Linayasan at Pinagtaguan ng Lalaki ang Tatay Niya Dahil Tutol Ito sa Pangarap Niya, Matapos ang Matagal na Panahon ay Bigo Siyang Makita Itong Muli
Pagkatapos ng labinlimang taon ay naisipan ni George na bumalik sa kanilang probinsiya sa Isabela, ilang taon niya ring tinaguan ang kanyang ama. Tutol kasi ito sa pangarap niyang maging manganganta dahil wala daw siyang mararating, mahina ang kita ng mga musikero. Nais nitong maging isa siyang doktor, o engineer, o kahit na ano basta wag lang musikero. Ipinaglaban niya ang kanyang pangarap kaya umalis siya at mag isang tinupad iyon. Kumusta na kaya si tatay? Galit kaya siya sa akin? sa isip isip niya habang nasa byahe siya pa-Isabela. Baka sabihin ng kanyang ama, nagsayang lang siya ng buhay niya dahil kung tutuusin hindi nya masasabing nagtagumpay siya. Isa pa rin sya sa mga ‘pipitsuging singer’ na umaasa sa maliliit na gig para mabuhay, pero di bale na, ang mahalaga, masaya siya. Sana naman ay maintindihan iyon ng kanyang ama. Pagbaba niya sa kanilang barangay, kay rami nang nagbago. Halos di na nga niya matandaan iyon kung hindi lang sinabi ng tricycle driver na nakarating na sila. Pagtapat niya sa kanilang lumang bahay, ay bumungad sa kanya ang isang binata, na sa tingin niya ay 20 taong gulang. Hindi niya kilala ito, pero parang namukhaan siya ng bata. “Kuya George?” sabi nito. Tumango naman siya habang may naguguluhang espresyon sa mukha. “Si Angelo po ako, anak ng pinsang nyong si Anita.” pakilala nito. Ah! Ito na ba si Angelo? Limang taong gulang lamang ang bata nang umalis siya, buti at nakilala pa siya nito. Grabe, napakarami nang nagbago. “Saan na ang tatay?” hanap agad niya. Nagsimula siyang kabahan nang lumungkot ang ekspresyon ng mukha ni Angelo. “Tena ho kayo,” pinapasok siya nito sa loob ng bahay na ibang iba na ang itsura, diretso sila sa dati niyang kwarto at laking gulat niya nang makitang hindi pa rin iyon nagbago. “Kabilin bilinan ho ng lolo na walang gagalawin dito, inyo daw po kasi ito.” sabi ni Angelo, naroon pa ang mga lumang Song Hits niya na maayos na nakahilera, ang kanyang kama at unan ay nakatupi na para bang kahapon lang iyon ginamit. Siguro ay mahina na ngayon ang kanyang ama, late na rin kasi ito nang mag asawa kaya may edad na ito noong umalis siya. “Wala na ho ang lolo, tatlong taon na ang nakalipas.” sabi ni Angelo, halos nabingi si George sa kanyang narinig. Inabot ni Angelo ang isang sulat na ipinaaabot daw ng matanda sa kanya bago ito pumanaw. September 7, 2015 George, Sorry anak kung hindi na tayo magkikita. Nagkaroon ng komplikasyon ang diabetes ko, kaya di na kita nahintay. Noong araw na iyon, ibinili kita ng gitara anak, papayag na sana ako na maging manganganta ka dahil aaminin ko man o hindi, ay proud na proud ako sa maganda mong boses. Pero pag uwi ko ay wala ka na. Ilang taon anak, ilang taon akong umasang uuwi ka upang maibigay ang gitarang ito, sana, maabutan ko man lang na tinutugtog mo ito. Mahal kita, George. Tatay Pagsulyap niya sa gilid ng kama, ay naroon ang isang gitara. Naikuyom ni George ang palad, nagsisi siya kung bakit naduwag siyang harapin ang kanyang ama. Sana man lang ay naisipan niyang bumisita. Umiyak man siya ng umiyak ay huli na ang lahat.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.