“Iiiiiihhhhh!!!!!! Ayan na si Shrek!!!” Ang impit na tili ni Fiona habang namimilipit ang katawan na animo nakagat ng isang dosenang langgam sa sobrang kilig. Dali-dali siyang tumayo mula sa bubungan ng kanilang bahay at sumampa sa bintana ng kanyang kuwarto kung saan siya dumaan kanina para abangan ang kanyang ultimate crush. Araw-araw, tuwing hapon, ay dito siya nakatambay sa bubungan ng kanilang terrace na kanugnog ng kanyang kuwarto upang abangan si Jake, ang kanilang poging kapitbahay. Tumatakbo siyang bumaba ng kanyang kwarto at nagpunta sa kusina.
“’Nay, nandito na si Shrek ko. Okay ba ang ayos ko? Hindi ba sobrang iksi ng shorts ko? Baka ma-turn-off lalo sa akin si Shrek ko ‘pag di niya nagustuhan ang ayos ko. Baka sobrang daring, e conservative pa naman ‘yun”, sunud-sunod na tanong niya sa nanay niya.
“Okay na ‘yan. Huwag OA! Sige dalin mo na ‘yang ulam na pinatira mo sa Shrek mo. Harinawang sagutin ka na niya”, nakangiting sagot ni Nanay Solly, ang kanyang napaka-supportive na nanay.
Dala ang isang tasang ulam, tumapat siya sa gate ng bahay nina Jake at bumuntung-hininga muna bago pinindot ang doorbell. Si Mommy Beth ang nagbukas ng gate, Mommy ni Jake. Nakangiti ito nang bumungad sa kanya. Mabait ito sa kanya at close sila. Kahit halata nito na may gusto siya sa anak nito ay hindi siya nito kailanman ipinapahiya.
“Oh Fiona, halika, pasok ka. Para kay Jake ba ‘yang dala mo? Nasa loob siya, nagpapahinga”, sabi nito habang nakatingin sa dala niya.
“Huwag na po, tita”, nahihiya niyang sagot. “Baka maistorbo ko pa po ang pamamahinga niya. Sigurado pong pagod iyon. Pakibigay na lang po itong ulam na niluto ni Nanay. Paborito niya po ito eh, adobong adidas. Saka po may exam pa po kami bukas, kailangan ko pa pong mag-review.”
“O sige, salamat dito sa dala mong ulam ha? Pakisabi rin sa nanay mo, salamat,” sagot nito.
“Makakarating po. Sige po, salamat din po.”
First year high school pa lang siya, crush na niya ito. Magka-eskwela sila pero senior na ito. Na-love at first sight siya kay Jake nung minsang nakabanggaan niya ito sa hallway ng kanilang school building. Sa lakas ng banggaan nila ay tumalsik siya at napaupo. Tinulungan naman siya nitong tumayo at agad na humingi ng sorry sa kanya. Pagtingin niya sa taong nakabanggaan niya, nalusaw siya. Nag-iba agad ang pakiramdam niya. Feeling niya, umiikot ang paligid niya at hilung-hilo siya.
“Grabe! Sa’ng planeta kaya nanggaling ang ganitong ka-guwapong nilalang? Kapag sinugod kami ng mga kalahi nito, wala nang isip-isip, magpapabihag agad ako at sasama sa planeta nila para habang-buhay na kaming magkasama. Iiiiihhhhhh!!!” sigaw ng isip niya. Sobrang kilig niya pero pormal ang mukha niya. Kunwari ay dedma lang siya.
“Sorry, Miss ha. Nagmamadali kasi ako eh. Hindi tuloy kita napansin.”
Nilinis niya muna ang kanyang lalamunan bago sumagot, “Hrrmm…okay lang. ‘di rin naman din ako nakatingin eh, kaya nabangga rin kita. Sorry din.” Ngumiti ito sa kanya at nagpaalam na umalis.
“Lumingon kaaa… lumingon ka, pleeeaase….” Bulong niya sa sarili habang pasimpleng sinulyapan ang lalaki pero hindi ito lumingon. Nadismaya siya. Pero iyon na ang simula ng kanyang pantasya.
Mula noon, araw-araw na niya itong ini-stalk, sa room nito, sa hallway, sa canteen, hanggang sa CR (sa labas lang naman)… Basta may pagkakataon, daig niya pa si Sherlock Holmes. Noon niya nga rin nalaman na iisa pala ang lugar na tinitirahan nila… at magkapitbahay pa pala sila, at magkatapat pa ng bahay! Hindi kasi siya pala-labas ng bahay kaya hindi niya nalaman agad.
