Mula noong nauso ang Facebook ay naa*dik na rin si Micah roon. Halos kalahati ng araw niya ay nakatuon na lamang ang pages-cellphone. Minsan pa ay napapabayaan niya na ang nag-iisang anak dahil masyado siyang abala sa kaka-swipe, chat, videocall sa kung kani-kanino. Hindi na iyon nagugustuhan ng kanyang asawang si Carlo, tahimik lamang itong nagmamasid sa kanya habang panay ang bungisngis niya habang nakaharap sa kanyang cellphone.
Isang araw ay hindi na ito nakatiis at sinita na siya.
“Ano ba naman ‘yan Micah, wala kanang ibang inaatupag kundi iyang cellphone mo! Baka nakakalimutan mong may asawa’t-anak kang dapat asikasuhin.” galit na sambit nito.
“Ito naman parang ano!” pabagsak niyang wika habang nanghahaba ang nguso at nang-iirap ang mga matang nakatingin kay Carlo. “Alam naman niyang katuwaan lang ‘to.” pagdadahilan pa nito.
“Katuwaan mo lang, pero hindi na ako natutuwa sa ginagawa mo,” asik ni Carlo. “Tignan mo nga ‘yan anak mo o! Ang yagit-yagit nang tignan, wala kapang sinaing dahil panay ngisi ka lang d’yan sa cellphone mo!”
“Oo na! Kasi pwede namang siya na magpaligo,” reklamo parin nito.
“Nahihibang ka na ba? Ako na nga nagtatrabaho, ako pa gagawa ng mga gawaing bahay? Anong ginagawa mo dito, iyan lang? Kulang nalang ingudngod mo na ‘yang mukha mo sa cellphone mo! Umayos ka lang Micah. Baka kapag napuno ako sa’yo, ako na mismo ang lalayas.” pananakot pa niya na hindi man lang kinatakutan ng asawa.
Alam kasi nitong hindi niya kayang gawin ang sinasabi dahil sa anak nila. Ayaw niyang magkaroon ito ng wasak na pamilyang katulad niya, ngunit napupuno na talaga siya sa asawang wala ng inatupag kundi ang cellphone. Minsan nga ay naiisip niyang basagin na lamang ang cellphone nito upang maalagaan na nito ang anak nila.
Maagang umuwi si Carlo galing sa trabaho nang bigla na lamang siyang salubungin ni aling Minda.
“Hoy! Carlo, ang Misis mong si Micah sinundo rito ng isang kano. Kaya iniwan na lamang niya ang anak niyong si CJ sa’kin.”
“Ano po?” para siyang nabingi sa sinabi ni aling Minda. Nasaan daw ulit ang asawa niyang si Micah?
“Ang sabi niya’y sasama na muna siya sa ka-chat niyang kano. Ang sabi pa niya’y isang araw lang daw siyang mawawala.”
“Saan daw sila pupunta aling Minda?”
“Iyon ang hindi ko alam, Carlo.”
Hindi niya maintindihan ang nararamdaman sa mga oras na iyon. Kinarga niya ang isang taong gulang niyang anak na si CJ at mahinang naglakad pauwi sa bahay nila. Pakiramdam niya’y sa kanya nakatingin ang lahat, sinusundan ang bawat lakad niya at pinagtatawanan, pinag-tsisismisan.
Kinuha niya ang cellphone at tinignan ang status ng kanyang mahal na asawa. Napamura naman siya ng mariin ng makita ang pinost ni Micah, kasama ang kano na kasama nito, malawak na ngiti sa labi, animo’y dalaga at walang asawa’t-anak. Mukhang nasa isang beach ang dalawa at nagpapakasaya. Nasasaktan siya at animo’y sinasaksak at pinapadugo ang kanyang puso habang inaasinan.
“Nak, d’yan kana muna ah. Mag-eempake lang si Papa,” kausap niya sa kanyang anak, tanging ngiti at tango lang ang isinagot nito na para bang naiintindihan nito ang sinasabi niya. Nagsimula na siyang iligpit ang damit nila ni CJ, sinuguro niyang wala siyang ititira. Upang wala na siyang babalikan.
Masaya namang umuwi si Micah ng araw na iyon. Isang araw lamang ang inilaan niya sa piling ni Russel, magkasama lamang sila nito pero walang nangyari sa kanila. Sinamahan lamang niya ito para makapamasyal. Ni-libre siya ni Russel at wala siyang ginastos ultimo piso, iyon kasi ang pangako nito noong nagkaka-chat pa lang sila. Basta daw samahan lang siya at i-introduce ang magagandang beaches ng Pinas.
Dumiretso siya kay aling Minda upang kunin ang anak na iniwan. Ang alam niya kasi ay hindi uuwi si Carlo ng araw na iyon dahil sabi nito ay mag-oover night ito sa trabaho.
“Aling Minda,” tawag niya.
“O! Micah, kumusta naman ang isang araw na bakasyon?”
“Ayos naman po. Masaya,” nakangisi niyang sambit. “Si CJ po, kukunin ko na. Salama–”
“Naku! Kahapon pa siya kinuha ni Carlo, Micah.”
“Ano po? Umuwi si Carlo kahapon?” gulat niyang wika.
“Oo. Kinuha niya na si CJ,” anito.
“Ah, gano’n po ba? Sige salamat po aling Minda,” aniya at agad ng naglakad pauwi sa kanila.
Sarado ang bahay nang dumating siya. Nakasara iyon pero hindi naka-lock kaya agad niyang tinulak ang pintuan para bumungad lamang sa kanyang paningin ang walang laman na nilang bahay. Napatakbo siya sa kwarto nila upang kumpirmahin ang hinalang umalis ang kanyang mag-ama. Laglag ang balikat ng makita niyang wala nang laman ang kanilang aparador.
Sa gilid ng maliit na mesa ay nakita niya ang nakatuping papel. Agad niya iyong binasa.
Micah,
Alam kong marami akong pagkukulang sa’yo. Pero hindi iyon sapat na dahilan para lokohin mo ako, para iputan ako sa ulo. Huwag kang mag-aalala aalagaan ko ang anak natin na si CJ.
Hangad ko ang iyong kaligayahan, paalam.
Nag-unahang tumulo ang kanyang luha. Iniwan siya ng kanyang asawa ng hindi man lang niya naipapaliwanag ang sariling dahilan. Ang buong akala nito ay tuluyan na siyang sumama kay Rusell.
Kapag may asawa kana ay dapat open kayo sa isa’t-isa upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan. Dapat ay alam niya ang bawat hakbang na nais mong gawin o kahit ang desisyong naiisip mo palang. Kung may asawa kana ay hindi kana nag-iisa, dalawa na kayo.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!