Nagtanan ang Mag-Nobyo dahil Hadlang ang Kanilang mga Magulang sa Pag-Iibigan Nila, Isang Insidente ang Nasaksihan Nila Kaya Nagpasya Nalang Silang Umuwi
Habang may hinihintay sa isang mamahaling restaurant si Maureen ay natanaw niya sa labas ang dalawang kabataang sa tingin niya ay mag-nobyo. Magkaakbay ang mga ito habang nag-aabang ng masasakyang jeep. Medyo umaambon pa naman at iisa lamang ang payong ng dalawa kaya pilit silang nagsisiksikan upang hindi mabasa. Napangiti naman si Maureen, naaalala niya kasi ang sarili sa dalawa.
Ilang taon na ang nakalilipas, siguro ay mga 9 years na, mula nang magkaroon rin siya ng nobyo, si Tom. Kinse anyos lamang siya noon, nasa ikaapat na taon ng high school at talaga namang minahal niya nang maigi ang lalaki.
“Sinabihan ka na namin ng daddy mo, bawal ka na munang mag-nobyo diba?” sabi ng mommy niya noon, habang siya ay nakatungo lamang na nakikinig rito.
“Anak, wala namang masama sa ganyan. Di ba at pinapayagan pa naming dumalaw rito si Tom? Kaya lang sana ay maghinay-hinay kayo, ni wala ka pa nga kayong 18! Hindi ka pa nakakatungtong ng kolehiyo..paglaki mo ay maiintindihan mo rin kami,” sabi naman ng kanyang daddy.
Gustuhin man i-proseso ng utak niya ang sinasabi ng mga ito ay mas nananaig naman ang tawag ng puso niya. Mahal niya si Tom, at ganoon rin ang lalaki. Hindi niya yata kaya na mawala ito sa kanila. Paano kung friends lang sila? Paano kung may makita itong mas maganda kaysa sa kanya, paano na siya?
“Sana, maunawaan mo kami ng daddy mo. Kapag malinaw na ang isip mo ay ibabalik na namin ang cellphone mo ha?” sabi naman ng mommy niya. Tumango nalang siya, wala rin naman siyang magagawa. Malungkot na dumapa na lamang siya sa kama pag labas ng mga ito sa kanyang kwarto, maya maya pa ay may naramdaman siyang nambabato sa kanyang bintana. Excited na tumayo siya at sumilip na roon, alam niya na iyon. Ang kanyang prince charming!
“Huy! Bawal ka dito! Ano ka ba!” pabulong na sabi niya rito.
Bihis na bihis ang lalaki kaya medyo nagtaka siya, kapitbahay niya lang naman ito at nasanay siyang naka-pambahay lang ito pag dumadalaw sa kanila, o kapag tulad ngayon na sinisilayan siya nito sa bintana.
“Hindi ka kasi nagre-reply sa akin, nag aalala ako.” sabi nito.
“Kinuha nila yung cellphone ko. Baka..baka hindi na tayo pwede,” malungkot niyang sabi. Pero sa halip na kumunot ang noo ng lalaki ay napangiti ito.
“Napag isipan ko na yan, tara na! Get your things, aalis tayo.” sabi nito na itinuro pa ang itinakas nitong kotse ng daddy nito. Nanlaki naman ang mata ni Maureen, kaya pala pormang porma ito! Yayayain pala siyang magtanan!
Walang kakurap-kurap ay dumampot siya ng mga bihisan at inilagay iyon sa isang backpack, ni walang laman ang bulsa niya. Wala siyang cellphone, bahala na, basta magkasama sila ni Tom.
“Mamaya konti, hintayin mo ako sa may basketball court, mas safe doon.” sabi niya sa binatilyo. Tumango naman ito at nag-drive na papunta roon. Nang masiguro ni Maureen na tulog na ang kanyang mga magulang ay dahan dahan siyang naglakad palabas ng kanilang bahay. Lakad-takbo siya nang makalabas papunta sa court, halos tumalon ang puso niya nang matanaw niya na ang binatilyo na nakasandal sa gilid ng kotse, ang gwapo talaga nito.
“Ang tagal mo naman baby,” sabi nito pero nakangiti. Hinalikan siya nito sa noo.
“S-saan tayo pupunta?” tanong niya rito.
