Inday TrendingInday Trending
Nagtaka ang Lalaki Kung Saan Dinadala ng Misis Niya ang Perang Hinihingi Nito Palagi, Napaiyak nalang Siya nang Malaman ang Pinaggagawa ng Babae

Nagtaka ang Lalaki Kung Saan Dinadala ng Misis Niya ang Perang Hinihingi Nito Palagi, Napaiyak nalang Siya nang Malaman ang Pinaggagawa ng Babae

Sampung taon ang agwat ni Dj sa misis niyang si Sharen at alam niya kung anong sakripisyo ang ibinigay ng babae para sa kanya.

19 lang noon ang dalaga at 29 naman siya. Nagkakilala sila sa tindahan niya ng mga school supplies na malapit lamang sa eskwelahan na pinapasukan ng dalaga noon.

Alam ni Dj na nagpakasal ito ng maaga sa kaniya kahit alam niyang hindi pa ito ganoon kahanda. Aminado siya na takot siya noon na maagaw pa sa kanya ang asawa, kaya agad niya itong niyayang magpakasal. Pag sinuswerte nga naman ay hindi siya nabigong makuha ang matamis nitong oo.

Nagdalangtao si Sharen kahit wala pa sa plano nilang mag-asawa ang magkasupling agad pagkatapos ng kasal. Gayon pa man ay kitang kita niya ang pagbabago sa babae.

“Ma, gusto ba i-formula milk na lang natin si baby?” tanong ni Dj sa kanyang misis.

“Hindi na, mas maganda ang breastmilk sa baby. Tsaka para diaper lang ang gastos natin. Lalo na ngayon na huminto na ako sa aking trabaho e mas hihigpit ang pinansyal natin. Wala na akong pangshopping,” biro ni Sharen sa kaniya.

Nasa tuktok ng karera ang babae pero huminto ito sa pagtatrabaho para matutukan sila ng kanilang supling.

Nararamdaman naman ni Dj na mahal siya ng kanyang asawa ngunit hindi rin maalis sa kanyang isipan na kaya siya nagustuhan ng dalaga noon dahil sunod ang luho nito sa kanya.

“Beb, ang ganda ng pink na bestida. Bagay siguro yon sa akin,” pahiwatig ng kanyang misis.

Hindi man direktang nagpapabili ang misis niya noon ay mahilig naman itong mag parinig ng mga gusto niya at dahil nasanay narin siguro ang babae na bibilhin rin ito ng kanyang mister.

Ngunit nitong mga nakaraan na wala ng trabaho ang misis niya at nag-aalaga nalang sa kanilang anak ay napapansin niyang nagiging maluho ito ng lubusan.

“Pa, bigyan mo ako 1,500 may bibilhin lang ako.” Wika ni Sharen sa asawa.

“Ano po ang bibilhin ng maganda kong misis?” malambing na tanong niya rito.

“Kung ano-ano lang, madami na akong na add to cart sa Shopee at lazada,” baling ng misis niya at tumawa lang siya.

Noong una ay naiintidihan pa ni Dj ang asawa. Iniisip niya na baka ito ang daan babae pampawala ng inip at pagod sa bahay dahil wala naman silang kasambahay. Si Sharen lahat. Si Sharen ang nagluluto, naglalaba, namamalengke at higit sa lahat ay puyat na nagpapadede sa kanilang anak.

“Ma, ito pera o. Baka may gusto kang bilhin,” saad niya sa kanyang misis. Dahil pag nakikita kasi niya itong hirap na hirap na. Binibigyan na lamang niya ito ng pera para mabili ang mga gusto nito at hindi laging pagod sa bahay. Iyon narin ang pinakapasasalamat niya sa asawa.

“Pa, dagdagan mo pa 500,” baling ni Sharen.

“Ma, 2,000 na yan. Kulang paba? Ano ba mga binibili mo at di ko naman nakikita dito sa bahay na may bago kang gamit o pagkain,” malumanay na tanong ni Dj sa asawa.

