Inday TrendingInday Trending
Tinarayan ng Dalagita ang Waiter sa Restaurant, Hindi Niya Inakalang Sikat Pala Ito sa Eskwelahan Nila

Tinarayan ng Dalagita ang Waiter sa Restaurant, Hindi Niya Inakalang Sikat Pala Ito sa Eskwelahan Nila

Excited ang magkakaibigang Charlotte, Glofelle at Vittoria sa nalalapit na Prom Night sa kanilang eskwelahan.

“May isusuot ka na ba para sa Prom, Vittoria?” ani Glofelle.

“Wala pa nga e! Ikaw, Charlotte nakabili ka na ng damit?” anito sa isa pang kaibigan.

“Wala pa rin!” maikling sagot ng dalagita.

“Ako kasi binilhan ako ni Mommy ng bagong damit kaya iyon na lang ang isusuot ko sa Prom,” pagyayabang ni Glofelle.

“Buti ka pa! Kami ni Charlotte ay wala pang maisusuot. Tara at sabay na lang tayong bumili!” yaya ni Vittoria.

Pumayag naman si Charlotte na samahan ang kaibigan sa pamimili ng damit. Minsan lang sa buhay nila ang maka-attend ng Prom Night kaya gusto nilang maganda at presentable ang kanilang ayos.

“Hay naku, kailangan ay maganda at bongga ang isusuot ko para maraming magyayang makipagsayaw sa akin. Ayokong maging isang bulaklak sa pader na hindi man lang malapitan ng mga bubuyog!” makahulugang sabi ni Vittoria.

“Bulaklak sa pader?” takang tanong ni Charlotte.

“Oo, bulaklak sa pader. Iyon ang tawag sa iyo kapag hindi ka man lang naisayaw sa isang party o anumang okasyon. Iyong palaging naba-bangko kung tawagin ng mga matatanda,” anito.

Hindi nagtagal ay nakabili rin sila ng kanya-kanyang damit. Maganda at bongga nga ang napili ni Vittoria samantalang simpleng damit lang ang binili ni Charlotte. Hindi kasi siya mahilig sa mga magagarang damit. Simple lang manamit ang dalagita.

Mayamaya ay nakaramdam ng gutom si Vittoria at niyayang kumain ang kaibigan.

“Tara, Charlotte kain tayo dun sa burger house. Mukhang masarap ang tinda dun!” anito.

Nang pumasok sila sa burger house ay laking panghihinayang ni Vittoria dahil sa labas lang pala ito maganda, pagdating sa loob ay parang pangkaraniwang kainan lang iyon.

“Hindi pala maganda dito. Lipat tayo ng kainan!” muling yaya ng dalagita.

“Huwag na, Vittoria! Mukhang masarap nga ang burger nila dito. Tara at humanap na tayo ng mauupuan!” anang mga kaibigan.

Wala ng nagawa si Vittoria kundi sundin ang dalaga. Gutom na rin naman kasi siya kaya no choice na siya na doon sila kakain.

Pinagsilbihan sila ng isang waiter na naroon at hiningi ang kanilang order.

“Ano po ang order niyo mga miss?” tanong ng guwapong waiter.

“Ako, iyong special burger niyo!” sagot ni Charlotte.

Nang tanungin naman ng waiter si Vittoria ay tinarayan ito ng dalagita.

“Alam mo na naman di ba? Wala naman kayong ibang tinda dito kundi burger, e di burger din ang akin!” inis nitong sabi.

Napakunot ng noo ang binatilyong waiter sa inasta ni Vittoria ngunit hindi ito nagpahalata at kinuha rin ang order nito.

“Bakit ganoon ang inasta mo dun sa waiter. Tinarayan mo iyong tao, wala namang ginagawang masama!” saway ni Charlotte.

“Naiinis ako, e! Alam naman niyang burger ang o-orderin natin, nagtatanong pa!”

Hindi na lang kumibo ang dalagita. Kilala niya ang kaibigan, kapag ayaw nito sa isang lugar ay naiinis ito at hindi mapigilan ang bibig sa mga hindi magandang sinasabi.

Nang matapos silang kumain ay padabog at nagmamadaling lumabas si Vittoria ng burger house. Nang kunin naman ng waiter ang kanilang bill ay si Charlotte na ang nag-abot ng kanilang bayad.

“Pasensya ka na sa kaibigan ko ha! Mainit lang ang ulo eh!” aniya rito.

“Walang anuman, miss! Sanay na naman ako sa mga kagaya niyang customer,” sagot ng binatilyo.

Mabilis na lumipas ang tatlong araw at sumapit na ang pinakahihintay nilang Prom Night. Pinaghandaan talaga ng tatlong magkakaibigan ang gabing ito kaya todo ayos sila sa kanilang mga sarili.

Nang magkita-kita sa eskwelahan ay masayang-masaya ang tatlo dahil sa wakas ay mararanasan na nila ang Prom Night. Kinikilig pa sina Vittoria at Glofelle dahil atat na silang maisayaw ng mga binatilyo nilang kaklase at iba pang mag-aaral.

