Inday TrendingInday Trending
Naging Kasa-kasama ng Lalaki ang Kaibigan ng Nobya; Hindi Sinasadyang Mahulog ang Loob Niya Rito

Naging Kasa-kasama ng Lalaki ang Kaibigan ng Nobya; Hindi Sinasadyang Mahulog ang Loob Niya Rito

Laking gulat ni Jayson nang umagang iyon na dumating si Nicole. Hindi kasi ito ang hinihintay niya.

“Good morning!” masayang bati ng dalaga.

“Good morning din. “B-bakit ka napadaan dito?” nagtataka namang tanong ng lalaki.

“A, eh, pinakiusapan ako ni Louela na ako na ang sumama sa contract signing mo.”

“B-bakit, nasaan siya?”

“May biglaan kasi siyang lakad. May mga dumating silang business partner galing sa Japan at sinamahan niya ang mga iyon sa Davao.”

Hindi agad nakakibo si Jayson. Bakit hindi man lang siya inabisuhan ng nobyang si Louela? Hindi man lang siya nito tinawagan para ipaalam sa kaniya na hindi siya nito masasamahan sa lakad niya. Ngayon ay inutusan pa nito ang best friend na si Nicole para samahan siya sa contract signing niya bilang baguhang singer ng isang kilalang record company sa bansa .

“So, are you ready?” nakangiting tanong ng dalaga.

“A, eh, hindi ba nakakahiya sa iyo? Maaari naman na akong mag-isa ang pumunta.”

“No, it’s okay. Ipinakiusap ka talaga sa akin ni Louela na samahan kita. Ano na, alis na tayo?”

Wala siyang nagawa kundi pagbigyan ang alok ni Nicole. Ayaw rin niyang mahuli sa contract signing na iyon. Malaki ang utang na loob niya sa nobyang si Louela kung bakit siya nakilala ng may-ari ng recording company kung saan siya pipirma ng kontrata.

Nang minsang isinama siya ni Louela sa birthday party ng tiyuhin nito ay nakilala niya roon si Mr. Rodrigo Alfonso, ang may-ari ng isa sa pinakilalang recording company sa Pilipinas. Nagkaroon ng interes si Mr. Alfonso sa kaniya nang marinig nito ang boses niya nang pakantahin siya ni Louela sa harap ng mga bisita. Maipagmamalaki naman talaga ang boses niya. Sa katunayan, ilang beses na rin siyang nanalo sa mga singing contest. Bukod sa pagkanta ay magaling din siyang tumugtog ng gitara. Malapit na kaibigan ng pamilya ng kasintahan niya si Mr. Alfonso kaya malaking puntos din iyon para lumakas ang imahe niya rito. Noon din mismong gabing iyon ay inalok siya nito na magtrabaho sa kumpanya nito at hindi naman niya nagawang makatanggi dahil matagal na rin niyang pangarap na maging isang singer.

Sino ba naman ang tatanggi sa napakagandang oportunidad na inihain sa kaniya? Tatlong taong kontrata kasama na roon ang mga nakatakda niyang gawing album at concert. Pagkakataon na rin iyon para maiangat niya ang estado ng buhay ng kaniyang pamilya.

“Hindi ka lang sisikat, mas lalo ka pang guguwapo kapag naging recording artist ka na dahil siguradong pagtutuunan nila ng pansin ang iyong appearance bilang singer,” maya-maya ay wika ni Nicole habang nakasakay sila sa kotse.

“N-naku, ayoko pang isipin ang mga bagay na ‘yan. Hindi pa naman kasi tiyak na kukunin nila ako,” sabi ng buong kababaan ni Jayson.

“Anong hindi pa tiyak? Kapag inalok ka nila, natitiyak kong hindi na magbabago ang isip nila. Sila rin ang mawawalan.”

