Inday TrendingInday Trending
Isang Romantikong Gabi ay Naging Isang Malagim na Trahedya Dahil sa Kapabayaan ng Magkasintahan

Isang Romantikong Gabi ay Naging Isang Malagim na Trahedya Dahil sa Kapabayaan ng Magkasintahan

Magli-limang taon nang magkasintahan sina Jean at Marco. Kaya naman naisip ng binata na gawin itong espesyal. Napag-isip-isip niyang panahon na upang yayain ang kasintahan na magpakasal. Alam niyang mahilig ang dalaga sa karagatan, kaya naman naghanda siya ng isang malaking sorpresa para dito.

“Babe, anong gusto mong gawin sa anniversary natin?” tanong nito sa nobya.

“Kahit kumain lang tayo sa labas at manood ng sine, masaya na ako doon. Ang mahalaga ay magkasama tayo,” malambing na sagot ni Jean.

“Ganon lang? Ayaw mo ba na gawin nating engrande ang anniversary natin? May nabili kasi akong ticket ng eroplano papuntang Boracay. Ayos lang ba ‘yon sa’yo?” naka-ngiting tanong ni Marco habang nakahawak sa kamay ng dalaga.

“Wow! Talaga? Dati ko pa nga gustong itanong sa iyo kung kailan tayo makakapunta sa beach ng tayong dalawa lang,” tuwang-tuwang sagot naman ni Jean sa binata.

Araw-araw ay walang palyang sinusundo ng binata ang kanyang nobya mula sa opisina nito. Lagi niya itong ginagawa upang maka-sigurong ligtas na makakauwi ang kanyang nobya.

“Babe, salamat ulit sa paghatid. Mag-iingat ka ha.”, paalam ni Jean kay Marco.

“Lagi naman akong mag-iingat. Hindi ba, ipinangako ko sa iyo na sabay tayong tatanda?” sagot ni Marco sabay halik sa noo ng nobya.

Nang maihatid na ang nobya ay dumeretso siya sa bayan upang bumili ng mga kandila at piring sa mata. Iyon na lamang ang kulang upang maisagawa ang pinaghandaang sorpresa niya.

Dumating na ang araw ng alis ng magkasintahan. Maaga silang dumating ng airport upang maiwasan ang maiwan ng eroplano. Naging maayos ang kanilang paglipad at wala pang isang oras ay nakarating na sila ng Boracay.

Agad dinala ni Marco ang nobya sa isang spa.

“Iiwan muna kita dito, ha? Mag-relaks ka muna. May aasikasuhin lamang ako,” bilin ng binata kay Jean.

“Hala, babe? Hindi mo ako sasamahan magpamasahe? Saan ka pupunta?”

“Basta. Malalaman mo rin mamaya.”

Umalis na ang binata at iniayos ang kwarto sa isang hotel na kaniyang inupahan. Pinuno niya ang sahig at kama ng paboritong bulaklak ng dalaga. Ginamit din niya ang mga biniling kandila at sinindihan itong lahat. Siniguro rin niyang nasa bulsa pa ng kanyang jacket ang singsing na ibibigay sa kasintahan mamaya. At nang matapos sa kaniyang sorpresa, nagmadali na si Marco at sinundo ang nobya. Bago pumasok ng kwarto ay isinuot niya muna dito ang piring sa mata.

“Babe? Saan ba tayo pupunta?”

“Basta… O sige, pwede mo nang tanggalin ang piring.”

Nang idilat ni Jean ang kaniyang mga mata, nakita niya ang binata na nakaluhod sa kaniyang harapan. May hawak itong singsing na may napakalaking diyamante. Pansin din niyang halatang pinaghandaan at pinagpaguran ng binata ang ayos ng kanilang kwarto.

“Babe? Happy anniversary. Sa limang taon na nobya kita, imbis na magsawa ay lalo akong napamahal sa iyo. Siguradong-sigurado na ako na ikaw ang gusto kong makasama hanggang sa pagtanda ko. Pinapangako kong aalagaan kita, mamahalin, at kailanma’y hindi pababayaan. Kaya naman, will you marry me?”

Naluluha na si Jean. Matagal na rin niyang pinapangarap na mag-alok ng kasal ang kaniyang nobyo. At dahil mahal na mahal niya ito, agad siyang pumayag.

“Oo naman, siyempre. Yes! Yes! YES!”

Agad tumayo si Marco upang isuot sa nobya ang singsing. Matapos ay mahigpit na nagkayakapan ang dalawa. Inihain na rin ni Marco ang mga pagkain na espesyal niya pang ipinaluto sa pinakamagaling na chef sa hotel na iyon.

Matapos kumain ay nagyaya nang mahiga ang binata. Agad naman itong nanlambing sa kaniyang mapapangasawa.

“Babe? Tutal malapit na tayong magpakasal, pwede na ba?” tanong ni Marco kay Jean.

Namula ang dalaga. Kahit limang taon na silang magkasintahan ay wala pang nangyayari sa kanila.

Hindi sumagot ang dalaga ngunit hindi na rin nakapagpigil ang binata. Sinunggaban niya ng halik ang pulang labi ng kasintahan. Nagustuhan din naman ito ni Jean kaya hindi na siya umalma pa. Maya-maya pa ay tumayo ang binata upang tanggalin ang kanyang damit. Inihagis niya ito sa gilid ng kama sa pagmamadali. Binalikan niya ang malalambot na labi ng kasintahan, nang biglang nakaramdam ng matinding init ang dalawa. Hindi iyong klase ng init na dahil sa kanilang paghahalikan…

“Babe! Lumiliyab iyong damit na hinagis mo!” napasigaw si Jean nang makitang malaki na ang apoy na nagmula sa damit na tumama sa mga kandila sa kanilang kwarto.

Agad tumayo ang dalawa at sinubukang lumabas ng kwarto, ngunit palaki na nang palaki ang sunog na nakaharang sa daanan palabas ng silid. Nagsisigaw na lamang ang dalawa.

“TULUNGAN NIYO KAMI! NASUSUNOG ANG KWARTO NAMIN!” sigaw ng binata sa pag-asang may makarinig sa kanila.

Nagyakapan ang dalawa dahil akala nila’y ito na ang wakas ng kanilang mga buhay. Mabuti na lamang at narinig ng isang janitor sa kabilang kwarto ang kanilang sigaw.

Mabilis dumating ang mga bumbero upang apulahin ang apoy. Nakalabas na ang nanghihinang magkasintahan nang tulungan sila ng ilang mga bumbero na pumasok sa kanilang kwarto.

Pagkatapos ng nangyari sa kanila, walang kumikibo sa dalawa. Maya-maya, naglakas loob si Marco na humingi ng tawad sa kanyang nobya tungkol sa trahedya na nangyari sa kanila.

“Babe, patawad. Hindi ko alam na ganon ang mangyayari. Sana hindi ka magalit sa akin.”

“Ano ka ba, babe? Alam ko namang pareho nating hindi ginusto ang nangyari. Ang mahalaga ay ligtas tayong dalawa. Ituloy na lang natin ang naudlot na ginagawa natin pagkatapos na nating maikasal,” nakatawang sagot ng dalaga.

Naisip ng dalawa na baka kaya nagsimula ang sunog ay para matupad pa rin ng dalaga ang pangakong hindi muna makikipag-siping sa kahit na sino bago maikasal. Tinawanan na lamang nila ang mga nangyari at itinuloy ang pamamasyal sa napakagandang karagatan.

Mula noon ay naging mas maingat na sa kanilang mga kilos ang magkasintahan. Hinintay nilang maikasal muna bago ituloy ang naudlot na paglalambingan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement