Alas dose, kainitan ng araw – tanghaling tapat at hitik ang tao sa mga karinderya ni Tentay at ni Ibyang.
“Tentay, isang order ng menudo! Isa’t kalahating kanin!”
“Ibyang! Bopis, dalawang kanin! Pahingi ng sabaw ha!”
“Ako, laing!”
“Pa-take out nga nito, sinigang! Saka kalahating order ng munggo! Pahingi ng sabaw ha!”
“Te, isang extra rice pa nga d’yan!”
“Ako, magkano nakuha ko?”
Kabi-kabila ang ingay na maririnig mula sa mga kostumer ng dalawang ginang sa kani-kaniyang karinderya. Malakas ang benta ng mga ito lalo na ngayon dahil may itinatayong bagong supermarket sa may kalsada. Abala ang mga tauhan nina Tentay at Ibyang sa pagsisilbi sa mga kostumer nilang naghihintay na makapananghalian.
“Oh mga suki, pili lang kayo. Isa-isa lang, at lahat kayo ay mabibigyan! Alam ko namang gustong-gusto ninyo ang pagkain namin dito dahil masarap namang talaga!” sigaw ng may-ari ng karinderyang nakapuwesto malapit sa tabi ng ginagawang supermarket na si Tentay gamit ang megaphone.
“Nako mga suki ko, halina kayo! Dito na kayo magsibili! Masarap na, siguradong malinis pa! ‘Di gaya ng tinda ng iba d’yan, hindi ninyo alam baka may nagsu-swimming na palang mga langaw!” sambit sa microphone na nakakabit sa sound system ni Ibyang na siyang may-ari ng karinderyang halos katapat lang ng itinatayong supermarket.
“Aba, aba, aba! Nako mga suki baka naman nagkakamali kayo ng binibilhan! Tara na kayo rito, sigurado, garantisado, wala kayong makikitang itlog ng langaw! Baka nga ‘yong itinitindang ulam ng iba d’yan eh inuuod na, binebenta pa!” siya namang tugon ni Tentay sa pagpaparinig ng kaniyang kalaban sa negosyo.
“Talaga namang makapal ang pagmumukha! Malinis ang paninda namin dito! Masarap na, garantisadong bagong luto pa araw-araw! ‘Di gaya ng ibang mga karinderya d’yan na pangat ang tinitinda! Pangatlong init na!” bulyaw ni Ibyang sa mikropono na siyang ikinainit ng dugo ni Tentay.
“Hoy! Para sabihin ko sa’yo babaeng pinaglihi sa swelas ng sapatos ang pagmumukha, hindi pangat ang mga ulam namin dito! Baka d’yan sa karinderya mo ang panay panis!” bwelta naman ni Tentay na halatang naiinis na sa ka-kompitensya.
“Mawalang galang na ho ano, mga ginang! Nakakaistorbo kayo sa mga kumakain sa kani-kaniyang karinderya ninyo! Baka ho imbis na mas maraming tumangkilik sa inyo eh mawalan kayo ng kostumer!” sigaw ng isang kostumer sa karinderya ni Tentay.
“Aba’y oo nga naman! Kung gusto ninyo mag-away eh doon kayo sa barangay magsigawan! Nakakabulahaw ho kayo!” dagdag ng isa pang kostumer.
Lalong nagpanting ang tainga ng dalawang tindera at saka parehas itong lumabas mula sa kani-kaniyang mga karinderya.
“Aba at talagang dadalhin ko ang babaeng mukhang paa na ‘to sa barangay!” ani Ibyang habang dinuduro-duro ang kaniyang kaharap.
“Aba, ikaw pa ang may ganang magreklamo! Hoy, para sabihin ko sa’yo! Pwedeng-pwede kitang kasuhan sa paninira mo sa negosyo ko!” tugon naman ni Tentay habang nagmamadali nang maglakad papunta ng barangay hall na isang kanto lamang aang layo mula sa kanilang mga karinderya. “Akala mo’y mananalo ka sa akin? Hoy, dikit ata kami ni chairman!” dagdag pa nito habang magkadikit ang dalawang daliri sa kamay.
Nagmamadali na ring naglakad si Ibyang kasunod ni Tentay papunta ng barangay hall at waring nag uunahan ang dalawa para makapaglatag ng reklamo. Samantala ay hindi napansin ng dalawang ginang na unti-unti nang nauubos ang tao mula sa kanilang karinderya.
Sa kalsada pa lamang, ilang hakbang ang layo mula sa barangay hall ay maririnig na ang malalakas na boses ni Tentay at Ibyang kung kaya’t lahatng taong madadaanan ng mga ito ay napapatingin sa kanilang gawi.
