Inday TrendingInday Trending
Ang Paghahanap sa Nawawalang Sarili

Ang Paghahanap sa Nawawalang Sarili

“Happy birthday, Lindsay!”

“Yes naman, 23 na siya!”

“Tumatanda ka na, ineng! Hindi ka pa rin nakakatapos ng pag-aaral. Anong plano mo?”

“Bente tres ka na?! Aba! Bakit wala ka pang nobyong pinapakilala?”

Samu’t-saring pagbati ang natanggap ni Lindsay sa araw ng kanyang kaarawan. Karamihan dito ay message lamang sa Facebook o ‘di kaya naman ay text sa kaniya ng mga kakilala, kamag-anak, at kaibigan. Hindi na siya naghanda at nagpakain pa dahil para sa kaniya’y “matanda” na siya para sa mga salo-salo at dagdag gastos lamang iyon mula sa kaniyang pinaghihirapang ipon.

“Hay nako, tama sila. Bente tres anyos na ako pero wala pa akong nagagawa sa buhay ko. Tingnan mo nga! Ang mga kaklase mo noon, karamihan ay nagsisimula nang bumuo ng sariling pamilya. Iyong iba naman, nasa ibang bansa na at nagpapakadalubhasa! Heto pang isa, artista na ngayon sa TV! E dati nga ikaw ang muse sa klase ninyo. Muse na, presidente pa. Tapos, top 1 pa! Anyare, Lindsay?!” bulong ng dalaga sa sarili habang nagtitingin ng mga litratong ipinopost ng mga friends niya sa Facebook.

Hindi nakapagtapos ng kolehiyo si Lindsay. Simula nursery hanggang makatapos ng hayskul, nasanay na ang kanyang pamilya na palagi siyang nangunguna sa klase. Ilang kilo na nga ata ang mga medalyang naiuuwi niya noon mula sa mga parangal na napapanalunan niya. Kaya naman ganoon na lamang ang panlulumo ng lahat nang mabalitaang nais nang tumigil ng dalaga sa pag-aaral noong nasa ikatlong taon na niya sa kolehiyo.

“Hindi ko na kasi gusto ang course ko. Computer Science? Hindi naman ako magaling sa computer e. Kinuha ko lang iyon noon kasi akala ko kakayanin ko at ikakayaman ko. Ngayon, puro na ako bagsak mula sa mga propesor ko. Hindi na rin ako tinatanggap ng ibang kurso dahil nasa ikatlong taon ko na raw sa Computer Science. Kaya napag-isipan kong hihinto na lang muna ako,” iyan ang mga litanyang binitawan ni Lindsay noon sa kanyang mga magulang nang ipaalam niyang gusto niya munang tumigil sa pag-aaral.

Isang buwan matapos ang pagpapahinga sa bahay, naisipan ni Lindsay na pumasok muna bilang isang call center agent. Ito ay para na rin makaipon at makapagbigay-bigay sa kanyang tumatandang retiradong ama’t ina.

Ngayon nga’y isang taon na siyang nagtatrabaho doon ngunit ni singko ay wala pa siyang naiipon. Madalas kasi, dala ng konsensya, ay nagbibigay ng higit pa sa kailangan itong si Lindsay sa kanyang mga magulang. Napakalaki kasi ng panghihinayang niya na hindi niya maibigay ang mga ipinangako niyang grandiyosong pamumuhay sa mga ito. Kaya sa maliliit na bagay tulad ng pag-aabot ng pera na lamang siya bumabawi.

Kinabukasan, matapos ang kaniyang kaarawan ay maagang bumangon ang dalaga. Matapos ang magdamag na pag-iyak niya kagabi mula sa lahat ng kabiguang naranasan niya sa buhay ay desidido siyang bumangon at lumabang muli sa buhay.

“Sure na ako. Maghahanap na ako ng mapapangasawa ko! Ang tagal na rin magmula nang huli akong nagka-nobyo ‘no!” wika nito sa sarili. Agad niyang tinawagan ang kaibigang si Danica at sinabihang i-set-up siya ng date sa lalaking noon pa siya gustong makilala.

Mabilis namang naisakatuparan ang plano. Kinabukasan ay agad na lumabas ang dalawa upang magdate. Unang beses pa lamang nilang magkikita sa personal.

“Hi! I’m Lindsay, nice to meet you!” todo ngiting pakilala ng dalaga sa gwapong lalaking si Jacob.

“Uh… Hi! Ikaw ba talaga si Lindsay? Bakit parang nag-iba ang hitsura mo?” tila ba nag-aalinlangang sagot ng binata.

“Uhm, paanong nag-iba? Pictures ko mula noong college ba ang pinakita ni Danica sa’yo? Nako sorry, dala kasi ng stress sa trabaho e medyo tumaba ako,” paliwanag ni Danica. Mabilis na natapos ang kanilang date dahil halatang-halata sa binata na hindi niya nagustuhan ang itsura ni Lindsay.

