Umiiyak si Elise habang nakayapos sa binti ng nobyo niyang si Nate. Humahagulgol siya’t nagmamakaawang huwag siyang iwan ng nobyo.
“Please, Nate, please! ’Di ba, sabi mo, mahal mo ako? B-bakit iiwan mo ako?” pagsusumamo niya rito.
“K-kung gusto mo… kung gusto mo, papayag akong dalawa kami sa puso mo, Nate, just please don’t leave me!”
“Sorry, Elise pero tapos na tayo.”
Inalis ni Nate ang pagkakayapos niya sa binti nito at nagpatuloy na sa pagtalikod, hanggang sa naglakad na ito palayo. Naiwan ang dalagang nakalugmok sa sahig ng kaniyang kwarto na halos maubusan na ng tubig sa katawan ng dahil sa kaiiyak.
Sa totoo lang ay hindi ito ang unang beses na naranasan niya ito. Pang-ilang nobyo na rin niya si Nate ngunit tulad ng iba ay iniwan din siya nito. Akala niya kasi ay iba si Nate sa lahat… na ito na ang lalaking magsasalba sa kaniya mula sa pagkalugmok ngunit hindi pala. Hindi pa rin pala.
Isang buwan din ang nakalipas ngunit nananatiling malungkot si Elise. Palagi siyang nakakulong sa kwarto at doon ay umiiyak.
“Inay Victoria, si Elise ho?” narinig niyang tanong ng isang tinig sa labas ng kaniyang kwarto, isang araw. Hindi pa man nakikita ng dalaga ay kilalang-kilala na niya kung sino ang may-ari noon at iyon ay ang bestfriend niyang si Max.
“Naku, ikaw pala, hijo. Naroon sa kwarto si Elise, pakipuntahan mo nga’t hindi pa iyon lumalabas mula kanina,” may himig ng pag-aalalang sagot naman ng kaniyang ina.
Hindi nga lumipas ang isang minuto’t binubuksan na ni Max ang pintuan ng kaniyang kwarto. Nakadapa siya sa kama kaya hindi niya napansing nakalapit na pala ito sa kaniya.
“Hoy, babae, ano’ng dinadrama-drama mo riyan?” tanong nito matapos niyang maramdaman ang paglundo ng kaniyang kama, tanda na umupo si Max sa tabi niya.
“’Wag mo muna akong kulitin, bakla. Broken hearted ako. Can’t you see?” Iniharap pa ni Elise ang mukha niya upang ipakita ritong namamaga ang kaniyang mga mata.
“May bago pa ba riyan? E, lagi ka namang broken hearted! Saka, tigil-tigilan mo nga ang pagtawag sa akin ng bakla. Gusto mo lang yata ng kiss, e!” pabiro pang sabi ni Max. Alam niyang pinagagaan lamang nito ang loob niya. Ang totoo’y hindi naman bakla si Max. Tinatawag lang niyang ganoon ito dahil mas conservative pa sa kaniya ang kaibigan, kahit naturingang siya ang babae sa kanila.
Maya-maya’y sumeryoso ang mukha ni Max. Nakadapa pa rin si Elise sa kama kaya’t hinila nito ang braso niya upang iupo, pagkatapos ay bumuntong-hininga.
“Elise, makinig ka na sana sa akin this time, okay? Huwag ka munang mag-boyfriend. Hanapin mo muna ang sarili mo. Kaya ka iniiwan, e!” panenermon ng lalaki.
“Bakit? Ano ba ang kailangan kong hanapin? Pangit ba ako? Kailangan ko bang magpaganda? Bakit ba lagi na lang akong iniiwan, Max? Bakit ba?!” Muli siyang napahagulgol ng iyak.
“Ang hilig mo kasi sa lalaking mahilig lang maglaro! Isa pa, sino ba naman ang gustong magmahal ng babaeng hindi rin naman mahal ang sarili niya? Wala, Elise, wala!”
Natigilan si Elise sa sinabi ni Max. Nabigla siya. Sa tagal na nilang magkaibigan ay ngayon lang ito nakapagsalita ng ganoon sa kaniya.
“A-ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya sa binata.