“Chairman!” bulyaw ni Tentay nang makatapak sa pintuan ng barangay hall. “May ipapa-blotter akong maninira ng negosyo! Aba etong babaeng ito ay sinisiraan ang paninda ko! Napaka-kapal ng pagmumukha!” mabilis na dagdag pa nito.
“Nako, chairman eh huwag kayong maniwala rito sa mukhang tuod na babaeng ito. Sa totoo nga niyan eh siya ang naninira sa mga paninda ko. Hindi ba’t dapat eh ako ang magpa-blotter? May mga saksi ako chairman.” Mahinahon at tila malambing na sambit ni Ibyang sa kapitan. “kaya lang naman kami naririto ay etong walang breeding na babaeng ito ay kinaladkad ako papunta rito,” dagdag pa nito na may kasunod na pag-irap kay Tentay.
“At talagang pinakukulo mo ang dugo ko ha?” ani Tentay sabay sabunot kay Ibyang. Hindi naman nagpatalo si Ibyang at siya namang gumanti sa kaniyang karibal.
“SANDALI NGA MUNA!” pagsigaw ng noo’y galit nang kapitan. “MAGSITAHIMIK NGA MUNA KAYO! ANO BANG NANGYAYARI RITO?” dagdag pa nito matapos paluin ang kaniyang lamesa.
“Eh, eto nga ho chairman irereklamo ko ho itong babaeng ito dahil sinisiraan niya ang karinderya ko. Nawawalan ako ng kostumer dahil lagi yang naka megaphone, nagpaparinig,” mahinahong sambit ni Ibyang. Hindi naman na nakasagot si Tentay at siya na lamang itong napa-halukipkip.
Natigilan ang lahat sa biglang pagtayo ni chairman.
“D’yan ho sa may kabilang kanto. Sa tinatayong supermarket – magkatapat ho ang karinderya namin. Dapat nga ho –“ bago pa makatapos sa pagsasalita si Tentay ay pinutol ito ng kapitan.
“Hindi ba pumunta ang mga tanod sa lugar ninyo?” aniya. Tahimik namang nagtinginan ang dalawang ginang. “mukhang wala kayong ka-ide-ideya. Ide-demolish na ang mga karinderya n’yo roon at iba pang mga bahay. Noong isang linggo pa kami nagpaikot ng mga tanod para makapaghanda kayo at mag-relocate,” dagdag pa nito at siya namang ikinagulat ng dalawang babae. “sigurado akong naroon na ang mga tauhan nung may ari ng bagong supermarket at binabaklas na ang mga karinderya ninyo.”
Nagkatinginan ang dalawa. Ngayong pareho na sila ng pinagdadaanan, tila ba bigla na lamang nakaisip bigla ng paraan ang dalawa upang ipaglaban ang kani-kanilang negosyo na bumubuhay sa kani-kanilang pamilya.
“Hindi naman ho maari ‘yan! Bigla na lamang ipadedemolish ang lugar namin?! Bakit?” sigaw ni Ibyang.
“Siyang tunay! Maaaring tunay na mahihirap lamang kami. Pero nasa amin ang titulo ng lupang kinatitirikan ng mga negosyo namin! Hindi niyo pwedeng gawin sa amin ito!” dagdag ni Tentay.
Nang dahil sa pangyayaring iyon, napagkasunduan ng dalawa na isantabi ang mga pagkakaiba at mga nakalipas na hinanakit sa isa’t-isa. Sabay nilang ipinaglaban ang kanilang mga karapatan sa lupang kinatitirikan ng mga bahay at negosyo nila.
At nang dahil sa pagpupursigi, natapos ang araw na iyon at nagtagumpay ang dalawa sa pagtatanggol sa kanilang lugar. Tila ba napakinabangan din sa wakas ang pagtalak ng dalawang ginang nang hindi nila tinigilan ang may-ari ng bagong supermarket sa pagsulong ng kanilang karapatan.
Simula sa araw na iyon, natigil na rin ang pagpaparinigan ng dalawa. Sa halip, nakaisip pa sila ng bagong paraan upang mas maging masagana ang negosyo nila. Sa tulong ng mga tauhan nila, nakapagpatayo sila ng isang abot-kayang restawran na agad namang tinangkilik ng kanilang kapitbahay at maging ng mga tiga-ratig bayan.
Masayang-masaya ang dalawa sa naging bunga ng pagsososyo nila sa negosyo. Natutunan nilang mas magiging magaan ang buhay kung walang kaaway at payapa ang kanilang paligid.