Inday TrendingInday Trending
Hindi Gusto ng Babae ang Planong Imbitahin ang mga Batang Ulila sa Kanilang Opisina, Isang Malungkot na Katotohanan Pala ang Itinago Niya

Hindi Gusto ng Babae ang Planong Imbitahin ang mga Batang Ulila sa Kanilang Opisina, Isang Malungkot na Katotohanan Pala ang Itinago Niya

“Marinel, may plano ka na ba para sa founding anniversary ng kumpanya natin, ‘di ba ikaw ang coordinator?” tanong ni Elsie.

“Wala pa nga e! Tulungan niyo nga akong mag-isip!” nagkakamot ng ulong sabi ng babae.

“Hmm… Ano kaya kung mag-imbita tayo ng mga bata mula sa bahay ampunan? Hindi pa natin nagagawa iyon ‘di ba? Pakakantahin natin sila, pasasayawin o kahit anuman ang talent na puwede nilang ipakita. Tapos ay papakainin natin sila. Magpapaikot naman sa mga empleyado ng donation box na maaaring paglagyan ng pera, mga gamit na puwedeng gamitin ng mga bata, school supplies, mga de-latang pagkain, noodles at iba pa. ‘Di ba magandang ideya?” suwestyon ni Claire.

“Oo nga, Marinel. Magandang ideya iyon. Nakatulong na tayo, nag-enjoy pa ang mga bata,” ani Elsie.

Napasimangot si Marinel sa gustong mangyari ng mga kasama. Tila hindi niya gusto ang suwestyon ng mga ito.

“B-bakit kailangan na mga bata sa bahay ampunan? Hindi ba’t parang lalabas na paglalaruan lang natin sila dahil pakakantahin at pasasayawin? Tapos ay bibigyan ng limos. Parang lalo naman nating ginawang kaawa-awa ang mga batang ulila,” aniya.

“Anong masama sa gagawin natin? Magandang pagkakataon iyon para makatulong tayo sa mga kapuspalad,” paliwanag ni Claire.

“Tama si Claire, magandang oportunidad iyon para maipakita rin na hindi lang sila mga batang ulila. Mga bata sila na binigyan ng talento na maaari nilang ipakita sa mga tao,” hirit pa ni Elsie.

“Bahala na kayo, tutal ideya niyo naman iyan,” inis na sabi ni Marinel.

“Wala ng problema, ha? Tuloy na ang plano. May alam na akong bahay ampunan na puwede nating imbitahin. Magpapa-iskedyul na ako,” ani Claire.

Gaganapin kasi ang ika-isandaang founding anniversary ng kumpanya nila sa isang linggo at ang tema nito ay tungkol sa pagbibigay at pagmamahal. Kung tutuusin ay magandang ideya ang sinabi ng mga ka-opisina ni Marinel, bagay na bagay sa tema ngunit para sa kanya ay hindi iyon katanggap-tanggap. Wala na lang siyang nagawa sa gusto ng mga ito.

Kinagabihan, paglabas nila sa opisina ay niyaya ni Claire si Marinel na makipagkita sa nangangasiwa ng bahay ampunan na kinontak nito para sa kanilang founding anniversary para pag-usapan ang mga detalye.

“Marinel, sumama ka na sa akin! Hindi makakasama si Elsie dahil may importante raw siyang aasikasuhin. Kakausapin lang naman natin iyong babae tapos ay aalis rin tayo,” anito.

Kahit labag sa kalooban ay sinamahan niya si Claire at humantong sila sa isang restaurant.

‘Di naman nagtagal ay dumating na ang babae na nakatakda nilang kausapin.

“Magandang gabi, ako si Ms. Ladelyn Jocson. Ako ang nangangasiwa ng bahay ampunang tinawagan niyo kahapon,” magalang nitong sabi.

Unang kita pa lang ni Marinel sa babae ay hindi na niya agad ito gusto. Mukhang mataray ang mukha nito at hindi mapagkakatiwalaan. Kaya hindi man lang siya nagpakita rito ng kahit konting ngiti.