Nang makarating sila sa recording company ay agad na pinapirma ng kontrata si Jayson. Tuwang-tuwa ang lalaki dahil iyon na ang katuparan ng kaniyang mga pangarap. Laking pasasalamat niya kay Louela dahil kung hindi dahil sa nobya ay hindi niya makikilala si Mr. Alfonso. Masayang-masaya rin ang best friend nitong si Nicole para sa kaniya. Mula noon ay ito na ang kasa-kasama niya sa mga lakad niya. Iyon daw kasi ang hiling ni Louela na palagi siyang samahan hangga’t hindi pa ito nakakabalik.

Ang kasiyahang dumating sa buhay ni Jayson ay biglang napalitan ng lungkot at pighati nang malaman niyang may bagong ng kinakasamang lalaki ang nobyang si Louela. Biglang-bigla ang mga pangyayari. May nakapagsabi sa kaniya na nakita itong may katagpo sa bar at nakikipaghalikan pa sa lalaking kasama nito. Halos madurog ang puso ni Jayson sa nalaman niya. Hindi siya makapaniwala na ipagpapalit siya ni Louela sa iba. Nagsinungaling rin ito sa kaniya at hindi naman pala totoong nag-aasikaso ng negosyo.

“Bakit, Louela, ano’ng kasalanan ko at ipinagpalit mo ako? Tinulungan mo lang ba ako na maabot ang pangarap ko bilang pampalubag loob sa ginawa mo?” masama ang loob na bulong ni Jayson sa isip.

Kinausap niya ang best friend nitong si Nicole kung may alam ito sa pangyayari ngunit kahit ang dalaga ay nabigla sa ipinagtapat niya.

“What?! Si Louela may ibang lalaki? Totoo ba ‘yan?” gulat na tanong nito.

“Oo at niloko niya ako. Hindi ko inasahan na magagawa niya ‘yon sa akin. Kaya ba niya ako tinulungang makilala si Mr. Alfonso dahil may balak siyang iwan ako? Pampalubag loob lang ba ang ginawa niyang pagtulong sa akin?” buong hinanakit na sambit ng lalaki.

“Hindi ko alam, Jayson. Kahit kasi sa akin ay wala siyang sinabing kahit na ano,” wika ni Nicole.

Ibinuhos lahat ni Jayson ang lahat ng sama ng loob kay Nicole. Pinakinggan naman siya at inintindi ng dalaga.

Maya-maya ay nagyaya ang lalaki.

“May pupuntahan ka pa bang iba? B-baka naman puwede mo akong samahan na u-uminom?” tanong ni Jayson.

“S-sure ka ba diyan? T-teka, ‘di ba hindi ka naman umiinom? Iyon ang sabi sa akin ni Louela.”

“O-oo, pero g-gusto kong s-subukan ngayon para makalimot sa sakit na ginawa sa akin ng kaibigan mo.”

“Kung iyan ang makakapagpagaan ng loob mo at makakatulong para makalimutan mo siya, susuportahan kita sa gusto mo.”

Sinamahan siya nito sa isang bar at sabay silang um-order ng beer. Nakaka-dalawang baso pa lang sa iniinom na beer ay nakaramdam na agad siya ng hilo. May tama na agad siya. Halatang hindi talaga siya sanay na uminom.

“Umuwi na tayo, Jayson, lasing ka na, eh!” sabi ni Nicole na tinablan na rin sa iniinom. Hindi nito namalayan na naka-walong bote na pala ito.

“S-sige ako na magha-h-hatid sa iyo,” sagot niya nang tumayo sa pagkakaupo.

Napansin ng dalaga na pasuray-suray na ang lalaki sa paglakad at tiyak na hindi na nito kaya pang magmaneho.

“No, Jayson, ako na ang magda-drive! Hindi mo na kakakayanin sa lagay mong iyan!”

