 na ngayon. Hindi naman kaso sa akin at hindi na ‘yun kaso sa panahon ngayon,” wika ni Jasper sabay yakap ng mahigpit sa babae.

Pinunasan naman kaagad ni Anna ang kaniyang mukha saka niya hinarap ang nobyo.

“Walang nakauna sa akin, Jasper,” mahina niyang tinig dito.

“Yung amain ko nung bata ako ay muntik na akong pagsamantalahan at sa tuwing muntik nang may mangyayari sa atin ay paulit-ulit na bumabalik sa memorya ko ang malagim kong nakaraan kaya naman hindi ko maipagpatuloy,” dagdag pa nito sabay tingin ng diretso sa lalaki. Halos hindi naman makapaniwala si Jasper sa kaniyang narinig at mabilis na napaupo sabay hawak sa kaniyang ulo.

“Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin ito? Kung ano-ano pang iniisip ko tapos ganito pala kalalim ang dahilan mo. Nakakahiya ako, Anna, patawarin mo ako,” sagot ng lalaki at napahawak na lamang siya sa kaniyang ulo.

“Alam mo, lahat ng tao may mga nakaraan na ayaw na nilang balikan pa o maalala o pag-usapan at ito ang sa akin. Pinipilit ko namang kalimutang ngunit hindi pa siguro ako ganun kahanda kaya ganito ang nangyayari sa atin, patawarin mo ako, Jasper, dahil hindi ko nagawang sabihin sa’yo kaagad ang totoo,” paliwanag pang muli ng babae.

“Hindi mo kailangang humingi ng tawad at tandaan mo nandito lang ako para sa’yo, sabay nating kakalimutan ang malagim mong nakaraan,” sabi ni Jasper saka niya hinalikan sa ulo ang nobya.

Simula noon ay hindi na muling nagmadali pa ang lalaki na may mangyari sa kanila ni Anna at dumaan pa ang ilang taon ay nagpakasal sila kung kailan handa na ang babae. Ngayon ay masayang-masaya ang dalawang nagsasama. Kasalukuyang ipinagbubuntis ni Anna ang kanilang panganay na supling.

Advertisement