Wala siyang gaanong kakilalang kapitbahay kahit mag-iisang taon na silang nakatira sa lugar na ‘yon. Ang buhay nilang mag-ina ay umiinog lang sa kanilang dalawa. Si Nanay Solly, kahit paano ay may kakilala naming taga-lugar nila, pero hindi rin gaanong nakikipag-usap sa mga kapitbahay. Puro tango at ngiti lang siya kapag may mga nakakasalubong sa daan. Palengke-bahay lang naman ang routine nito kapag lumalabas ng bahay. Bihirang may ibang puntahan. Siya rin naman, eskwela-bahay rin lang ang routine niya. ‘Di siya nakikipagkaibigan sa mga kapwa niya kabataan. Hindi naman siya mahiyain pero hindi siya nakikipag-close sa iba.
Isang araw, gumawa talaga siya ng paraan para mapansin siya ni Jake. Palibhasa ay malapit sila ng kanyang nanay, lahat ay sinasabi niya rito. Wala namang problema kasi napa-cowboy nito at open-minded. Dabarkads sila, ‘ika nga… BFF.
“’Nay, ano ba magandang strategy para mapansin ako ni Shrek na ‘di naman halatang nagpapa-charming ako sa kanya? Ano kaya kung kay Tita Beth muna ako makipaglapit? Okay lang kaya? Baka ma-turn-off agad siya sa ‘kin eh,” ang sunud-sunod na tanong niya dito.
“O, eh ‘di ung nanay nga muna ang kaibiganin mo. Daanin mo kaya sa pagkain? ‘Di ba nga may kasabihan tayo, the best way to a man’s heart is through his stomach? Alamin mo kung anong paborito niyang pagkain tapos dalhan mo,” suhestyon ni Nanay Solly.
At iyon na nga ang umpisa ng kanyang “panliligaw” sa binatang kapitbahay. Kahit minsan nararamdaman niyang naiirita na sa kanya at pilit na lang ang pakikitungo nito sa kanya dahil napipilit ng ina, hindi pa rin siya sumusuko. Minsan nga talagang pinapakita na nito sa kanya ang kasungitan. Ngunit ‘di pa rin siya sumusuko. Turo kasi ng nanay niya sa kanya, kapag nagmahal siya, dapat huwag niyang sukuan, at ipakita niya rito ang kanyang buong pagmamahal kahit hindi nito masuklian ang pagmamahal na ibinibigay niya.
Maaga siyang umuwi nung araw na iyon dahil may activity sa school. Ayaw niyang tumambay nang matagal doon. Mas gusto niya pang umuwi at tumambay sa kanyang kuwarto. Aabangan na lang uli niya ang pagdating ni Shrek niya. Dumiretso siya sa kusina kung saan nandoon si Nanay Solly. Nakita niyang abalang-abala ito sa pagluluto. Naramdaman na niya na may importanteng bisita na naman sila kaya ganoon ka-aligaga ang kanyang ina.
“Hrrrmm…’Nay, nagniningning na naman ang mga mata mo. Iba na naman ang sigla mo ngayon. Andito si Tatay ‘noh?” tukso niya.
Ngumiti lang ito nang matamis. “Magpalit ka na ng damit at kakain na tayo maya-maya. Nagpapahinga lang sa kuwarto ang tatay mo, lalabas na rin ‘yon.”
Paglabas ng tatay niya ay magalang siyang nagmano. Habang nananghalian ay tahimik lang siya. Sumasagot kapag kinakausap ng tatay niya. Ganoon naman sila. ‘Di sila close ng tatay niya dahil bihira lang naman silang magkasama. Maliit pa lang siya ay sanay na siya sa set-up nila na paminsan-minsan lang sila dalawin dahil may iba itong pamilya. Pagkakain ay tumungo na ito sa sala, umupo sa sofa at itinaas ang paa sa center table. Ini-on ni Nanay Solly ang TV, kinuha niya ang bangkong maliit at sinimulang masahehin ang mga binti at paa ng kanyang tatay. Siya naman ay nagligpit na ng kanilang pinagkainan. Ganoon palagi ang kanilang routine kapag nasa bahay ang kanyang ama.
Nagpatuloy ang pag-inog ng mundo ng mag-ina sa pagsisilbi at pagpapakita ng pag-ibig sa kani-kanilang mga mahal. Hanggang isang araw, pag-uwi niya ng bahay, isang kakaibang pangyayari ang magpapabago sa kanyang pananaw sa buhay.
Nadatnan niya ang kanyang ina na nakahandusay sa sahig. Inatake ito sa puso. Hindi niya alam na may dinaramdam na pala ito. Dali-dali siyang lumuhod para saklolohan ang kanyang ina. Sumigaw siya para humingi ng tulong. Agad naman siyang sinaklolohan ng mga kapitbahay at isinugod sa ospital si Nanay Solly. Hindi niya alam kung paano kokontakin ang kanyang ama upang ipaalam dito ang nangyari sa kanyang ina. Hindi naman kasi niya alam ang contact number nito at kung saan ito nakatira. Hindi rin sinasabi ng kanyang nanay. Hindi rin siya nagtatanong dahil nga sanay na siyang nadadatnan na lang ito sa kanilang bahay at umaalis rin agad.