“Ewan, bahala na. Tara.” sabi lang nito at iginiya na siyang sumakay sa kotse, may takot sa dibdib pero ang saya saya nila. Nagdrive sila papuntang Maynila, may 500 pesos naman sa bulsa si Tom. Akala nila noong mga panahong iyon ay sapat na ang ganoong pera, medyo traffic pa sa EDSA at doon sila natagalan. Nagulat na lamang si Maureen nang may kumatok sa kanyang bintana, isang dalagita na halos ka-edad niya, may bitbit itong baby na sinisipon.
“Kawawa naman ang baby..” bulong niya. Napansin rin nila ni Tom na may mas matanda pa pala itong anak na nakakapit sa baywang nito, siguro ay dalawang taong gulang ang bata. Maya maya pa ay tila tinawag ng dalagita ang kanyang asawa upang kargahin ang isang bata, lumapit naman ang binatilyo, buong pamilya na ang kumakatok sa kanilang bintana ngayon.
Nagkatinginan sila ni Tom, para bang pareho silang kinalabit ng Diyos na mali ang kanilang binabalak gawin. Hindi man nag uusap ay nagkaintindihan ang dalawa, ibinaba ni Maureen ang bintana at iniabot na lang sa pamilya ang 500 pesos ng kanyang nobyo. Malaki ang pasasalamat nila sa pamilyang ito dahil baka kung hindi sila kinatok ay maging magkatulad sila pagdating ng panahon, medyo natagalan man dahil sa traffic ay iniliko na ni Tom ang kotse, uuwi na lang sila at magso-sorry sa kanilang mga magulang.
“Madam?” nagising sa pagkakatulala sa mag-nobyo si Maureen dahil sa tawag na iyon ng waiter.
“Yes? I’m still waiting for my boyfriend..” sabi niya rito at napasulyap sa orasan sa kanyang braso. Medyo naiinis na siya at nag aalala, magsasara na yata ang restaurant ay wala pa ito. Kadalasan kasi ay sinusundo siya nito sa kanila at never pa itong na-late, pero iba ngayon.
“Opo, lilinisin po kasi namin ang part na ito ng kisame, sorry for the inconvenience. Kung nais ninyo po, lumipat na lang kayo doon sa events room namin,” sabi nito at itinuro ang isang kwarto kung saan ginaganap ang mga private celebration.
“Sige, paki-inform nalang yung boyfriend ko ha, siya rin kasi ang nagpa-reserve nito.” tumayo na siya at pumunta sa events room, malapit nang humulas ang make up niya. Anniversary pa naman nila, ano ba naman ang lalaking ito.
Pagbukas niya ng pinto ay nakapatay pa ang ilaw kaya medyo napairap siya, para naman kasi siyang kawawa sa restaurant na ito. Kinapa niya ang switch sa gilid at nang buksan niya ang ilaw ay napatakip siya ng bibig sa kanyang nakita.
Naroon ang kanyang nakangiting mga magulang, at mga malalapit na kaibigan. Sa gitna ay may dalang bulaklak at chocolate ang kanyang nobyo..
Si Tom.
“Happy Anniversary!” sigaw ng mga ito.
Natatawa naman siya at kinikilig, tinapik niya ang balikat ng lalaki, “Loko ka, anniversary natin bakit kasama sila? Dinamay mo pa sila!” sabi niya rito.
“Dahil may gusto akong ulitin, pero this time, sa tamang paraan na,” makahulugang sabi nito. Naguguluhan pa si Maureen pero napaluha siya nang biglang lumuhod ang lalaki at inilabas ang isang magandang singsing.
“Maureen, naka-graduate na tayo at may magandang trabaho. Sa siyam na taon naman siguro ay napatunayan ko na ang pag ibig ko sayo, napatunayan ko na rin ang sarili ko sa iyong mga magulang- oo nga pala, nakausap ko na sila at naipagpaalam na kita this time. Maureen, magtanan na tayo ulit?” nakangiting sabi nito.
Nang sulyapan ni Maureen ang kanyang mga magulang ay lumuluha habang tumatango ang dalawa.
“YES!” sigaw ni Maureen. Nagpalakpakan ang lahat at nagyakap sila ni Tom.
Kung kayo talaga ang nakatadhana, makakamit rin ang happy ending kahit marami pang hadlang, basta maghintay lamang sa tamang panahon.
May gantimpala ang pusong marunong maghintay.