Inalalayan siya ni Nicole palabas sa bar at tinungo ang kotse niya. Nang makasakay na sila ay sinimulan nang paandarin ng dalaga ang sasakyan ngunit ayaw na umandar niyon. Saka nito napagtanto na wala na palang gasolina ang sasakyan. Hindi naman niya matanong ang lalaki dahil nakatulog na ito sa likod ng kotse.

“P-paano kaya ito ngayon?” bulong ni Nicole sa sarili.

Saglit itong nag-isip at nagdesisyon na magpalipas muna sila ng gabi sa katapat na motel ng bar na pinaggalingan nila ngunit nagulat siya nang makausap ang staff ng motel.

“Ano, isang kuwarto na lang ang available?”

“Yes, ma’am! Marami po kasing naka-check-in ngayon kaya isa na lang po ang mai-o-offer naming kuwarto,” sagot ng babaeng staff.

Napapalatak na lang siya at sandaling ipinikit ang mga mata at nag-isip.

“Okay, sige. Kukunin ko na ang room!”

“Alright, ma’am!”

Wala na siyang choice kundi ang mag-share sila ni Jayson sa isang kuwarto. Isang gabi lang naman silang magtatabi sa isang kama. Wala naman sigurong masama roon.

Nang makapasok na sila sa kuwarto ay dahan-dahan niyang inihiga si Jayson sa kama.

Pumasok muna siya sa banyo para mag-shower. Hindi kasi siya sanay na matulog nang hindi naglilinis ng katawan.

Nang mahiga siya sa kama ay maingat na inilayo ang sarili sa nakahigang lalaki. Babae siya kaya dapat ay may distansiya pa rin sila sa isa’t isa. Hindi pa rin ito nagigising. Maya-maya ay ipinikit na niya ang mga mata dahil sa totoo lang ay kanina pa ito gustong pumikit sa sobrang antok.

Ilang minuto pa lang ang nakakalipas nang biglang may naramdaman siya na may pumaibabaw sa kaniya. Sa sobrang hilo at antok ay hindi na niya nagawa pang tingnan kung sino ang nasa ibabaw niya. Wala na siyang kakayahang ikilos pa ang kaniyang katawan. Maya-maya ay may narinig siyang bumulong sa kaniyang tainga.

“Ang bango mo…” anas ni Jayson habang hinahalikan ang kaniyang leeg. Ang isang kamay nito ay hinihimas-himas ang binti niya.

Hindi niya maintindihan ang sarili. Tumatanggi ang isip niya sa gusto nitong mangyari ngunit gusto naman iyon ng kaniyang katawang lupa. Kusa itong sumusunod habang tinatanggal ng lalaki ang mga saplot niya sa katawan hanggang sa mangyari ang hindi inaasahan.

Kinaumagahan ay nagulat si Jayson nang magising.

“A-ano itong ginawa natin?” gulat na gulat na tanong ng lalaki nang makitang wala silang saplot.

Hindi rin alam ni Nicole ang sasabihin. Nilakasan na lamang niya ang loob at hinarap ang lalaki.

“H-hindi ko rin alam. Pareho tayong lasing kagabi kaya hindi natin napigilan ang mga sarili natin at nangyari ang hindi dapat nangyari. P-pero tapos na, eh. Wala na tayong magagawa. Huwag kang mag-alala, ginusto ko rin naman ang nangyari.”

“P-pero hindi ko dapat ginawa iyon sa iyo! Mali ang ginawa ko sa iyo!”

“Hayaan mo na. Wala na rin namang mawawala sa akin. Hindi na ako virg*n nang makuha mo ako kagabi. So, wala kang dapat ika-guilty.”

“Kalimutan na lang natin ang nangyari. Huwag kang mag-alala, hindi ako maghahabol at wala ka ring pananagutan sa akin!”

Puno pa rin ng pagkakonsensiyang niyakap siya ng lalaki.

“Sorry, sorry sa lahat. Hindi ko talaga ginusto ang nangyari.”

“Tama na! Kalimutan na natin ito, okay? Isipin mo na lang na one-night stand lang ang nangyari sa atin. Come on, nasa modernong mundo na tayo at hindi na uso ang konserbatibong pag-iisip!” tugon ni Nicole sabay alis sa mga braso ng lalaki na nakayakap sa kaniya. “Ang alalahanin mo ay ang career mo! Ngayong wala na sa buhay mo si Louela, kailangan mong ituon ang sarili mo sa singing career mo. Huwag mong hayaan na pati ang pinaghirapan mo ay mapunta lang sa wala. Tandaan mo, ginagawa mo ito para sa pangarap mo at sa pamilya mo ‘di ba?” wika ng dalaga.

Tumango naman ito na sang-ayon sa lahat nang sinabi niya.

Bago umalis sa lugar na iyon ay humingi muna sila ng tulong sa assistant ng motel para malagyan ng gasolina ang kotse ni Jayson. Alas nuwebe ng umaga nang tuluyan na nilang lisanin ang motel. Tahimik lang sila at walang imikan sa loob ng sasakyan. Pagkatapos na maihatid si Nicole sa condo nito at simpleng pagpapaalamanan sa isa’t isa ay dumiretso na si Jayson pauwi sa kanilang bahay.

Mula noon ay itinuon ni Jayson ang sarili sa kaniyang career sa pagkanta. Matapos siyang pumirma ng kontrata bilang recording artist ay inasikaso naman niya ang paggawa ng album at pagpo-promote niyon. Sa kabila ng pagiging abala ay nakaramdam siya ng lungkot dahil ilang buwan na ring hindi nagpapakita sa kaniya si Nicole mula nang may mangyari sa kanila sa motel. Pakiramdam niya ay pinagtataguan na siya nito. Hindi niya maipaliwanag ngunit hinahanap-hanap niya ang dalaga at hindi ito maalis sa isip niya. Hindi na rin bumalik sa buhay niya si Louela na nabalitaan na lamang niyang ikinasal na sa mayamang lalaki. Unti-unti na rin niyang natanggap ang lahat at pinilit ang sariling tuluyan nang kalimutan ang dating nobya. Nagpapasalamat na lang siya rito dahil malaki ang naitulong nito sa kaniya sa pag-abot ng pangarap niya kahit pa ang kapalit noon ay ang pag-iwan nito sa kaniya.

Maya-maya ay inihinto niya ang sasakyan. May nadaanan kasi siyang flower shop. Lumabas siya sa kotse at pumasok sa loob ng shop, bumili ng isang malaking pumpon ng mamahaling bulaklak pagkatapos ay inilagay niya sa backseat ng kotse at muli itong pinaandar.

Ilang minuto lang ay narating na niya ang condo. Nakatayo siya ngayon sa harap ng pinto. Hawak niya ang biniling bulaklak sa kanang kamay. Bumuntong-hininga muna bago kumatok. Tatlong beses niyang kinatok ang pinto dahil walang sumagot sa una niyang pagkatok. ‘Di nagtagal ay may nagbukas niyon.

Bumungad sa kaniyang harapan si Nicole.

“J-Jayson? A-anong ginagawa mo rito?”

“D-dinalaw kita. Hindi ka na kasi nagpaparamdam sa akin, eh. By the way, para sa iyo!” sabi niya ng buong kasimpatikuhang nakangiti sa kaharap.

“P-para sa akin? B-bakit mo ako binibigyan nito?”

“Kailangan bang may dahilan para magbigay ng bulaklak? Hindi ba puwedeng dahil gusto ko lang. T-teka, hindi mo man lang ba ako papapasukin?”

Napakamot sa kaniyang ulo si Nicole at kinuha ang hawak na mga bulaklak ng lalaki.

“S-sige, tuloy ka! Pasensiya ka na ha, hindi ako nakapaglinis. Kakagising ko lang kasi!”

Pinaupo siya ng dalaga sa sofa.