Ilang araw na-confine sa ospital si Nanay Solly bago sila nakauwing muli sa kanilang bahay. ilang araw pa ang lumipas bago may ipinagtapat ito sa kanya na lubha niyang ikinabigla. Hindi siya makapaniwala sa mga ipinagtapat nito.
Gusto niya itong sumbatan dahil sa paglilihim nito sa kanya sa loob ng mahabang panahon pero nag-aalala naman siyang makasama ito sa kalusugan ng kanyang pinakamamahal na ina. Kaya ang tanging nasabi niya lang dito ay, “’Nay, bakit hindi niyo agad sinabi sa akin? Akala ko ba bestfriends tayo? Wala tayong lihiman? Bakit ga’non, ‘Nay? Bakit mo ginawa iyon sa sarili mo?” mahinang-mahina at malumanay ang kanyang boses pero mararamdaman mong punong-puno ng hinanakit.
Niyakap siya ng kanyang ina nang mahigpit. “Anak, gusto kitang protektahan. Gusto kong maging normal ang buhay mo na kahit paano ay may matatawag kang pamilya. Mahal na mahal kita, anak, kaya lahat gagawin ko maging masaya ka lang. Patawarin mo ‘ko kung nasaktan man kita ngayon, pero alam kong ito na ang tamang panahon para malaman mo na ang katotohanan,” umiiyak na sabi ni Nanay Solly habang yakap-yakap siya.
Hindi nakayanan ni Nanay Solly ang ikalawang atake at tuluyan na siyang namaalam. Sobrang sakit ang naramdaman niya dahil alam niya mag-isa na lang siya. Sa panahon ng kanyang pagdadalamhati, katabi at karamay niya ang mag-inang Beth at Jake at iba pang kapitbahay nila. Dumating sa burol ang kanyang ama. Lumapit ito sa kanya pero umiwas siya. Tikom ang kanyang bibig pero nagngangalit ang kanyang mga ngipin. Walang kahit isang salita siyang binitiwan dito. Naramdaman yata ng kanyang ama ang kanyang coldness dito, hindi nagtagal ay nagpaalam na rin ito. Pumupunta naman ito araw-araw pero hindi na nagtatangkang lumapit sa kanya dahil sa tuwing magtatangka ito ay tinitingnan niya ito nang matalim.
Pag-uwi niya sa bahay matapos ang libing, agad siyang nakaramdam ng pangungulila sa kanyang ina. Ngayon, talagang mag-isa na lang siya. Tinungo niya ang aparador ng kanyang ina at kinuha ang mga damit nito. Isa-isa niyang niyakap ang mga damit nito habang humahagulgol.
“’Nay, miss na miss na kita.”
Ilang araw na nagkukulong ng bahay si Fiona. Hindi siya lumalabas at saradung-sarado ang bahay na animo walang tao. Hindi na siya pumapasok sa eskwela. Nag-aalala na si Mommy Beth. Parang anak na ang turing niya rito at alam niyang walang ibang dadamay dito kundi sila. Alam niyang wala na itong mga kamag-anak na pupuntahan. Ilang beses na niya itong tinangkang kausapin pero walang sagot. Ayaw siyang pagbuksan ng pinto. Si Jake din ay pabalik-balik sa bahay niya pero hindi niya sinisilip man lang.
Dalawang linggo ang lumipas, lumabas na siya ng bahay pero parang tuod. Walang kinakausap, walang pinapansin. Kahit si Jake ay lumalapit sa kanya at kinakamusta siya pero ni hindi man lang niya ito sinusulyapan. Nagkapalit na ngayon ang sitwasyon. Siya na ngayon ang dinadalhan ng pagkain at sinusuyo ni Jake.
Isang araw, nadatnan niya ang kanyang ama sa gate ng kanilang bahay. Agad nag-init ang kanyang mukha sa galit.
“Anong ginagawa mo dito?” pigil ang emosyon niyang sabi.
