Walang Sawang Kumayod ang Driver Para Mapag-aral ang Mga Anak, Ito Pa ang Iginanti ng mga Ito sa Kanya
Walang ibang hangad si Mang Rey kundi ang mapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang mga anak. Kaya kahit madalas ay nananakit na ang kanyang katawan ay patuloy pa rin siyang kumakayod.
“Tay, sabi ko naman po sa inyo ako na ang mag-aayos ng butas diyan sa bubong, baka sumakit nanamanan ang likod niyo.” wika ng panganay na si Harvey.
“Ako na anak madali lang naman ito. Sige na tapusin mo na ang aralin mo.” sagot niya.
Nagtatrabaho si Rey bilang isang drayber ng kompanya. Siya ang naghahatid sa mga empleyado na mayroong appointments sa labas ng opisina.
“Mang Rey pwede ka bang gabihin ngayon? Hanggang alas otso kasi ang meeting ko eh.” tanong ng kaniyang boss.
“Opo sir walang problema!”
Mas gusto nga ni Rey ang pago-overtime dahil dagdag ito sa kaniyang sahod. Habang lumalaki ang kaniyang mga anak ay lumalaki din ang kanilang gastusin. Bagaman may maliit na sari-sari store ang kaniyang asawa ay kinukulang pa din sila.
“Mahal, kulang pa kasi ng isang libo ang tuition ni bunso, may mahihiraman ka ba?” tanong ng kaniyang misis.
“Ah sige mahal, bukas ay iaabot ko sa iyo.”
Nasa ikaapat na taon na sa kolehiyo ang kaniyang anak na si Harvey, ang pangalawang si Hannah naman ay nasa ikalawang taon sa kolehiyo, habang ang bunso naman ay nasa hayskul.
“Tay, konting tiis lang, pag nakatapos ako ay tutulungan ko kayo sa pagpapaaral kina Hannah.” pangako ni Harvey.
“Salamat anak, napakaswerte talaga namin sa inyo ng nanay mo, napakababait niyong bata.”
Batid ni Harvey ang lahat ng sakripisyo ng kaniyang magulang maigapang lamang ang edukasyon nilang magkakapatid. Kaya nang siya ay makatapos sa pag-aaral ay agad siyang naghanap ng trabaho upang makatulong.
“Nay, tay, eto na po pala ang una kong sahod, nagtabi na po ako ng allowance ko kaya sa inyo na po yan.”
“Naku anak, hindi ko ito matatanggap lahat, bigyan mo na lamang ako ng kaunti at itabi mo ang iba sa ipon mo.”
Hindi mapilit ni Harvey ang mga magulang kaya’t regular niya na lamang silang inaabutan ng parte ng kaniyang sinasahod. Dalawang taon pa ang lumipas at nakatapos na din si Hannah sa pag-aaral, kagaya ng kaniyang kuya ay sinuklian niya ang paghihirap ng magulang.
“Kuya, ngayong may trabaho na din ako ay gusto ko sanang makaipon ng pera para mabayaran na natin ng buo ang utang dito sa bahay.” wika niya sa kapatid.
“Tama yang naisip mo Hannah, nasa sampung taon pa huhulugan nina tatay itong bahay, malaking tulong sa kanila kung mababayaran na natin ito.”
Pinagtulungan ng magkapatid ang pagiipin upang makalikom ng salapi na ipambabayad sa natitirang utang nila sa bahay. Sa ika-60 na kaarawan ni Mang Rey ang sorpresa nilang ibinigay sa mga magulang ang kabuuan ng pambayad sa bahay.
“Tay, nay, maraming salamat po sa lahat ng ginawa niyo para sa amin.” wika ni Hannah.
“Sobra kaming maswerte na magkaroon ng mga magulag na tulad ninyo.” sagot ni Harvey.
Iniabot ni Harvey sa mga magulang ang isang cheke kalakip ang isang sulat. “Home loan payment”.
Naluluhang pinasalamatan ng mag-asawa ang mga anak. Napakalaking ginhawa para sa kanila na mabawasan ang kanilang buwanang gastusin.
“Salamat mga anak, maraming salamat.” umiiyak na tugon ng kanilang ina.
Tahimik na niyakap ni Mang Rey ang mga anak at sila ay pinasalamatan, wala na siyang ibang mahihiling pa kundi ang magkaroon sila ng masayang pamumuhay.
“Tay, pag ako nakatapos babawi din po ako sa inyo.” wika ng bunsong nilang anak.
“Anak, makatapos ka lang ng pag-aaral, masaya na ako.” sagot ni Mang Rey.
Nagkaroon man ng sariling pamilya sina Harvey at Hannah ay hindi naman nila pinabayaan ang kanilang mga magulang, dinagdagan nila ang paninda ng kanilang tindahan at pinahinto na si Mang Rey sa pagkayod. Tinulungan nila ang bunsong kapatid hanggang sa makatapos ito sa pag-aaral.
Maligayang maligaya naman ang mag-asawa sa unti-unting pag-abot ng kanilang mga anak ng kanilang pangarap, di rin nila maitago ang kagalakan sa paglaki ng kanilang pamilya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!