Hindi maipaliwanag ni Archie kung gaano kalakas ang kabog ng dibdib niya. Pigil ang kaniyang hininga at hindi niya na maramdaman kung umiikot pa ba ang mundo. He was silently praying, wishing for a miracle to happen right at this very moment.
Nananatiling nakadikit ang kaniyang tuhod sa sahig, ang dibdib niyang malakas at mabilis ang pagpintig, at ang kamay niya’y naiwang nakabitin sa ere habang hawak ang hindi kamahalang alay para sa pinakamamahal niyang babae.
“Will you marry me, Mandy?” sa pangalawang beses ay inulit niya ang tanong niya kanina. Ngunit sa pagkakataong ‘to ay nagmamakaawa na ang kaniyang hitsura.
Wala siyang pakialam kung magmukha man siyang desperado sa ginagawa niya!
Apat na taon niya nang girlfriend si Mandy. Bukod pa roon ang ilang taong panliligaw niya sa dalaga. Hindi siya ang pinakamagandang lalaking nanligaw sa kay Mandy, hindi rin pinakamatalino—o ang pinakamayaman. Pero, siya ang pinalad at sinuwerte sa matamis na “oo” ng dalaga.
Kinakabahan siya. Sa bawat segundong nananatiling tikom ang bibig ng dalaga ay para bang binibiyak ang buong pagkatao ni Archie. Kailangan niya ng matinding swerte sa pagkakataong ‘to.
“Sana, swertehin ulit ako,” hiling niya sa kaniyang isip.
“A-Archie…” nanginginig ang boses ni Mandy kaya lalo siyang kinabahan. Nakita niya ang unti-unting pamumuo ng luha sa mga mata ng dalaga. Yumuko ito at pinahid ng kamay ang luhang nag-uunahang maglandas sa kaniyang makinis at mamula-mulang pisngi bago siya nagpatuloy sa pagsasalita, “Archie, I’m so—”
Ngunit naputol iyon ng ilang sunod-sunod na katok mula sa pintuan.
“Tao po?!” dinig nilang sigaw ng isang babae sa labas. Doon ay nakahinga si Archie nang maluwag. Naudlot ang sana’y pagbagsak ng mundo niya. Sa isip niya ay naririnig niya na kasi ang kasunod pang mga katagang sasabihin ng nobya at ayaw na sana niya iyong marinig pa.
Dali-dali siyang tumayo nang walang pasabi para pagbuksan ang kumakatok… at para na rin putulin ang usapang nakatakdang magpa-iyak sa kaniya mamaya.
“Magandang hapon, hijo. Bukas ang gate n’yo kaya pumasok na ako,” bungad ng babaeng may dala-dalang bag na nakasabit sa kaniyang balikat. May inilabas itong kung ano roon at nahuhulaan na niya kaagad na mag-aalok ito ng paninda sa.
“Aalukin lang sana kita nito,” at itinaas na nga nito ang isang kulay pula at makintab na bato. Katulad ito noong mga nauuso ngayong paninda sa bangketa. Mga ‘di umano’y lucky-charm daw o pampaswerte. “Gusto mong swertihin, hindi ba? P’wes, ito na ang sagot. Kumuha ka ng isa at ang lahat ng hiling mo’y matutupad na,” saad pa ng matanda.
“Ano, kukunin mo ba?”
Nagdadalawang isip si Archie. Ang totoo’y kailangan nga niyang suwetehin ngayon. Natutukso na siyang bumili ng paninda nito… ngunit biglang nagbago ang isip ni Archie.
“Gugustuhin ko bang makuha si Mandy, nang dahil lang sa lucky charm?” tanong niya sa sarili. Umiling-iling ang binata.
“Hindi na ho, Manang,” sa huli ay hindi rin siya kumuha ng pampasuwerte.
Para kay Archie, mas maiging nakukuha mo ang mga bagay-bagay kung pinaghihirapan mo ito. Huwag mong ipilit kung hindi ayon ang gusto mo sa nangyayari, dahil hindi naman pwedeng masaya lang ang buhay. Talagang daraan tayo sa pagsubok.
Sa sitwasyon niyang ito, alam naman niyang ginawa niya ang lahat para makuha ang matamis na oo ni Mandy…ngunit kung hindi papalarin, tulad na rin ng inaasahan niya’y wala siyang ibang magagawa kundi ang tanggapin iyon, dahil ’yon ang dapat.
Huminga ng malalim si Archie, pagkatapos ay muling bumalik sa puwesto niya kanina. Muli siyang lumuhod at humarap sa ngayon ay umiiyak nang nobya.
“Mandy,” tawag niya sa pangalan nito. Handa na siyang tanggaping hindi sila para sa isa’t isa, nang magulat siya dahil bigla siyang hinalikan nito!
“M-Mandy?”
“Oo, Archie, oo!” natutuwang sigaw ng nobya at muli ay hinagkan siya. Niyakap din siya nito ng mahigpit. “Napakasuwerte ko sa ’yo, Archie. Ikaw lang ang lalaking mamahalin ko. Sa buong panahon ng pagsasama natin ay ipinaramdam mo sa akin kung paanong mahalin nang totoo. Matagal na nga kitang hinihintay na mag-propose, kaya lang, ang bagal mo. Akala ko nga, ’di mo na gagawin ’to, e.”
Nagulat siya sa tinurang iyon ni Mandy.
Ang ibig sabihin, hindi na pala niya kailangan ng lucky charm o pampasuwerte? Dahil sapat nang ginawa niya ang lahat nang makakaya upang makamit ang minimithi niya!
Ito ang tunay na swerte!