“Tingnan mo ang sarili mo, Elise. Sa tingin mo ba, pisikal na anyo ang mali sa ’yo? Hindi! Maganda ka, sexy… pero napaka-insecure mo. Magmula nang iwan ka ng first boyfriend mo, pakiramdam mo, ipagpapalit ka na ng lahat ng lalaki sa iba. Kaya ang ending, ibinibigay mo sa kanila ang lahat. Wala ka nang itinitira sa sarili mo,” tila galit ang hitsura ni Max ngunit naroon pa rin ang pag-aalala sa mukha nito.
“Akala mo ba, gusto ng mga lalaki ’yong halos ikaw na lang ang nagbibigay? Iyong kahit pangkain n’yo sa tuwing magde-date kayo, ikaw pa ang nagpo-provide? No, Elise! Masakit sa ego namin ’yon! Isa pa, matuto kang magtiis. Kung mag-aaway kayo ng boyfriend mo, huwag ikaw ang laging manuyo! Ikaw ang babae Elise, hindi ikaw ang laging dapat maghabol. Magiging maayos lamang ang relasyong pinapasukan mo kapag natuto ka nang tumanggap! Hindi iyong puro bigay ka lang, dahil sa huli, ikaw rin ang kawawa!”
“So ano nga ang kulang sa akin?” Hindi pa rin makuha ni Elise ang gusto talaga nitong sabihin.
“Learn how to love yourself, Elise. Paano ka mamahalin ng mga tao sa paligid mo, kung mismong ikaw, hindi mo ’yon kayang ibigay sa sarili mo? Know your worth. Isa pa, learn how to appreciate and wait for the right time. Huwag mong madaliin ang lahat ng bagay. Matuto kang maghintay ng tamang tao, sa tamang panahon…”
Tumayo na si Max matapos ang mahaba nitong panenermon sa kaniya. Tumalikod na ito at nagsimulang maglakad palabas ng kaniyang kwarto ngunit bigla rin itong tumigil.
“Isa pa pala, Elise. Makinig ka nang mabuti. Subukan mo munang ipahinga ang mata mo sa kahahanap sa kung saan-saan. Baka kasi dahil sa katitingin mo sa malayo, hindi mo napapansing nasa tabi mo lang pala ang hinahanap mo at handa ka na sanang yakapin, kaya lang, palagi kang tumatakbo palayo.”
Hindi na nakapagsalita pa si Elise nang tuloy-tuloy nang lumabas ng kanilang bahay si Max. Naiwan siyang nakanganga at nabibigla sa mga narinig. Tinamaan siya ng matindi sa mga sinabi ng kaibigan.
“Tama si Max,” sabi niya sa sarili. Napagtanto niyang totoo ang lahat ng sinabi nito. Nang mabigo siya sa unang pag-ibig, inakala niyang wala nang lalaking magmamahal pa sa kaniya, kaya naman sa tuwing may nagpapakita ng interes sa kaniya ay agad niya iyong sinusunggaban, kahit hindi man lang ito kinikilala ng lubos. Nawalan siya ng pagmamahal sa sarili.
Tila nabunutan ng malalaking tinik sa dibdib si Elise matapos ang sandaling iyon. Tumayo siya upang habulin sana si Max sa labas, nang may papel na biglang nalaglag mula sa kaniyang kama. Pinulot niya iyon at nabigla siya sa nakasulat dito…
“I LOVE YOU, ELISE. I REALLY HOPE THAT THIS TIME, MAKIKITA MO NA AKO. I’LL COURT YOU. HUWAG MO AKONG SASAGUTIN AGAD, HA? HAYAAN MO AKONG MAGHIRAP PARA MAKUHA KA.
P.S. WAIT FOR ME, I’LL BE BACK. BIBILI LANG AKO NG FLOWERS AND CHOCOLATES, I’LL START COURTING YOU NOW.”
Nabibigla man sa mga nangyayari ay napangiti na lang si Elise sa nabasa. Tila may kung anong damdaming bigla na lang nagising mula sa matagal na pagkakahimlay sa kaniyang puso. Ngunit ganoon pa man, ipinapangako niya sa sariling sa pagkakataong ito, hindi na siya magiging marupok pa.