Labis ang Inis ng Dalaga Dahil sa Pakikialam ng Lola Niya Kaya Naman Nasigawan Niya Ito; Napaluha Siya nang Makita Itong Naghihintay sa Kaniya

“Eh kasi naman si lola napakapakialamera! Sinabi ko naman kasi na huwag niyong gagalawin yung kwarto ko eh. Ngayon tuloy hindi ko mahanap yung mga papeles na iyun. Napaka importante pa naman nun,” reklamo ni Melissa habang hinahanap ang mga papeles na kinakailangan niya para sa isang transaksyon niya sa trabaho.

Nilinis kasi ng lola niya ang kwarto niya kaya naman ngayon ay hindi rin nito maalala kung saan nito nailagay ang mga nasabing papel. Parati kasing abala ang dalaga sa kaniyang trabaho kaya naman halos wala na itong oras para linisin ang sariling kwarto kaya naman naisip ng lola niya na linisin na ito para sa dalaga.

Pero imbis na matuwa ay nainis pa si Melissa dahil sa ngayon ay hindi niya na mahanap ang mga gamit niya. Kahit naman kasi makalat ay alam niya kung nasaan ang mga bagay-bagay na kailangan niya. Makalat man sa paningin ng iba ay alam naman ng dalaga kung saan niya inilalagay ang kaniyang mga gamit para naman madali lang para sa kaniya ang hanapin at kunin ito kung kinakailangan niya na.

Nang sa wakas ay mahanap na rin ng dalaga ang mga nasabing mga papeles ay agad din itong umalis at nagtungo na sa trabaho para gawin ang nasabing transaksyon. Napabuntong hininga na lamang ang kaniyang lola habang nakatingin sa papaalis na apo.

Napakalaki na ng pinagbago ng dalaga simula nang ito’y bata pa. Simula ng nagsimula itong magtrabaho ay unti-unti itong nagbago at naging mainitin ang ulo. Para bang nawala na ang malambing niyang apo na laging nakatawag ng lola. Labis naman itong ikinalulungkot ng matanda.

Pagkauwi ni Melissa ay nadatnan niya ang kaniyang lola na nasa kwarto niya at mahimbing na natutulog sa kama niya, mukhang nakatulog ang matanda sa kahihintay sa kaniyang makauwi. Tiningnan niya ang mukha ng matanda ng ilang minuto.

Hindi niya pala napansin na matanda na pala talaga ang lola niya. Labis siyang naging abala sa kaniyang paglaki kasabay ng paglaki rin ng kaniyang mundo, hindi niya napansin na tumatanda na din pala lalo ang kaniyang lola.

Siya ang pinakapaborito nitong apo. Simula pagkabata niya ay parati niya itong kasama, saan man magpunta ang lola niya parati siya nitong isinasama. Lahat nang hingin niya o gustuhin niya ay ibinibigay sa kaniya ng matanda. Labis-labis ang pagmamahal sa kaniya ng kaniyang lola kaya naman ito rin ang pinaka paborito niyang tao sa mundo. Mas madalas din niya kasi itong kasama kaysa sa sarili niyang mga magulang.

Advertisement

Simula ng ipinanganak siya hanggang sa magkatrabaho na siya ay parating nandyan ang kaniyang lola at parating nakaalalay sa kaniya. Ito ang nag-aasikaso sa lahat ng kaniyang mga pangangailangan sa araw-araw.

Ang naghahanda ng kaniyang pagkain araw-araw, naglalaba ng kaniyang mga damit, nag-aalaga sa kaniya tuwing siya ay may sakit at taga-pagpalubag ng kaniyang loob sa tuwing masama ang kaniyang loob.

Kinumutan niya ang matanda at hinalikan sa noo nito ng maalimpungatan ito.

“Oh apo, nakauwi ka na pala. Kanina pa kita hinihintay eh, pasensiya na at nakatulog si lola,” paghingi pa ng paumanhin nito sa dalaga.

“Okay lang po lola. Matulog lang po muna kayo kung gusto niyo. Nandito na naman na po ako eh,” sagot niya sa matanda.

“Nako hindi na, apo. Babalik na lang din ako sa kwarto ko para makapagpahinga ka rin ng maayos. Hinintay lang talaga kita para humingi ng paumanhin sa nangyari kanina. Pasensiyahan mo sana si lola kung pinakialamanan ko yung mga kwarto mo. Nais ko lang namang maging malinis ang iyong silid ng sa ganun ay maaliwalas ang iyong paligid para hindi rin magulo ang isip mo sa tuwing titingin ka sa mga kalat. Alam ko naman kasing masyado kang abala sa trabaho kaya wala ka nang oras para makapaglinis ng kwarto mo. Nais lamang ni lola na makatulong sayo apo,” hinawakan ng lola niya ang kaniyang kamay ay dahan-dahan itong hinimas-himas gaya ng madalas nitong gawin sa tuwing pinapalubag nito ang kaniyang loob.

“Alam mo namang mahal na mahal ka ng lola ‘di ba?” dugtong pa ng matanda ng biglang may tumulong luha sa mga mata nito.

Bigla namang nakonsensya ang dalaga sa nakita sa kaniyang lola. Hindi niya man lang naisip na baka labis na damdamin ng lola niya ang kaniyang mga sinabi sa sobrang pag-aalala niya na hindi niya maisagawa ang transakyon kanina.

Advertisement

“Hindi po lola, ayos lang po iyon. Ako nga po ang dapat humingi ng paumanhin sa inyo sa inasta at mga nasabi ko kanina eh. Nadala lamang po ako ng takot dahil sa sobrang pag-aalala na hindi ko magawa yung transakyon kanina. Napakahalaga po kasi nun sa trabaho ko eh, at saka sobra po ang hirap ko para lamang makarating sa puntong yun kanina. Hindi naman po ako nagagalit sa inyo eh, sa totoo lang ay sobra po akong nagpapasalamat sa inyo kasi kahit hanggang ngayon ay hindi niyo pa rin ako pinapabayaan at iniiwan kahit na ang laki-laki ko na. Nandyan pa rin po kayo at hindi nagsasawang alagaan ako,” puno ng sinseridad na saad niya sa kaniyang lola at niyakap ito ng mahigpit.

Hindi na pinabalik ni Melissa ang kaniyang lola sa kwarto nito at pinatabi na sa kaniya sa pagtulog, gaya noong maliit pa lamang siyang bata ay mahimbing silang natulog na magkayakap.

Simula nang gabing iyon ay unti-unti nang nagbago muli ang dalaga. Mas binibigyan niya na ng pansin ang kaniyang lola at sinisigurado niyang may oras na siya para sa matanda. Ginawa niya ang lahat para mapasaya ang kaniyang lola, sukli man lamang niya sa lahat ng pagmamahal at pag-aaruga na ibinigay nito sa kaniya.