“Madami kaya. Tsaka ito na nga lang hinihingi ko sayo e. Kung may trabaho lang ako binigyan pa kita ng pera,” galit na sagot ni Sharen.

Pinalipas na lamang ni Dj ang pangyayaring iyon. Hindi niya ito binigyan ng karagdagang pera. Ngunit mas lumala ang asawa niya.

“Ma, nawawala yung pera sa wallet ko. 3,000 yun. Kinuha mo ba?” tanong ni Dj kay Sharen.

“Oo kinuha ko, bakit may reklamo ka?”matapang na sagot ng babae.

“Hindi naman ako galit. Nagtatanong lang ako. Yun nalang kasi ang pera ko medyo matumal ang benta ngayon. Ipambibili ko sana ng diapers ng anak mo iyon. Kung kailangan mo ng pera pwede ka naman humingi sa akin diba,” baling ng lalaki sa asawa.

“Hindi ko naman inaaksaya yang pera mo wag ka mag-alala. Mag-intay kalang ibabalik ko lahat yan sayo.” Sagot naman agad ni Sharen at umalis para mamalengke.

Sa sobrang bwisit ni Dj ay hinalukay niya ang mga gamit ni Sharen para makita kung ano ba ang mga pinagbibili ng asawa nito. Binuksan niya ang mga aparador, tukador. Itinaas ang kama. Tinignan sa damitan ng kanyang anak pero wala.

Hangang sa sumuko siya kaya balak na lang niyang makipag-away pagbalik ng babae.

Kinuha niya ang tuwalya at kumuha rin ng bagong salawal na maisusuot. Pagkapa niya sa ilalim ay may nakita siyang papel. Nakalagay ay “Retirement Plan for Mr. Dj Balohop” at tinignan niya ang mga petsa na nabayaran ito. Napagtanto niya na ito ang mga perang hinihingi sa kaniya ng asawa. Napaluha na lamang siya.

“O nakita mo na pala yan. Anniversary gift ko sana para sayo. Hindi ko pa tapos bayaran pero sana matuwa ka.” pahayag ni Sharen.

“Bakit di mo sakin sinabi na dito pala napupunta lahat ng perang hinihingi mo?” tanong ni Dj sa asawa.

Umupo ito sa tabi niya at niyakap siya patalikod. ” Lagi mo nalang kasi kami inuuna. Kahit wala ng matira sayo ay ayos lang. Sobrang sakit sakin bilang asawa mo na wala akong nagagawa o natutulong lalo na sa pinansyal natin. At nakikita kong tumatanda na tayo. Lalo na ikaw. Gusto ko lang naman na pag huminto ka sa trabaho ay may pera kang magagamit na pinaghirapan mo rin naman,” saad ni Sharen sa mister habang umiiyak.

“At saka wag mong isipin na pera mo lang minahal ko. Aaminin ko na hindi kita ganon kamahal noon pero simula ng dumating sa’tin si baby ay nagbago lahat yun. Mahal na mahal kita Dj at nagpapasalamat akong kinasal ako sa isang katulad mo.” dagdag pa niya.

Humarap si Dj sa kaniyang asawa at hinalikan ito sa labi.

Simula noon ay natuto si Dj na magtabi para sa kanilang mag-asawa at sa pagtanda nila. Si Sharen naman ay bumalik na sa trabaho nang lumaki na ang kanilang anak. Natapos na rin niyang bayaran ang retirement plan na kinuha para sa asawa.

Ginagawa ito ni Sharen dahil ayaw niyang dumating ang araw na mahina na sila ng kanyang mister at ipapasalo nila ang mga intindihin sa kanilang anak. Dahil ang anak ay binigay ng Diyos hindi para alagaan ang magulang kundi para ang magulang ang mag-alaga sa anak.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!,

Advertisement