Laking panlulumo namang umuwi si Lindsay sa bahay. Ngunit nang dahil sa pangyayaring iyon ay naisipan niya ang susunod niyang gagawin.

“Wow ha? Tinanggihan ako dahil pangit at mataba na ako ngayon? Puwes, humanda kayong lahat. Magta-transform ako! Balik alindog program na ito!” ganadong sigaw ng dalaga sa sarili habang tinititigan ang sarili sa salamin.

Sa loob ng dalawang buwan, nagpursigi si Lindsay na araw-arawin ang pagpunta sa gym upang magpapawis. Binawasan din niya ang matataba at matatamis na pagkain. Nagsimula rin siyang magpahid ng kung ano-ano sa mukha at katawan upang maibalik ang dati’y maputi at makinis na balat.

Ngayong magandang-maganda na siya, sinubukan niya muli ang makipagdate sa iba pang lalaki. Ngunit laking pagtataka niya dahil sa una’y halatang halos mapanganga ito sa taglay niyang ganda, ngunit matapos ang araw ay hindi na siya nito tinawagan pang muli.

“Alam mo? Maganda ka sana e. Kaso, ewan ko ba, hindi tayo click. Para kasing minamadali e,” tanging wika ng lalaki bago siya iwanan nitong mag-isa.

Nang makauwing muli, laking panlulumo na naman niyang tinitigan ang sarili sa salamin.

“Ano bang problema sa’yo? Bakit simpleng pagkakaroon ng boyfriend hindi mo magawa?!” at nagsimula na siyang humagulgol ang muli.

Gayunpaman, kinabukasan ay nagpasya siyang sumubok muli sa buhay. Sa pagkakataong ito, susubukan na niyang bumalik sa pag-aaral upang mabigyan muli ng karangalan ang kaniyang mga magulang.

“Kapag nakatapos ako ng kolehiyo, malamang ay magandang trabaho na ang makukuha ko. Matutupad ko na ang mga pangarap ko para kay mama at papa!” anito sa sarili.

Gamit ang inipong pera, pinilit at iginapang ng dalaga ang sarili na makatapos sa kursong hindi naman niya gusto. Ilang beses siyang bumagsak, ngunit sinubukan niyang muli ang kada subject na nasi-singko upang makatapos lamang. Kaya naman, sa wakas, makalipas ang dalawang taon ay nakapagtapos na siya ng kolehiyo.

Masayang-masaya ang pamilya ni Lindsay para sa kaniya. Ngunit kapansin-pansin sa mukha ng dalaga ang kakulangan ng ngiti. Agad itong kinamusta ng kanyang ama.

“Anak, bakit malungkot ka? Matagal mo na itong pinangarap ‘di ba?”

“Di ko alam, papa. Tingnan mo, ngayon pa lang ako nakatapos ng kolehiyo, pero tingnan mo ‘yong mga kasabayan ko noong hayskul ako. Ang layo na nila sa akin, sobra! Ang sakit. Ang hirap tanggaping napag-iiwanan na ako,” naluluhang sabi ng dalaga sa kanyang tatay.

“Hay nako, Lindsay. Anak nga kita! Dumaan din ako diyan noong kabataan ko,” natatawang sabi ng ama niya sabay yakap sa kaniya.

“Anak… Ang buhay ay hindi paligsahan o pabilisan. Hindi ito karera na kung sino ang mauna’y siya ang panalo. Tingnan mo kami ng mama mo. 38 years old na kami nang magkakilala, 42 ang mama mo noong ipinagbuntis ka niya. 45 kami noong unang beses na makabili ng bahay para sa ating mag-anak. 50 years old ako nang ma-promote sa isa sa pinakamatataas na posisyon sa opisina. Doon pa lamang nagsimulang gumanda ang pamumuhay natin,” wika ng ama ni Lindsay.

“Ang sikreto anak, matuto tayong makuntento sa kung ano ang mayroon sa kasalukuyan. Dahil ang mga bagay na hinihiling mo, kusang dumarating ‘yan sa buhay mo. Sipag at tiyaga, at pagdarasal sa Diyos ang recipe sa pagkamit ng kasiyahan sa buhay,” nakangiting sabi ng kanyang ama sabay yakap ng mahigpit kay Lindsay. Sinaluhan naman sila ng yakap ng inang kanina pa nakikinig sa usapan nila.

“Salamat, papa. Binuksan mo ang mga mata ko. Hinding-hindi ko na po ikokompara ang sarili ko sa iba. Ang galing talaga ng mama’t papa ko! I love you po!” lumuluhang sabi ng maligayang-maligayang si Lindsay.

Advertisement