Ilang saglit pa ay nagsimula na ang sayawan ngunit napansin ng magkakaibigan na wala pa ring lumalapit sa kanila para makipagsayaw.

“Ano ba iyan, kanina pa tayo nakaupo dito at wala pa ring nagyayaya sa atin na makipagsayaw!” maktol ni Glofelle.

“Oo nga e, sayang naman itong binili kong damit kung maba-bangko lang ako. Ayokong maging bulaklak sa pader!” sabi pa ni Vittoria.

“Mag-antay lang tayo. Malay niyo may magyaya sa atin. Mahaba pa naman ang gabi,” ani Charlotte na pinalakas ang loob ng dalawang kaibigan.

Dahil hindi natagalan ang paghihintay ay nagpunta muna sa palikuran si Glofelle at naiwang nakaupo sina Charlotte at Vittoria nang may makita silang pamilyar na mukha sa Prom.

“Teka, siya iyong guwapong waiter sa burger house di ba?” takang tanong ni Charlotte.

“Aba at anong ginagawa ng buwiset na waiter na iyan dito?” inis na sabi ni Vittoria.

Hindi nila namalayan na nakita rin sila ng binatilyo at lumapit sa kanila. Namangha ang dalawa sa suot nitong kulay itim na long sleeve at pantalon na bumagay sa bagong gupit nitong buhok na mas lalong nagpa-guwapo rito.

“Hi, kayo iyong bumili ng burger sa amin di ba?”

“Kami nga! Bakit ka narito, dito ka rin ba nag-aaral?” tanong ni Charlotte.

“Oo, graduating student ako dito. Part time job ko lang ang pagiging waiter sa burger house.”

“Wow, ang sipag mo naman pala!” sabi ni Charlotte.

“Ako nga pala si Davis, kayo anong mga pangalan niyo?”

“Ako si Charlotte at ito nga pala si Vittoria, kaibigan ko!”

Dahil sa inis ay hindi pinansin ng dalagita ang pagbati ng binatilyo sa halip ay nakasimangot ito habang nakikipag-usap ito sa kanila.

Napansin naman iyon ni Davis kaya nakaisip ito ng paraan para hindi istorbohin sa pagkakaupo si Vittoria.

“Tara, Charlotte, sayaw tayo!” yaya ng binatilyo.

“H-ha? sige ba! Maiwan ka muna namin, ha Vittoria at pagbibigyan ko lang itong mokong na ‘to!” pabirong sabi ng dalagita.

Tumango lang si Vittoria ngunit sa loob niya ay nakaramdam siya ng inggit sa kaibigan dahil may binatilyong nagyayang makipagsayaw rito.

Maya-maya ay bumalik na si Glofelle at tumabi ng upo kay Vittoria. Napansin din ng dalagita na may binatilyong kasayaw ang kaibigang si Charlotte. Laking gulat niya nang makilala ang kasayaw nito.

“Kuya Davis?” malakas nitong bigkas.

“K-kilala mo siya Glofelle” takang tanong ni Vittoria.

“Kilalang-kilala! Pinsan ko iyan, e! Dito rin siya nag-aaral at graduating na siya ngayon at candidate for valedictorian pa. Napakagaling at napakatalino ng pinsan kong iyan. Siya rin ang pinarangalang most valuable player sa basketball team ng eskwelahan natin nung nakaraang taon. Siya si Davis Romero, iyong nanalong Mr. Campus Heartthrob ngayong taon!” bunyag ng kaibigan.

Napanganga si Vittoria sa nalaman. Ang waiter na tinarayan niya sa burger house at inisnab-isnab niya kanina ay pinsan pala ng kaibigan si Glofelle at isa palang magaling na estudyante sa kanilang eskwelahan.

Nang matapos isayaw ng binatilyo si Charlotte ay nagulat pa ito nang makita ang pinsan.

“Uy, pinsan um-attend ka rin pala sa Prom!” Masaya nitong bati.

“Oo, at nagtatampo ako sa iyo! Buti pa ang kaibigan kong si Charlotte, sinayaw mo, ako na sarili mong pinsan ay hindi mo man lang maisayaw!” maktol ng dalagita.

“Sorry, pinsan hindi ko naman alam na narito ka rin, e! Sige para maging memorable sa inyo itong Prom ay isa-isa ko kayong isasayaw. Kaya mag-ready ka na, miss. Dahil ikaw na ang sunod!” anito sabay kindat kay Vittoria.

Pinamulahan naman ng pisngi ang dalagita at hindi makapaniwala na isasayaw rin siya ng binatilyo sa kabila nang ginawa niyang pagtataray rito.

Naging masaya ang gabi ng apat lalong-lalo na ang tatlong magkakaibigan dahil hindi sila nabangko ng gabing iyon at hindi naging mga bulaklak sa pader.

Nang magkakilala naman ng lubusan sina Charlotte at Davis ay naging simula naman iyon ng maganda nilang pagtitinginan. Ang totoo, mula nang makilala ng binatilyo ang dalagita sa burger house ay nagustuhan na niya ito dahil sa pagiging simple nito at pagkakaroon ng magandang kalooban.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement