
Hindi Mapatawad ng Dalaga ang Nobyo Niya nang Maabutang May Ibang Kahalikan Ito; Grabe ang Pinagdaanan ng Binata Mapatawad Lamang Siya Nito
“Alam mo ikaw, ang manhid mo! Bakit ba ganiyan ka? Ang sama mo! Parang wala kang pakialam sa mga taong tunay na nagmamahal sayo ha, Aiza? Hindi ka ba naaawa sa tao?” naiinis na sabi ng kaibigan ni Aiza na si Mikee.
Nasa kwarto niya sila at nakasilip sa kaniyang bintana habang tinitingnan ang lalaking nasa labas ng kanilang bahay at sinisigaw ang pangalan niya habang nagmamakaawang patawarin siya ng dalaga.
“Ako pa talaga ang dapat maawa? Sino ba ang nagloko sa aming dalawa? Ako ba? At hindi ko naman sinabi sa kaniya na magpaulan siya d’yan sa labas habang nagmamakaawang patawarin ko siya. Choice niya na ‘yan!” matigas na sagot ni Aiza sa kaibigan.
Nasa labas kasi at ginaw na ginaw na ang binatang si Ronald dahil basang-basa na ito sa malakas na buhos ng ulan. Mga ilang oras na rin itong nakatayo sa labas ng kanilang bahay at humihingi ng tawad sa pagkakamaling kaniyang nagawa sa dalaga.
Apat na taon ng magkasintahan sina Ronald at Aiza. Ngunit kung kailan tumagal na ang kanilang relasyon ay dun pa talaga naisipan ng binata ang mangaliwa. Labis na nasaktan si Aiza kaya naman parang bumalik sa pagiging yelo ang kaniyang pusong minsan ng sinagip ng binata sa pagiging bato.
Napakaganda at napakatalino kasi ni Aiza, kaya naman hindi nakakapagtaka kung bakit marami ang nahuhumaling sa kaniya. Marami ang nanligaw at sumubok na hulihin ang pihikang puso ng dalaga, pusong maikokompara na nga raw sa bato sa kamanhiran sabi nga nila.
Hindi kasi naniniwala sa pag-ibig si Aiza. Paano ba naman niya magagawa iyon kung ang lahat ng lalaki sa buhay niya ay wala nang ibang ginawa kundi magloko at iwan silang mga babae sa kanilang pamilya. Niloko ng lolo niya ang lola niya at sumama sa kerida nito, ganun din ang kaniyang magaling na ama na wala nang bukambibig kundi ang wagas na pagmamahal daw nito sa kaniyang ina, pero nagawa pa ring sumama sa ibang babae at iwan sila.
Kung totoo nga ang pagmamahal na sinasabi nila, paano nilang nagagawang maghanap pa ng iba? ‘Yan ang hindi maintindihan ni Aiza.
“Babe, hayaan mo kasi akong magpaliwanag muna! Parang awa mo na! Kausapin mo na ako!” umuubo at pilit na sigaw ni Ronald sa dalaga. Napasilip ulit si Aiza sa bintana. Ang totoo ay nag-aalala na rin siya sa kalagayan ng nobyo, pero labis pa rin ang galit na nararamdaman niya para sa lalaki.
Nasa huling taon sila ng high school ng dumating sa kanilang paaralan si Ronald. Transferee kasi ito. Isang pulis ang ama nito at kakalipat lang ng destino kaya naman napalipat din sila ng kaniyang ina sa lugar nila Aiza.
Nang una ay sadyang natutuwa lamang si Ronald dahil sadyang kakaiba ang kamanhiran ni Aiza. Kinulit niya ito ng kinulit at sinubukang landiin, pero lahat ng mga galawan niya ay walang epekto sa dalaga. Totoo nga ang kamanhiran nito!
“Isang araw, mamahalin mo rin ako!” sigaw ni Ronald ka Aiza pagkatapos siya nitong iwan sa gitna ng park.
“Hihintayin ko rin ang araw na ‘yan. Kung matutupad man ‘yan haha” malokong sagot ni Aiza sa binata.
Ang unang lokohan lang ay naging seryoso dahil sa nakilala niya ng lubos ang dalaga at unti-unting nahulog ang kaniyang loob kay Aiza. Ginawa niya ang lahat para mapatunayan na seryoso siya sa dalaga. Binago niya ang kaniyang sarili. Dati siyang kilalang chickboy pero nagpakatino siya para sa dalaga. Inayos niya ang buhay niya, lalong-lalo na ang pag-aaral niya. Pinatunayan na ang sarili na karapatdapat sa tiwala at pag-ibig ni Aiza.
Na-inspire siyang maging mabuting tao dahil sa dalaga. Hinding-hindi makakalimutan ni Ronald ang araw na nakamit niya rin ang matamis na oo ng dalaga. Pakiramdam niya ay siya na ang pinakamaswerteng tao sa buong mundo ng mga sandaling iyon.
“Oo? As in oo girlfriend na kita? Tayo na?” hindi makapaniwalang tanong ni Ronald kay Aiza. Baka naman kasi nagkakamali lang siya ng dinig. Ngumiti ng malaki ang dalaga at tumango. Niyakap niya ang dalaga ng mahigpit at halos magtatatalon sa tuwa.
“Pangakong hinding-hindi kita sasaktan! Aalagaan ko ang puso mo. Ikaw at ako lang hanggang sa huli. Pangakong ikaw na ang huling babaeng mamahalin ko,” masayang pangako ng binata kay Aiza.
“Aasahan ko ‘yan ha? Dahil ikaw lang din ang tanging lalaking mamahalin ko sa buhay kong ito,” naluluhang sagot niya sa nobyo.
Hindi na nakatiis si Aiza at nilabas na ang binata. May dala siyang dalawang paying at ibinigay ang isa sa nobyo. Hindi ito pinansin ng binata at agad siyang niyakap ng mahigpit dahilan para mabitawan niya rin ang payong hawak niya.
Ramdam na ramdam niya ang pangingig ng binata habang umiiyak. Nilalagnat na rin ito dahil ramdam niya rin ang mainit na balat nito na dumidikit sa balat niya, para bang napapaso siya sa apoy sa init.
“Babe, let me explain,” umiiyak na pakiusap nito sa kaniya. Nalusaw ang mala-yelo niyang puso at pinapasok na ang binata sa bahay nila. Pinakinggan niya na rin ang paliwanag nito dahil hindi talaga ito mapakali hangga’t hindi nakakapagaliwanag sa kaniya.
Naabutan niya kasing may kahalikang ibang babae si Ronald sa isang party ng kaibigan nila. Hindi lang iyon kung sinong babae dahil alam ‘yun yung babaeng sobrang pinagseselosan niya. Ang first love ng nobyo niya.
Pero ayon nga sa binata ay lasing lang ang babae at inakalang siya ang boyfriend nito kaya hinalikan siya nito. Awang-awa siya sa itsura ng nobyo niya, nakokonsensya naman daw siya dahil nagkakaganun ito ngayon dahil sa katigasan niya. Kung saan ay nakinig siya sa paliwanag niya e ‘di sana’y hindi ito nagkasakit.
“Mahal na mahal kita Aiza, ikaw lang,” paulit-ulit na sambit ng binata hanggang sa mawalan na ito ng malay. Tinitigan niya ang maamong mukha nito habang paulit-ulit na sinasabi ang mga katagang iyon at hinawakan ang kamay nito. Hindi niya napigilan ang sarili at hinalikan ang noo ng binata, mahal talaga siya ni Ronald. Bakit ba parati niyang nakakalimutan iyon?
Hindi si Ronald gaya ng lolo at ama niya. Iyon ang dahilan kung bakit niya napiling mahalin ang binata. Inalagaan niya ang nobyo hanggang sa madaling araw, bukas pagkagising nila ay plano niyang sagutin na ang binata sa matagal na nitong inaalok na kasal sa kaniya. Dahil sa mga nangyari, ngayon ay sigurado na siya na ang binata lamang talaga ang nag-iisang mamahalin niya at ang kaniyang tanging pag-ibig sa buhay na ito. Panahon na siguro para magtiwala rin siya sa pag-ibig nito sa kaniya.