Inday TrendingInday Trending
Espesyal na Alok ni Ganda

Espesyal na Alok ni Ganda

Araw ng linggo at matao ang restawran na pinagtatrabahuhan ni Raymond. Bugso kasi ang pasok ng mga customer sa ganitong araw. Kaya naman nang mabigyan ng kalahating oras na pahinga ay nahiga muna saglit sa maliit na silid si Raymond upang mag-check ng kanyang cellphone.

Habang nagtitingin-tingin sa Facebook, halos lumuwa ang mata niya nang makitang nag-chat sa kaniya ang isang napakaganda at napaka-seksing binibini.

“Aba! Kapag sinuswerte ka nga naman oh!” sambit ng binata habang todo ngiting binubuksan ang mensahe ng magandang dilag.

Kagabi lamang ay nagkaroon ng matinding pag-aaway si Raymond at ang kanyang kasintahang si Riza. Buong araw iniisip ni Raymond ang kasintahan kaya naman labis ang tuwa niya nang may isang magandang babae ang kusang lumapit sa kaniya. Sa isip-isip niya’y pansamantala niyang makakalimutan ang mga problema niya.

“Hi, kuya! Ang pogi mo naman!” pambungad na chat ng babae. Ang pangalan nito sa Facebook ay Hazel.

“Hello, Hazel! Grabe, hindi naman ako masyadong gwapo. Pero ikaw, talagang maganda!” reply ni Raymond dito.

“Ay, salamat po! Hehe. May girlfriend ka ba, kuya?” reply ni Hazel.

Sasagot na agad sana si Raymond nang bigla na lamang niyang naalalang tapos na ang kalahating oras na pahinga niya, kaya naman ipinasok niya muna ang cellphone at bag sa locker at saka nagmadaling bumalik sa trabaho.

Sabik na sabik nang matapos sa trabaho si Raymond upang ipagpatuloy ang usap nila ng dalaga. Kaya naman nang magsara na ang restawran saktong alas otso ng gabi ay dali-dali itong pumunta sa kaniyang locker at binuksan ang kanyang cellphone. Nagliwanag muli ang mga mata niya nang makitang “Active Now” ang status ng babae sa chat.

Raymond: “Uy, sorry! Late reply! Bumalik lang saglit sa trabaho. Hehe. Girlfriend? Ang katunayan, mayroon. Kaso nag-away kami kagabi e. Ayos lang ba ‘yon sa’yo?”

Hazel: “Ayun! Saktong-sakto! Hanap ko nga e yung may mga girlfriend e. Hehe.“

Napangiti naman itong si Raymond. “Aba, maloko itong isang ‘to ah,” bulong niya sa sarili.

Raymond: “Pasensiya ka na kung medyo mabagal akong mag-reply ha. Nasa biyahe kasi ako pauwi. Pero tanong ko lang, bakit mo ako kinakausap dito sa Facebook?“

Hazel: “Ayos lang kuya. Ingat ka ha? 😉 Uhm, ang totoo niyan, may iaalok kasi ako sa’yo…”

Napalunok naman si Raymond sa nabasa. Kung ano-ano nang imahe ang umiikot sa utak niya nang dahil sa sinabi ng babae.

Raymond: “Ano ‘yon? Magugustuhan ko ba ‘yan? 😉“

Hazel: “Oo naman! Kung gusto mo nga ay mag-video chat tayo e. Ipapakita ko sa’yo LAHAT! Siguraduhin mo lang na wala ang girlfriend mo ha para ‘di niya makita.”

Nang mabasa iyon, nagmadali nang makauwi si Raymond. Nag-taxi pa ito upang makasigurong dalawampung minuto lamang ay makauwi na siya sa kaniyang inuupahang apartment.

Agad pumuwesto si Raymond sa kanyang kama. Tuwang-tuwa ito dahil wala nga ang nobya niyang si Riza roon.

Raymond: “Hi! Bahay na ako. Game! Ipakita mo na lahat!”

Hazel: “Ready ka na, sir?”

Raymond: “Ready-ng ready!”

Napanganga si Raymond nang buksan ng babae ang kanyang camera. Bumulaga sa kanya ang sandamakmak na make-up products na nakasalansan sa harap ng babae. Ngiting-ngiti naman si Hazel habang ipinapaliwanag kung para saan at kung magkano ang kada produktong hawak niya.

“Heto, sir! Concealer ito. Inilalagay ito sa ilalim ng mata. Magugustuhan ito ng girlfriend niyo! Nako, lalong-lalo na ngayong magkaaway kayo. Kapag niregaluhan niyo siya nito? Tiyak magbabati agad kayo! Murang-mura lang!” wika ni Hazel.

Tuluyan namang napakamot ng ulo si Raymond at nagtiyaga na lamang na makinig sa mga inaalok ng babae. Mali pala ang akala niya. Maling-mali! Napagtanto niyang kaya pala nagtatanong ito noong una kung may nobya siya!

Maya-maya pa’y bigla na lamang tumunog ang pintuan at dumating ang kanyang nobyang si Riza.

“Ano ‘yan? Wow babe! Ibibili mo ba ako niyan? Napaka-sweet mo talaga! I love you so much!” tuwang-tuwang sabi ni Riza sa nobyo habang niyayakap siya nito.

“Hi, ma’am! Nako, sabi ko kay sir huwag itong ipakita para masurpresa ka sa mga regalo niya e. Tiyak na magugustuhan niyo lahat ito! Diba sir, bibilhin niyo ito lahat? P4,500.00 lang!” sabi ni Hazel sa video chat.

Natatawa-tawa na lamang na tinanggap ni Raymond ang alok ni Hazel. Naisip niyang mabuti na nga lamang at ganoon lang ang alok ng babae at hindi iyong iniisip niya kanina. Sa yakap kasi ni Riza ay naramdaman niyang muli at naalala kung gaano niya ito kamahal. Naging mainitin lamang ang ulo nila noong nakaraang gabi at hindi iyon dahilan upang magloko siya.

Natapos ang usapan at kinabukasan ay nakuha na nga ni Raymond at Riza ang mga make-up na nabili nila mula kay Hazel. Natatawa na lamang si Raymond kapag naaalala ang mga pangyayari. Ngunit simula noon ay hinding-hindi na niya sinubukang makipagchat muli sa kahit na sino. Dahil sigurado siya sa kanyang puso na si Riza lang ang mamahalin nito.

Advertisement