“Anak…”
“Ang kapal naman ng mukha mong tawagin akong anak. Bakit, nagpaka-ama ka ba sa akin? Ikaw ang dahilan kung bakit naging miserable ang buhay naming ng nanay ko! Bata pa lang ako, hindi na kami ang priority mo. Wala akong kaibigan kasi ayokong malaman nila na hindi kami ang totoong pamilya mo. Kapag may nagtatanong sa akin kung na’san ang Tatay ko, palagi kong sinasabi, naka-destino ka sa malayo kaya bihira kang umuwi. Hindi ko masabi na may iba kang pamilya bukod sa ‘min. Ayokong maiba ang tingin nila sa nanay ko. Ayokong pag-chismisan nila ang nanay ko na isang kabit dahil hindi ko kakayanin ‘yon. Nagtiis ako at natutong makuntento dahil ang alam ko, KAMI ang nakikiamot sa oras at pagmamahal mo. All this time, pinaniwala ninyo akong dalawa na kami ang ikalawang pamilya mo. Iyon pala, ang nanay ko at ako ang legal na asawa at anak mo! Iyong pinangingilagan ko na makakita sa akin kapag nagkikita tayo sa labas para humingi ng baon sa ‘yo ang siya palang nakikiamot at umagaw sa ‘yo sa amin!” Sa sobrang galit niya hindi niya namamalayan na nasa kalsada pa sila at malakas na pala ang boses niya.
“Ano, hihingi ka ng tawad sa akin? Doon ka humingi ng tawad sa puntod ng nanay ko… na ASAWA mo! Dahil sa kanya ka nakagawa ng higit na kasalanan. Kapag sumagot siya at sinabing pinapatawad ka na niya, baka sakaling mapatawad kita,” sigaw niya sabay pasok sa loob ng bahay. Naiwang nakatayo sa labas ang kanyang ama.
Araw-araw ay binibisita niya ang puntod ng kanyang ina. Araw-araw niya ring nakikitang may sariwang bulaklak ang puntod nito na palaging may kakabit na maikling sulat na humihingi ng tawad. Alam niyang sa Tatay niya iyon.
Lumipas pa ang mga lingo at buwan, patuloy siyang sinusuyo ni Jake. Gusto naman talaga siya nito pero na-tu-turn-off sa kanya dahil ayaw nito ng siya ang nililigawan. Pero ngayon na tumigil na ang paghahabol niya rito, ito naman ang lumalapit at sumusuyo sa kanya. Kaya lang dahil sa naging pangyayari sa kanyang buhay, naging man-hater na siya. Parang tumigil na sa pagtibok ang kanyang puso. Sobra kasi siyang nasaktan at na-trauma sa tatay niya. Hindi na rin siya tumatambay sa bubungan sa kanyang kuwarto. Palagi nang nakasara ang bintana nito.
Nanibago siya. Hindi niya nadatnan ang kanyang tatay sa gate ng kanilang bahay nung araw na iyon at sa mga sumunod pang mga araw. Pero palagi pa rin siyang may nadadatnang bulaklak na may “sorry note” sa puntod ni Nanay Solly. Isang araw, inaagahan niya ang pagpunta sa puntod ng kanyang ina. Nagulat siya kung sino ang kanyang nadatnan, ang kinakasama ng kanyang ama. Gusto niyang magalit at itapon ang mga bulaklak na dala nito pero nagtimpi siya. Humingi ito ng tawad sa kanya at ibinalita na nasa malubhang kalagayan ang kanyang ama. Ayaw nitong ipaalam sa kanya pero gumawa ito ng sulat at hiniling na ibigay ito sa kanya kapag wala na ito. Hiniling din nito na patuloy na dalhan ng bulaklak si Nanay Solly upang patuloy na humingi ng kapatawaran dito.
Hindi siya makatulog nang gabing iyon. Hindi niya alam ang gagawin. Nagtatalo ang kanyang isipan at puso. Gusto ng kanyang isipan na tikisin pa rin ang kanyang ama pero may isang bahagi sa puso niya na tumututol. Kinakapa niya sa puso niya ang galit pero parang wala na. Napalitan na ito ng awa. Napatawad na nga niya kaya ang tatay niya?
Namalayan na lang niyang humahakbang ang kanyang mga paa patungong kuwarto ng ospital kung saan naka-confine ang tatay niya. Naninigas ang kanyang kamay habang pinipihit niya ang doorknob. Tumambad sa kanya ang Tatay niyang naka-dextrose at buto’t-balat na. May humaplos na awa sa kanyang puso. Parang lahat ng galit niya sa ama ay napalitan uli ng pagmamahal at awa. Nang makita siya nito ay agad tumulo ang luha nito at kahit walang salitang lumalabas sa bibig nito ay makikita mo sa mata ang paghingi pa rin ng tawad at tuwa na makita siya. Isang pisil sa braso ang kanyang iginanti rito. Ngumiti ito at ipinikit ang mga mata.
Maluwag na ang kanyang pakiramdam nang muling dumalaw sa kanyang Nanay Solly. Katabi na nito sa puntod ang kanyang tatay. Maaliwalas na ang kanyang mukha. Magaan na ang kanyang pakiramdam. Alam niyang magkasama na sa kabilang buhay ang kanyang mga magulang. At siya naman, haharapin ang bukas nang may ngiti. Napahilig siya sa balikat ni Jake habang naglalakad sila palayo.