“Ikinagagalak ka naming makilala! Ako si Claire at ito naman si Marinel. Mga emleyado kami ng Suyan Enterprises. Nais namin sana na imbitahan ang mga bata sa inyong bahay ampunan para sa aming founding anninversary. Puwedeng magtanghal ang mga bata ng kahit anong gusto nilang gawin gaya ng pagkanta, pagsayaw at iba pa. Pagkatapos ay magpapaikot kami ng donation box para sa mga bata at papakainin din namin sila,” lahad ni Claire.

Napangiti ang babae. “Magandang ideya ang gusto niyong mangyari. Sige, akong bahala sa susuotin ng mga bata. Tinitiyak kong matutuwa sila at kayong mga empleyado sa inyong kumpanya.”

“Matutuwa ang mga bata, ang sabihin mo sa ampunan lang mapupunta ang malilikom na pera at hindi talaga mapupunta sa mga bata,” gigil na bulong ni Marinel sa sarili.

Araw ng Sabado, dalawang araw bago ang founding anniversary ay napagdesisyunan ni Marinel na puntahan at silipin ang bahay ampunan na inimbitahan nila. Sinama niya sina Claire at Elsie. Ilang oras din ang biyahe bago nila marating ang pakay. Malayo kasi sa siyudad ang kinaroroonan ng bahay ampunan.

Nang marating ang lugar ay nakita nilang tahimik ang paligid sa labas ng niyon. Kumatok sila sa pinto at pinagbuksan naman sila ng isang matandang babae.

“Magandang umaga po, kami po ang mga empleyado ng Suyan Enterprises, maaari po bang makausap si Ms. Jocson?” tanong ni Marinel.

“Ay kayo pala iyong ikinukuwento ni Ms. Jocson na nag-imbita sa mga bata?Tuloy po kayo!”

Nang makapasok sila sa loob ay laking panghihinayang nila sa kanilang nakita. Walang pintura ang mga pader, mukhang hindi rin nalilinis ng maayos ang lugar na iyon. Maya-maya ay narinig nila ang boses ni Ms. Jocson.

“O, mabuti naman at naisipan niyo kaming dalawin. Halina kayo at ipapakilala ko kayo sa mga bata!” wika ng babae.

Lumabas sila sa bahay ampunan at naglakad ng ilang kilometro. Bumungad sa kanila ang malaking taniman ng mais. Nagulat rin sila nang makitang namimitas ng mais ang mga batang ulila. Nakabilad ang mga ito sa sikat ng araw.

“Dyusko, pinagtatrabaho niya ang mga bata ngayong tanghaling tapat?” bulong ni Marinel sa isip.

Tinawag ni Ms. Jocson ang mga bata sa pamamagitan ng sipol at mabilis namang nagsilapitan ang mga ito.

“Mga bata, itigil niyo muna ang inyong ginagawa at may mga bisita tayo. Sila ay mga empleyado ng Suyan Enterprises at sila ang nag-imbita sa inyo para sa gagawin nilang party,” anito.

Natuwa ang mga bata nang makita ang tatlong babae. Agad na nagbigay galang ang mga ito sa kanila.

“Good Morning po!” sabay-sabay na sabi ng mga bata.

“Magandang umaga mga bata!” nakangiting wika nina Claire at Elsie.

“Sige na mga bata at bumalik na kayo sa trabaho!” utos ng babae. Ang tinutukoy nito ay ang pangunguha ng mga mais sa taniman at inilalagay sa mga kaing para ibenta.

Kung natuwa sina Claire at Elsie nang makita ang mga bata, si Marinel naman ay nahabag sa kalagayan ng mga ito. Naisip niya na imbes na nasa bahay ampunan ang mga bata at nag-aaral ay pinagtatrabaho lang ito ni Ms. Jocson kaya sa pagkakataong iyon ay hindi na siya nakapagtimpi at kinompronta ang babae.

“Ms. Jocson, hindi po yata tama na pinagtatrabaho niyo sa init ng araw ang mga bata samantalang dapat ay nag-aaral lang sila sa loob ng ampunan!” matapang na sabi niya rito.

“B-bakit, Ms. Marinel may masama ba sa ginagawa ng mga bata?” tanong nito sa kanya.

“Kay babata pa nila, Ms. Jocson at pinagbabanat niyo na sila agad ng buto na dapat ay nag-aaral muna sila sa eskwela. May tamang panahon sa pagtatrabaho, huwag niyong alipinin ang mga bata!”