“Bakit binigyan mo ako ng bulaklak?” muling tanong ng dalaga.

“M-mula kasi nang hindi ka na nagpapakita sa akin ay hindi ka na maalis sa isip ko. Palagi kang tumatakbo sa utak ko, pinipigilan kong huwag kang isipin pero hindi ko magawa. Nalulungkot ako kapag hindi kita nakikita at nakakasama.”

Hindi nakakibo si Nicole. Bahagyang umawang ang mga labi.

“B-baka ginagawa mo lang ito dahil nagi-guilty ka pa rin sa nangyari sa atin? Sinabi ko na sa iyo na wala kang dapat na ipag-alala. Wala kang pananagutan sa akin.”

“P-pero hindi na iyon ang nararamdaman ko. Hindi ko maipaliwanag sa sarili ko, pero may bahagi ng aking pagkatao na gusto kang makasama, na gusto ka na palaging nakikita. Sa palagay ko ay nagkakaroon na ako ng feelings sa iyo.”

Nang marinig iyon ng dalaga ay napahawak ito sa dibdib at napaupo na rin sa sofa. Saglit na ipinikit ang mga mata at nang magmulat ay mayroon nang lumabas na mga luha buhat doon.

“Aaminin ko na sinadya ko talagang hindi magpakita sa iyo. Mula kasi nang may mangyari sa atin sa motel ay hindi ka na rin mawala sa isip ko. Palagi kong naaalala ang ginawa natin sa loob ng kwarto. Pilit kong isinasaksak sa utak ko na one-night stand lang ang namagitan sa atin ngunit iba na ang nararamdaman ko. May ibang epekto iyon sa akin. Hinahanap-hanap ko, pati na rin ikaw.”

“Kung gayon ay may nararamdaman ka rin sa akin?”

“Hindi ako sigurado kung ‘yun nga ang tawag ‘dun, pero isa lang ang sigurado, masaya ako kapag nakikita kita at nakakasama. Hindi ka naman mahirap mahalin, p-pero huwag mo sanang isipin na sinasamantala ko ang sitwasyon, hindi ko lang talagang maiwasang humanga at mapalapit sa iyo dahil siguro sa halos araw-araw na nating pagkikita at pagsasama.”

Hindi inasahan ni Jayson ang pagtatapat ni Nicole.

“H-hindi naman siguro pagtataksil ito sa pagkakaibigan namin ni Louela dahil nagpakasal na naman siya sa ibang lalaki.”

Bahagya siyang napatango. Paano nga bang tatawaging pagtataksil iyon sa kaibigan nito gayong nauna na nga itong mag-asawa at iniwan siya.

“Natutuwa ako dahil pareho naman pala tayo nang nararamdaman sa isa’t isa. Bakit hindi natin subukan na maging tayo na lang? Nakahanda kitang ligawan, Nicole. Gusto kong ipakita at iparamdam sa iyo na hindi ko lang ito ginagawa dahil sa nangyari sa atin, kundi dahil gusto kong makilala pa kita ng lubos,” sabi niya sa dalaga.

Halos isang taong niligawan ni Jayson si Nicole hanggang sa sagutin na rin siya ng dalaga. Napatunayan nito na malinis at tapat ang hangarin niya. Sa tingin niya ay hulog ng langit si Nicole sa kaniyang buhay, dahil mula nang maging nobya niya ito ay unti-unting nawala sa isip niya ang masakit na pinagdaanan. Sinuwerte rin ang kaniyang karera nang maging mabenta ang first debut album niya at paggawad sa kaniya ng parangal bilang baguhang mang-aawit. Hindi niya maaabot ang lahat ng iyon kundi rin dahil kay Nicole na naging parte at inspirasyon niya sa kaniyang pagsisikap at tagumpay. ‘Di nagtagal ay ikinasal na rin silang dalawa at biniyayaan ng dalawang malulusog na mga anak.

Advertisement