Napapailing na lang ang babae. “Iyan ba ang tingin mo sa ginagawa ko, ang inaalipin ang mga bata? Unang-una ay hindi ko naman napapabayaan ang pagtuturo sa kanila. Wala kang dapat ikabahala dahil matatalino ang mga bata at madaling matuto. Hindi ko rin sila pinipilit na magtrabaho, sila ang nagkukusa na gawin ang trabaho dito sa taniman para kahit paano ay may kita sila. Ang sobrang kita ay ipangpapaayos namin sa bahay ampunan dahil matagal nang pinababayaan ng may-ari ang lugar. Nakita niyo naman sa pagpasok niyo kanina ‘di ba? Ang maliit naming kinikita sa pangunguha ng mais ay malaking tulong rin sa amin sa araw-araw dahil hindi na nagbibigay ng budget ang may-ari para sa mga bata. Saka Ms. Marinel, mas mabuting matuto na ang mga bata na maghanapbuhay at tumayo sa sarili nilang mga paa dahil balang araw ay kinakailangan din nilang umalis sa bahay ampunan at mamuhay na mag-isa,” sagot ng babae.

Nang biglang matauhan si Marinel. Hindi niya inakala na para sa kapakanan lang pala ng mga bata ang ginagawa ni Ms. Jocson. Dahil napagtanto niya ang kanyang pagkakamali ay humingi siya ng tawad rito at ipinaliwanag ang kanyang saloobin kung bakit ganoon na lang ang reaksyon niya kanina.

“Pasensya na, Ms. Jocson sa mga nasabi ko. Siguro ay nadala lang ako ng aking damdamin dahil alam ko ang pakiramdam na maging isang ulila. Dahil gaya ng mga batang iyan ay lumaki rin ako sa isang bahay ampunan. Alam ko ang pakiramdam kung paano kaawaan at maliitin ng mga tao. Masuwerte lamang ako dahil mabait ang mag-asawang kumupkop sa akin na itinuring akong tunay nilang anak. Ayokong pagdaanan ng mga kagaya kong ulila ang napagdaanan ko noon. Kaya nang maisip ng mga kasama ko ang ideya na mag-imbita ng mga bata na galing sa ampunan ay hindi ako naging kumportable dahil ayokong makita silang kaawaan at pagtawanan ng iba,” aniya.

Laking gulat ng dalawa niyang kasamahan sa ibinunyag niya na isa siyang ulila.

“Galing ka rin pala sa bahay ampunan, kaya dapat ay nauunawaan mo ang ginagawa ko para sa mga bata. Ang pag-imbita sa kanila para magtanghal sa inyong kumpanya ay hindi para pagtawanan at kaawaan, ito ay oportunidad para maipakita ng mga bata kung ano ang kaya nilang gawin at kaya nilang ipakita sa mundo,” hayag pa ni Ms. Jocson.

“Alam kong nagkamali ako sa paghusga sa iyo kaya sana ay mapatawad mo ako, Ms, Jocson. Kayo rin Claire, Elsie sana ay naunawaan niyo ako.”

“Walang kang kasalanan, Ms. Marinel. Inilabas mo lang ang totoong nasa loob mo kaya wala kang dapat na ihingi ng tawad,” wika ng babae.

“Tama, naiintindihan ka na namin ngayon,” sabi ni Elsie sabay hawak sa kanyang balikat.

“Oo nga, friend,” ani Claire.

Natuloy ang founding anniversary sa opisina nina Marinel at naging masaya ang gabing iyon dahil sa ginawang pagtatanghal ng mga bata sa bahay ampunan. May mga kumanta at sumayaw kaya tuwang-tuwa ang may-ari ng kumpanya, mga opisyal at mga empleyado sa pagpapakita ng talento ng mga bata. Naisip ni Marinel na tama si Ms. Jocson at ang dalawa niyang ka-opisina, na dapat ipakita ng mga bata ang anumang kakayahan mayroon ang mga ito para pagdating ng araw na umalis ang mga bata sa ampunan ay mahanap ng mga ito ang daan patungo sa tagumpay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement